Digital Lamang
7 Kalamangan Mo Bilang Banal sa mga Huling Araw sa Panahon ng Artificial Intelligence
Ang bagong teknolohiyang ito ay maghahatid ng pagbabago. Pero sapat ang kasanayan mo para magamit ito nang wasto.
Maaaring narinig na ninyo ang tungkol sa artificial intelligence (AI). Malinaw na ito ang susunod na makapangyarihang bagay—mga computer na maaaring tumugon at makagawa ng mga bagay sa paraan na tila katulad ng katalinuhan ng tao.
Maaaring narinig mo na rin ang ilang prediksiyon tungkol sa artificial intelligence. Mga bagay na tulad ng: “Aagawin nito ang ating mga trabaho!” “Makakalikha ito ng mga bagong trabaho!” “Sisirain nito ang mundo!” “Mas mapagaganda nito ang mundo!”
Hindi natin alam kung ano mismo ang mangyayari, pero isang bagay ang tiyak: Ang mga tool at teknolohiya ng AI ay medyo nakakagulo.
Bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mayroon kang ilang espirituwal na kalamangan sa nagsisimulang pahanon ng artificial intelligence na makatutulong sa iyo na magkaroon ng higit na kagalakan at kapayapaan. Matututuhan mo ang tungkol sa mga ito sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta. Narito ang pito sa mga ito, sa walang partikular na pagkakasunud-sunod.
1. Alam mo ang iyong tunay na pagkatao at kahalagahan—at ang kahalagahan ng bawat anak ng Diyos.
Ikaw ay anak ng Diyos. Gayundin ang bawat tao sa mundo. Ang gawain at kaluwalhatian ng iyong Ama sa Langit ay ang tulungan tayong maging katulad Niya (tingnan sa Moises 1:39). “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Ang ibig sabihin ng alam mo ang iyong kahalagahan—at ang kahalagahan ng bawat tao—ay pinahahalagahan mo kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos at kung ano ang magagawa natin.
Nagbabala si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang AI “ay may [potensiyal na palabuin] ang ating pagkakakilanlan bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng mapagmahal na Ama sa Langit.” Pero hindi mo pahihintulutan ang tila kadalian at kapangyarihan ng AI na bulagin ka sa katotohanan na ang mga tao (na kilala rin bilang mga anak ng Diyos) ay pinakamahalaga sa paningin ng Diyos. Hindi pera, hindi kaginhawahan, hindi ang malabong paniniwala ng “pag-unlad,” kundi mga tao. Pinahahalagahan mo kung ano ang magagawa at malilikha ng mga anak ng Diyos.
2. Alam mong ang teknolohiya ay maaaring gamitin para sa mabuti o masama (o hangal) na mga layunin.
Anumang kasangkapan o teknolohiya ay maaaring gamitin para sa kabutihan o kasamaan. Nabigyan ka na ng babala tungkol dito noon. (Halimbawa, ang paggamit ng internet sa paggawa ng family history ay kahanga-hanga; ang paggamit nito para ma-access ang pornograpiya ay napakasama.) Pagkatapos ay may mga bagay na hindi masasabing mabuti o masama kundi kahangalan lang—halimbawa, lahat ng hindi pinag-iisipan at walang-saysay na pagsasayang ng oras na walang-katapusang pag-scroll.
Gayundin, ang ilang paggamit ng AI ay maaaring napakabuti (halimbawa, ang paggamit nito sa pagsasalin ng mga wika o para matipon ang mga source para saliksikin ang isang paksa). Pero muli, ang ilan ay masama o kahangalan (halimbawa, ang paggamit nito sa pagsulat ng talk sa sacrament meeting, pandaraya sa paaralan, o paggawa ng mga deepfake video ng mga sikat na tao).
Common sense ang maaaring gumabay sa iyo kung ano ang magiging ideya mo tungkol sa AI, pero ang mas mahalaga, ang Espiritu Santo ang tutulong sa iyo na mahiwatigan kung ano ang mabuti o masama (o kung ano ang simpleng kahangalan) tungkol dito (tingnan sa #5).
3. Pinahahalagahan mo ang iyong kalayaang pumili.
Ang inyong kalayaang pumili—ang kakayahan mong pumili at kumilos—ay mahalaga. Hinangad ni Satanas na sirain ito nang maghimagsik siya laban sa Ama sa Langit sa Malaking Kapulungan bago tayo pumarito sa lupa (tingnan sa Moises 4:3). Kaya, ano ang kinalaman ng AI sa kalayaang pumili? Binalaan tayo ni Elder Bednar: “Dahil ang AI ay nakakubli sa kredibilidad at mga pangako ng pag-unlad sa agham, maaaring hindi natin mamalayang naaakit na tayong isuko ang ating napakalahagang kalayaang moral sa isang teknolohiya na telestiyal lamang ang kayang isipin. Sa paggawa nito, maaari tayong dahan-dahang magbago mula sa pagiging kinatawang kayang kumilos [at maging] mga bagay na pinakikilos lamang.”
Dahil pinahahalagahan mo ang iyong kalayaang pumili, hindi mo hahayaang mapigilan ito ng AI sa pamamagitan ng pagsuko rito ng lahat ng iyong oras, pansin, malikhaing lakas, at pagdedesisyon. At maaari mo ring gamitin ang iyong kalayaang pumili sa pamamagitan ng hindi pagpili na gamitin ang AI kung maaari. Iyan ang kapangyarihan ng kalayaang pumili: ikaw ang pipili; ikaw ang kikilos.
4. Mahalaga sa iyo ang katotohanan.
Dahil ikaw ay disipulo ni Jesucristo, napakahalaga sa iyo ng katotohanan. Kaya, ang ideya ng paggamit sa AI sa anumang paraan na hindi tapat o mapanlinlang ay mali sa pakiramdam. Maaaring nakakatuksong palabasing sa iyo ang isang AI-generated na trabaho. Pero dahil napakahalaga sa iyo ang katotohanan, hindi mo gagawin iyan.
Dagdag pa rito, alam mo kung paano hanapin ang katotohanan. Alam mo kung ang AI ay nagbibigay sa iyo ng impormasyon pero hindi ka itinuturo nito sa mapagkakatiwalaang mga source para sa impormasyong iyon, dapat ay maging maingat ka sa pagtitiwala rito.
At alam mong ito ay isang tool o kasangkapan lamang, hindi ang pinagmumulan ng katotohanang mula sa Diyos. Matatagpuan iyan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta, gayundin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tulad ng itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi mapapalitan ng artificial intelligence ang paghahayag at hindi ito makapagbibigay ng katotohanang mula sa Diyos.”
Taglay mo ang kaloob na Espiritu Santo.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay makatutulong sa iyo na malaman ang mabubuti at masasamang paggamit ng AI. Ang kaloob na ito ay makapagdudulot din sa iyo ng kapanatagan at kapayapaan sa isang mundo na tila nasadlak sa kaguluhan sa politika, sa ekonomiya, at sa moralidad sa paglitaw ng teknolohiyang ito. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan, nasa inyo ang pangako ng Diyos na patnubay at kapanatagang ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10).
6. Pinahahalagahan mo ang pag-aaral, pagtatrabaho, at paglago.
Ang layunin ng plano ng ating Ama sa Langit ay lalo tayong maging katulad Niya. Dahil alam mo ito, alam mo na ang pagiging tamad sa lahat ng oras ay taliwas sa layuning iyon. Kaya alam mong ang pagsasabi ng, “Ang AI na lang ang gagawa nito,” sa lahat ng oras ay hindi ang punto nito. Ang pamumuhay at pagkatuto ay tungkol sa pagpapalago ng iyong isipan, iyong mga kasanayan, at iyong kaalaman; hindi ito tungkol sa pagpapagawa sa isang makina ng mga dapat mong isipin at bigyan ng paghatol.
At dahil alam mo na “[gustung-gusto] ng Panginoon ang pagsisikap,” alam mong ang proseso ng pag-aaral ay kasinhalaga ng resulta (papers, assignment, pagsusulit, marka, degree, talk sa sacrament meeting, at iba pa), dahil sa proseso nagaganap ang paglago.
Tulad ng itinuro ni Elder Bednar, "ang layunin ay hindi lamang makagawa at makapagpakita ng kahanga-hangang content; bagkus, ito ay paggawa at pagsasabuhay [ng] ninanais at inaasam ng Diyos na kahinatnan natin.
7. Pinahahalagahan mo ang kaugnayan mo sa Diyos at sa Kanyang mga anak.
Gusto mo ng tunay at tuwirang kaugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at iba pang espirituwal na paraan. Hindi mo hahayaang mahadlangan ng AI ang koneksiyong iyon. Gusto mo rin ng tunay na ugnayan sa mga tao. Ayaw mo ng imitasyon lamang na pakikisalamuha sa tao. Gusto mo ang tunay na ugnayan. Nais mong makipag-ugnayan sa iba pang mga anak ng Diyos, na may mga espiritu at isipan at katawan.
Tulad ng sinabi ni Elder Bednar: “Ang AI na kompanyon ay isa lamang mathematical algorithm. Hindi ka gusto nito Hindi ito nagmamalasakit sa iyo. Hindi nito talaga nalalaman kung umiiral ka [nga ba] o hindi.”