Para sa Lakas ng mga Kabataan
Gusto Mo bang Maging Mas Masaya? Subukang Maging Mapagpasalamat
Para sa Lakas ng mga Kabataan Pebrero 2026


Gusto Mo bang Maging Mas Masaya? Subukang Maging Mapagpasalamat

Kapag napakaraming pagbabago sa iyong buhay, makatutulong sa iyo ang pagiging mapagpasalamat na magtuon sa positibo at manatiling umaasa.

isang tao sa ilalim ng maitim na ulap na may kasamang ulan at isang taong napaliligiran ng mga ibon at paru-paro at mga bulaklak

Mga larawang-guhit ni Maggie Stephenson

Kailanman ay hindi hihigit ang antas ng inyong kaligayahan sa antas ng inyong pasasalamat.”

Tulad ng pahayag na ito mula kay Elder Gary B. Sabin ng Pitumpu, ang kasiyahan mo ay nakasalalay sa kung gaano ka mapagpasalamat. Makabuluhan ito—kapag nagpapasalamat ka, nakatuon ka sa mga positibong bagay sa halip na sa mga negatibong bagay.

Gayunpaman, ang buhay ay hindi palaging nangyayari ayon sa plano. Ang di-inaasahang mga pagbabago ay maaaring magdulot sa iyo ng mas matinding pagkabalisa, kalungkutan, o kabiguan kaysa kaligayahan. Pero kapag mahirap ang mga bagay-bagay, matutulungan ka ng pasasalamat na manatiling umaasa. Subukan ang tatlong paraan na ito para lalo pang magpasalamat sa iyong buhay.

1. Hanapin ang Mabuti

Kadalasan, pinakamahirap magpasalamat kapag pakiramdam mo ay may isang bagay na wala sa iyo. Pero anong mga pagpapala ang maaaring hindi mo napapansin kung nakatuon ka sa mga bagay na wala sa iyo sa halip na magtuon sa kung ano ang mayroon ka?

Kapag hinahanap mo ang kabutihan sa iyong buhay, magiging mas madali itong mahanap kalaunan.

2. Magpasalamat sa Tagapagbigay

Kapag binibilang mo ang iyong mga pagpapala, huwag kalimutan kung saan nanggaling ang mga ito.

Ang pagpapasalamat sa Ama sa Langit para sa Kanyang mga kaloob—kabilang na ang kaloob ng Kanyang Anak—ay magpapalalim sa iyong pagmamahal at pananampalataya sa Kanya. Ipinaliwanag din ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang makadama at magpahayag ng pasasalamat sa Diyos ang nagsasanhi ng masayang pakiramdam sa pagsamba,” na nagpapasaya at nagpapalakas sa iyo at nakakatulong sa iyo para manatiling matibay ang iyong patotoo.

3. Magtuon sa Plano ng Ama sa Langit

Malinaw na ang pasasalamat ay hindi nangangahulugang iiwasan mo ang mahihirap na bagay sa buhay o magiging masaya na lang sa lahat ng oras. Maging si Jesucristo ay nakaramdam ng sakit at tinanggap iyon (tingnan sa Alma 7:11; Doktrina at mga Tipan 19:18–19). Ang kalungkutan ay karaniwang bahagi ng buhay.

Ngunit anuman ang mangyari, hindi kailanman nagbabago ang isang bagay: ang plano ng awa ng Ama sa Langit. Lahat ng kalungkutan at sakit na nararanasan mo sa buhay ay maitatama dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Apocalipsis 21:4).

Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapasalamat sa panahon ng kapighatian ay hindi nangangahulugan na nalulugod tayo sa ating mga kalagayan. Ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ay natatanaw natin ang hinaharap sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyan.”