Mga Tip para sa mga Pagwawakas at Pagsisimula
Narito ang apat na bagay na dapat isaisip kapag humaharap sa mga pagbabago.
Noong tag-init bago ang senior year ko sa hayskul, lumipat ang pamilya ko mula sa hilagang Virginia, USA, malapit sa Washington, D.C., sa isang maliit na bayan sa California. Hindi madali ang transisyong ito. Inaasam kong makatapos ng hayskul kasama ang mga kaibigan ko. Sa edad na 17, pakiramdam ko ay tapos na ang buhay ko!
Matagal-tagal bago ko natanggap na ang buhay ay puno ng mga pagwawakas at pagsisimula—kapwa nakakatuwa at kung minsan ay nakakatakot. Lilipat ka man sa isang bagong lugar, magsisimula sa hayskul, sa trabaho, magmimisyon, o haharap sa iba pang malalaki o mahahalagang pangyayari sa buhay, magagawa mo ito kahit tila tuluyan nang nawala ang lahat ng pamilyar sa iyo.
Maging Espirituwal na Nakaangkla
Ang pagbabago ay bahagi ng buhay, pero ang ilang bagay ay hindi kailanman nagbabago—anuman ang mangyari. Ito ang mga bagay na dapat nating palaging panghawakan. Tinukoy ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) ang mga ito bilang mga angkla sa ating buhay.
“Kung ang angkla ay inilagay nang wasto sa ilalim ng dagat,” sabi ni Pangulong Ballard, “kaya nitong panatilihing nakapirmi ang dambuhalang barko, kahit sa nag-aalimpuyong karagatan.” Itinuro niya, “Tulad ng kailangan ng mga barko ng angkla upang hindi sila maanod, … kailangan ng mga tao ng mga espirituwal na angkla sa kanilang buhay kung nais nilang manatiling matatag.”
Hayaang ang kaugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang iyong maging pinakamatibay na espirituwal na angkla. Ang Kanilang pagmamahal sa iyo ay hindi nagbabago. Maaari kang bumaling sa Kanila sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa iba, at pagsisimba—kahit ito ay sa isang bagong ward o branch. Ang pananatiling malapit sa Kanila ay tutulong sa iyo na maging matatag anuman ang mangyari sa iyo.
Matutong Makibagay
Maaari mong ipasiyang mayamot sa mga pagbabago sa buhay o gawin mong pabor sa iyo ang bago mong sitwasyon. Ito ay tutulong sa iyo habambuhay. Narito ang ilang ideyang makatutulong:
-
Magsulat sa journal: Ang pagsulat ng iyong mga iniisip o saloobin ay magandang paraan para makayanan ang mga problema at nararamdaman. Makatutulong din sa iyo ang pagsusulat sa journal na makilala at mapasalamatan ang suporta at tulong ng Diyos sa iyong buhay.
-
-
Kumilos: Ang pisikal na aktibidad ay maaaring makapagpaganda ng pakiramdam at magpalinaw sa iyong isipan. Kahit ang maikling paglalakad ay makatutulong nang malaki. Maaari kang lumabas at masdan ang kagandahan ng mga likha ng Diyos. Makatutulong ito sa iyo na makita ang mga bagay-bagay mula sa mas positibong pananaw.
-
-
Maging malikhain: Ang nagbibigay-inspirasyong musika at sining ay makatutulong sa iyo na ipahayag ang iyong sarili. Ang makabuluhan at malikhaing paglilibang na ito ay makatutulong para mapanatiling bukas ang iyong isipan at puso sa mga espirituwal na pahiwatig at bagong karanasan.
-
-
Makipag-usap sa isang tao: Hindi mo kailangang dumaan sa mga transisyon nang mag-isa. Makatutulong ang isang magulang, lider ng Simbahan, o mapagkakatiwalaang kaibigan. Ang pagsasabi ng mga saloobin mo ay maaaring mahirap, pero ang pagsasabi ng nadarama mo ay talagang makatutulong—kaya gawin ito! At tandaan, maaari kang magdasal kahit kailan.
Makihalubilo at Makipagkilala sa Iba
Ang mga pagbabago sa buhay ay maaari ding magbigay ng mga bagong oportunidad—kaya makihalubilo at makipagkilala! Sumali sa isang club, dumalo sa seminary, magboluntaryo, o sumubok ng bagong isport. Ang matalinong pakikipagsapalaran ay nagpapalakas ng tiwala sa sarili at tumutulong sa iyo na matuklasan kung ano ang kaya mo.
Maaaring mahirap makihalubilo sa mga bagong kakilala. Kung lalabas ka sa comfort zone mo, maaari kang matutong makipag-ugnayan nang mas mabuti at maging mas komportable sa mga bagong sitwasyon. Habang naghahanap ka ng mga bagong kaibigan, tandaan na maging ang uri ng kaibigan na hinahanap mo. Ang pagtulong sa iba nang may kabaitan ay maaaring humantong sa makabuluhang mga ugnayan.
Huwag Sumuko
Hindi madali ang senior year ko. Madalas na sobrang lungkot ko. Pero sa panahong iyon, nalaman ko na mahalagang makahanap ng mabubuting kaibigan na sumusuporta sa akin at gumagalang sa aking mga paniniwala. Nakatulong iyon sa akin mula noon.
Ang pagbabago at transisyon ay kadalasang tumutulong sa atin na umunlad, na siyang mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Kahit hindi nangyayari ang mga bagay-bagay nang gaya ng inaasahan mo, magagamit ng Ama sa Langit ang iyong mga karanasan—lalo na ang mahihirap na karanasan—para masubukan ka pa at maturuan upang makaranas ka ng pag-unlad, kalakasan, at mas malalim na pananampalataya na maghahanda sa iyo sa mas kamangha-manghang mga bagay na inilalaan Niya para sa iyo.
At tandaan, hindi ka nag-iisa. Nauunawaan ng Tagapagligtas ang bawat pagbabago, lahat ng pagwawakas, at bawat pagsisimula. Kapag lumakad kang kasama Niya, makakaasa ka na laging may pinakamagagandang araw na darating sa iyo.