Ang Iyong mga Karanasan sa Pasko ng Pagkabuhay
Ang maliliit na gawain ay humahantong sa malalaking resulta.
Karamihan sa mga tao ay hindi magkakaroon ng anumang ideya kung ano ang lasa ng elepante. Gayunpaman, mapapaisip ka sa karaniwang ekspresyon na “Ang pinakamainam na paraan para makain ang elepante ay sa paisa-isang kagat.”
Kung ang paunti-unting pagkagat sa elepante ay hindi kaaya-ayang pakinggan, heto ang isa pa: “Ang paglalakbay sa isang libong milya ay nagsisimula sa unang maliit na paghakbang.” Sa dalawang kasabihan, ang maliliit na kilos (o kagat, kung mas gusto mo) ay makagagawa ng malaking kaibhan.
Ang pamamaraang ito ay maaaring makatulong lalo na sa mga bagong adhikain tulad ng pag-aaral ng bagong wika o pagpaplano ng iyong propesyon. Gayundin, ang pamamaraang paisa-isa ay makatutulong sa atin na matagumpay na makapagsimula ng mga bagong gawi, tulad ng pagsisikap na ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay sa mas makabuluhang paraan.
Pasko ng Pagkabuhay, Pinagbuti
Marahil ay napansin mo ang inspiradong payo nitong nakaraang ilang taon kung paano natin dapat pagsikapang ipagdiwang nang mas makabuluhan ang Pasko ng Pagkabuhay. Sa nakaraang Pasko ng Pagkabuhay, halimbawa, hinikayat tayo sa espesyal na mensahe ng Unang Panguluhan tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay na “ipagdiwang ang Pagkabuhay na Muli ng ating buhay na Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo at pagtulong na bumuo ng mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay sa ating lipunan sa kabuuan, lalo na sa sarili nating pamilya.”
Itinuro pa ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan na “Ang [Pasko ng Pagkabuhay] ang pinakamahalagang pagdiriwang ukol sa relihiyon para sa mga alagad ni Jesucristo.”
Malinaw na mahalaga ito! Pero paano natin pagbubutihin ang ating personal na pagdiriwang at saloobin sa Pasko ng Pagkabuhay? Lalo na kung ang Pasko ng Pagkabuhay ay hindi naging mahalaga para sa atin noon?
Sa diwa ring iyon ng maliliit at patuloy na pagkilos na humahantong sa malalaking resulta, suriin natin ang isang talinghaga ng banal na kasulatan na makatutulong.
Paisa-isang Patak
Ang talinghaga ng sampung birhen o dalaga na nasa Mateo 25 ay nagbigay-inspirasyon sa napakaraming tao sa buong mundo sa loob ng libu-libong taon.
Itinuro ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President, “Tulad ng limang matalinong birhen o dalaga na puno ng langis ang mga ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki, maaari tayong maging buo kay Jesucristo yamang pinupuno natin ang ating mga ilawan ng kapaki-pakinabang na langis ng pagbabalik-loob sa Kanya.”
Ang “kapaki-pakinabang na langis ng pagbabalik-loob [kay Jesucristo]” ay talagang makapangyarihang imahe. Si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakasentro ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa tuwing mas napapalapit tayo kay Cristo, hindi lamang tayo nagdaragdag ng langis sa ating mga ilawan, kundi pinagpipitaganan at ipinagdiriwang din natin ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang pagbabalik-loob kay Jesucristo ang pinakamagandang paraan ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay na magagawa mo.
Itinuro din ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nagsisikap tayong manatiling karapat-dapat para lagi nating makasama ang Espiritu Santo. Ang kakayahang ito ay dapat na personal na matanggap ng bawat indibiduwal, sa paisa-isang patak. Ang patuloy, personal, at pribadong gawain ng debosyon ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo upang gabayan tayo.”
Sa paisa-isang patak! Parang isang kagat lang iyan o paisa-isang hakbang. Ang maliliit, patuloy, at may layuning pagkilos ay nagdudulot ng mga kahanga-hangang pagbabago sa paglipas ng panahon. Sa pagsisikap ninyong gawing mas makabuluhan ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa taong ito, bawat maliit na pagsisikap na ginagawa ninyo para mas mapalapit sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ay gumagawa ng kaibhan.
Mga Karagdagang Makatutulong na Impormasyon ang Paparating
Abangan sa susunod na ilang buwan ang mga ideya at kabatiran mula sa mga magasin ng Simbahan, digital channel, at marami pang iba tungkol sa kung paano mas mapapaganda ang pagdiriwang mo ng Pasko ng Pagkabuhay. Baka makahanap ka ng iba pang mga ideya na higit pa sa makakaya mong gamitin nang sabay-sabay. At OK lang iyon! Simulan sa maliit at saka magpatuloy. Sa paisa-isang patak, ang iyong ilawan ay unti-unting magliliwanag nang ganap.