Pagtuklas para sa Aking Sarili
Maaari pa rin ba akong maging mabuting miyembro ng Simbahan kahit may mga tanong ako?
Naobserbahan ko kamakailan ang nakatatanda kong mga kapatid na magkaiba ang landas na tinatahak. Ang kuya ko ay naghahandang magmisyon. Ang ate ko naman ay unti-unting lumalayo na sa Simbahan. Nakakalito para sa akin ang desisyon ng ate ko, hindi ko pa alam kung paano ito iproseso.
Natanto ko na ang pananampalataya ko ay hindi isang bagay na pinili ko—kundi isang bagay na kinalakhan ko. Kinailangan kong pag-isipan kung ano talaga ang sarili kong pinaniniwalaan. Naniniwala ba ako sa ebanghelyo dahil ito ay totoo, o dahil iyon lang ang itinuro sa akin noon pa man? At maaari pa rin ba akong maging mabuting miyembro ng Simbahan kahit may mga tanong ako?
Pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan nang may bagong determinasyon. Nagsimula akong magbasa na may mga tanong sa isipan, na naghahanap ng mga sagot at pag-unawa. Natanto ko na ang pagtatanong tungkol sa aking mga paniniwala ay hindi nangangahulugang nawawalan ako ng pananampalataya. Sa halip, ibig sabihin nito ay maaari akong magtatag ng mas malalim at mas personal na pundasyon.
Ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi minsanang pangyayari; ito ay habambuhay na proseso ng pagtatanong, paghahanap, at muling pagpapatibay. Nadama ko na pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ang ebanghelyo ay totoo, ngunit may mga pagkakataon din na parang ang layo ko sa Diyos. Ang pananampalataya ay nagbabago; ito ay isang bagay na kailangan nating pangalagaan araw-araw sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod.
Ang paglaki sa Simbahan ay nagbigay sa akin ng matibay na pundasyon, pero depende na sa akin kung gusto kong patatagin pa iyon. Habang patuloy tayong bumabaling sa Panginoon, palalakasin Niya ang ating pananampalataya at tutulungan tayong harapin ang mga kawalang-katiyakan sa buhay.
Ang awtor ay naninirahan sa Kansas, USA.