Mga Nakatagong Kayamanan
Mas Saliksikin pa ang Aklat ng Genesis
Ang iyong “pagkapanganay” ay hindi sulit ipagpalit sa anumang bagay.
Ang kuwento tungkol kina Jacob, Esau, at sa “nilaga” ay may ilang aral para sa atin.
Ayon sa Genesis 25:29–34, umuwi si Esau na nagugutom matapos ang maghapong pagtatrabaho at humingi ng kaunting “nilaga,” na niluluto ng kanyang kapatid na si Jacob. Sinabi ni Jacob na ipagpapalit niya ang nilaga sa “pagkapanganay” ni Esau—ibig sabihin, ang espesyal na mana, responsibilidad, at awtoridad na karapatan ni Esau bilang panganay na anak ni Isaac.
Sagot ni Esau, “Sige, nagugutom na ako. Ano ang silbi ng pagkapanganay sa isang taong nagugutom?” Nagpalitan sila. Sa paggawa nito, ipinakita ni Esau na walang halaga sa kanya ang kanyang pagkapanganay.
Maaaring hindi natin alam ang ilan sa mga detalye sa kuwentong ito (tingnan sa Moises 1:23, 41; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Hindi malinaw kung bakit ayaw bigyan ni Jacob ng kanyang pagkain ang kanyang kapatid.
Ang punto ay hindi OK na ipagpalit ni Esau ang kanyang pagkapanganay para sa isang mangkok ng nilaga—o para sa anumang bagay.
Maaaring ituring mo ang “pagkapanganay” tulad ng pagturing mo sa “integridad” o “karangalan.” Ipagpapalit mo ba ito sa loob ng ilang minutong kasiyahan? Isasakripisyo mo ba ang kawalang-hanggan para sa pansamantalang kasiyahan?
Katawa-tawang ipagpapalit mo ang iyong mana para sa nilaga o sopas. Pero ang totoo, kalunus-lunos na ipagpalit ang walang-hanggang kaligayahan para sa anumang bagay.
Kung nangangako ang Panginoon at tayo ay tapat, tutuparin Niya ito.
Ipinangako ng Panginoon kay Abraham na siya ay magiging “ama ng maraming bansa” (Genesis 17:4). Ang problema, si Abraham at ang kanyang asawang si Sara ay hindi pa nagkaroon ng mga anak at ngayon ay parehong matanda na.
Masaya si Abraham tungkol sa ideya na magkakaanak na si Sara, pero may pag-aalinlangan. “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?” tanong niya (Genesis 17:17).
Si Sara ay nagkaroon nga ng anak, mangyari pa—si Isaac, na ang anak na si Jacob (na kilala rin bilang Israel) ay ama ng labindalawang lipi.
Madalas gumawa ang Panginoon ng mga pangako na tila imposible sa ating mortal na isipan. Gayunman, kapag tayo ay tapat, palagi Niyang tutuparin ang mga ito!
Huwag mag-alala kung “paano.” Ipagkatiwala ninyo iyan sa Kanya.
Paano isinisimbolo ni Isaac ang Tagapagligtas
Nang iutos ng Panginoon kay Abraham na ialay ang kanyang anak na si Isaac, ito ay simbolo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na darating pagkaraan ng maraming taon (tingnan sa Jacob 4:5). Narito ang ilang bagay na pag-iisipan:
-
Sinabi ng Panginoon kay Abraham na dalhin si Isaac sa “lupain ng Moria” (Genesis 22:2), na siyang lugar kung saan itinayo ang Jerusalem kalaunan at ipinako sa krus ang Tagapagligtas.
-
Pinasan ni Isaac ang kahoy para sa handog na susunugin (tingnan sa Genesis 22:6), tulad ng pagpasan ni Jesus sa Kanyang sariling krus (tingnan sa Juan 19:17).
-
Nang itanong ni Isaac kung nasaan ang kordero na isasakripisyo, sinabi ni Abraham: “Ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin” (Genesis 22:8). Sa madaling salita, binigyan sila ng Diyos ng isang tupa na isasakripisyo sa halip na si Isaac (tingnan sa Genesis 22:13); pagkalipas ng mahabang panahon, si Jehova mismo ay naparito sa lupa at isinakripisyo para sa atin.