Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko pinakamainam na maibabahagi ang ‘bunga’ ng ebanghelyo sa iba, upang makita nila kung gaano ito kahalaga sa akin?”
“Ipamuhay ang ebanghelyo sa paraang walang pag-aalinlangang ikaw ay naiiba. Kung nakikita ng ibang tao na sinusubukan mong mamuhay ayon sa iyong mga paniniwala, mag-uusisa sila. Iyan ang pinakamagandang pagkakataon para maibahagi ang iyong patotoo, ang pagmamahal mo kay Cristo, at kung gaano ka kasaya dahil sa ebanghelyo.”
Miguel A., 17, Asturias, Spain
“Isa sa mga bunga ng ebanghelyo ay kagalakan. Ibahagi ang kagalakang natagpuan mo kay Cristo sa pamamagitan ng simpleng pagngiti at paglilingkod sa iba tulad ng gagawin ni Jesus. Kapag nagtanong ang mga tao kung ano ang nangyari sa iyong Sabado’t Linggo, ibahagi ang iyong mga karanasan sa simbahan para tulungan silang makita kung gaano kahalaga sa iyo si Jesucristo.”
Eliza S., 16, Wicklow, Ireland
“Maaari kong anyayahan ang mga tao sa simbahan para makita nila mismo ang kabutihan!”
Cal L., 11, Texas, USA
“Nakatatanggap ako ng napakaraming pagpapala sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na nagbibigay ng puspos na kagalakan sa aking buhay. Napapanatag ako ng presensya ng Ama sa Langit at binibigyan ako ng kumpiyansa na ibahagi ang kagalakang iyon. Ang pagbabahagi sa iba ng aking mga kaloob at pagpapala ay tiyak na magpapakita sa kanila kung gaano kahalaga sa akin ang ebanghelyo.”
Mariata M., 16, Tuamasaga, Samoa
“Ang pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan at sa publiko ang unang hakbang sa epektibong pagbabahagi nito! Maaaring ayaw makinig ng mga tao sa sinasabi mo, pero makikita nila ang ginagawa mo, at iyan ay isang malakas na patotoo.”
Esteicy M., 19, Paraíba, Brazil
“Pinakamainam kong maibabahagi ang ‘bunga’ ng ebanghelyo sa iba sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa sa kanila at pag-anyaya sa kanila sa mga aktibidad.”
McLayne B., 15, California, USA