Kagalakan at ang Landas ng Tipan
Ang landas ng tipan ay tunay na landas ng mapagtubos na pag-ibig.
Light and Life [Liwanag at Buhay], ni Mandy Williams
Nang lisanin nina Israel at Elizabeth Haven Barlow ang Nauvoo, Illinois, para magpunta sa Salt Lake Valley noong 1848, iniwan nila ang isang batang lalaking inilibing sa maliit na sementeryo ng Nauvoo. Ang munting si James Nathaniel Barlow, ang kanilang panganay na anak, ay namatay matapos isilang noong Mayo 1841.
Malamang na hindi na umasa sina Israel at Elizabeth na muling makikita ang libingan ng kanilang anak. Ngunit nang tawagin si Israel sa isang misyon sa England makalipas ang ilang taon, dumaan siya sa Nauvoo. Sa kahilingan ni Elizabeth, tumigil siya para hanapin ang libingan ng kanilang anak at ilipat ito sa pangunahing sementeryo.
Nang matagpuan ni Israel ang libingan, nakita niyang giba-giba na ito. Sa isang liham sa kanyang asawa, isinulat ni Israel na nagdesisyon siyang lisanin ang libingan at bumalik balang-araw.
Hindi pa siya nakalakad nang mahigit sa ilang talampakan mula sa libingan nang marinig niya ang isang tinig sa kanyang isipan na nagsasabing, “Itay, huwag mo po akong iwan dito.” Bumalik si Israel sa libingan, at nagdesisyong ilipat ang kanyang anak.
Habang nakatindig si Israel sa tabi ng libingan, sinabi niya kay Elizabeth, “Nais kong ilaan ang aking sarili at ang lahat ng matatawag kong akin sa mga kamay ng Panginoon upang ako ay ituring na karapat-dapat na bumangon [kasama ni James] sa umaga ng Unang Pagkabuhay na Muli.”
Dahil sa katapatan ni Israel sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagtupad sa mga sagradong tipan, ang buhay na walang hanggan—ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala—ay naging posible para sa kanya at nagpala sa kanyang pamilya—kapwa sa mga ninuno at inapo.
Totoo rin ito para sa ating lahat.
Mga Sagradong Pangako
Ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagmamahal sa inyo nang higit pa sa inaakala ninyo. Nais Nilang mas mapalapit kayo sa Kanila at tulungan kayong matuto at umunlad nang may pananampalataya at pang-unawa. Nais Nila kayong biyayaan ng kapangyarihan, paggaling, at kapayapaan sa isang mundo na mahirap mahanap ang gayong mga pagpapala. Nais Nilang makadama kayo ng kagalakan sa buhay na ito at sa buhay na darating.
Mula sa perpektong pagmamahal na ito, binibigyan Nila ang lahat ng pagkakataong makipagtipan sa Kanila sa binyag at sa bahay ng Panginoon. Biniyayaan tayo na muling matanggap ang mga tipang iyon linggu-linggo sa sacrament meeting.
Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Inaalala natin Siya at ang Kanyang pagmamahal sa atin na ipinakita sa pamamagitan ng kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala. Ipinapakita rin natin ang ating kahandaang sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Madalas, naririnig ko ang pahayag na nakikibahagi tayo ng sakramento para magpanibago ng mga tipang ginawa sa binyag. Bagama’t totoo iyon, ito ay higit pa roon.” Sinabi ni Pangulong Nelson na tuwing tatanggap tayo ng sakramento tayo ay gumagawa ng bagong tipan, “bilang kapalit nito ay ipinapahayag [ng Panginoon] na sa tuwina ay mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Kaylaking pagpapala!”
Kapag nagsisisi tayo at tumatanggap ng sakramento nang may dalisay na puso, tinatanggap natin ang Espiritu Santo at “nalilinis tayo mula sa kasalanan na para bang tayo ay muling bininyagan. Ito ang pag-asa at awa na iniaalok ni Jesus sa bawat isa sa atin.”
Napakalaking kagalakan ang magsisi at mapatawad sa pamamagitan ng mapagtubos na pag-ibig ni Cristo!
Ang Kanyang Bahay ng Kagalakan
Simula nang maging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, madalas magsalita si Pangulong Nelson tungkol sa landas ng tipan. Pumapasok tayo sa landas na iyan sa pamamagitan ng “pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17), at “pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo.”
Ang ating mortal na buhay ay sandali lamang sa ating buhay, pero ang sandaling iyon—na kung minsan ay napakahirap—ay mahalaga sa walang hanggan. Para maging maganda at may pag-asa ang ating buhay, naglaan ang ating Ama sa Langit ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at nagbabayad-salang sakripisyo, hinarap at pinagaling Niya ang lahat ng mararanasan natin sa buhay. At dahil sa Kanyang banal na bahay—ang Kanyang bahay ng kagalakan—lahat ay magiging mabuti sa kabila ng paghihirap.
San Pedro Sula Honduras Temple
Ang landas ng tipan ay tunay na landas ng mapagtubos na pag-ibig. Kapag gumagawa kayo ng mga tipan sa templo, at pagkatapos ay tinutupad ninyo ang mga ito, tatanggap kayo ng mga pagpapala ng higit na kapangyarihan, higit na pagmamahal, higit na awa, higit na pang-unawa, at higit na pag-asa.
Tipunin Sila Pauwi
Kami ni Sister Kearon ay lubos na naantig at nahabag para kina Israel at Elizabeth Barlow. Ang panganay naming anak, na nagngangalang Sean, ay namatay habang inooperahan sa puso noong tatlong linggo pa lang siya. Halos madurog ang mundo namin sa pagkawala niya. Noong panahong iyon, inisip namin kung makakayanan ba namin ito. Masakit para sa amin na ilibing siya sa isang maliit na libingan sa England. Makalipas ang labinlimang taon, hinilingan ang aming pamilya na lisanin ang aming tahanan sa United Kingdom para maglingkod nang full time sa Simbahan, at iniwan namin ang munting libingang iyon.
Simula pa lamang ay nauunawaan na namin ang pinagdaanan ng mga Barlow. Ang libingan ng aming anak na lalaki ay napakalayo, pero tulad ng mga Barlow, nananalig kami sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo at sa kawalang-hanggan ng ating pamilya sa pamamagitan ng banal na tipan ng pagbubuklod.
Lahat tayo ay may mga ninuno at iba pang mga mahal sa buhay na namayapa na nagsasabi sa atin, “Huwag mo akong iwan dito.” Dahil sa mga tipan sa templo, walang dapat maiwan. Ang tungkulin natin ay mahalin sila, paglingkuran sila, at tulungan sila na matipon pauwi.
Ito ang dahilan kaya tayo may mga ordenansa. Ito ang dahilan kaya tayo may mga tipan. Ito ang dahilan kaya tayo nagtatayo ng mga templo. Kaya nga isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak upang kalagin ang mga gapos ng kamatayan upang balang-araw ay mapaluha tayo sa kagalakan dahil makakasama na nating muli nang walang hanggan ang ating mga mahal sa buhay na naghihintay sa atin at sa piling ng Ama at ng Anak.
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit—kayo at ako. Nawa’y makahanap tayo ng kagalakan at kapayapaan kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at nakikiisa sa Panginoon sa Kanyang maluwalhating nakapagliligtas na gawain.