Para sa Lakas ng mga Kabataan
3 Paraan upang Tanggihan si Satanas at Piliin si Jesucristo
Para sa Lakas ng mga Kabataan Enero 2026


3 Paraan upang Tanggihan si Satanas at Piliin si Jesucristo

Ang pag-unawa sa nangyari sa premortal na buhay ay makatutulong sa inyo na gumawa ng mabubuting pagpili ngayon.

dalagita

Larawang-guhit ni Dean MacAdam

Nang ilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa ating walang-hanggang kaligayahan at pag-unlad, nangako Siya na magpapadala ng Tagapagligtas para tulungan tayo. Nang sabihin ng Ama sa Langit, “Sino ang isusugo ko?” (Abraham 3:27), si Jesucristo, “ang Pinakamamahal at Pinili [ng Ama] mula pa sa simula” (Moises 4:2), ay nagsabing, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). Wala Siyang hininging anuman, ang gusto lang Niya ay gawin ang kalooban ng ating Ama (tingnan sa Moises 4:2).

Pagkatapos ay dumating si Lucifer. Sinabi rin niya, “isugo ako” (tingnan sa Moises 4:1). Ngunit makasarili si Lucifer, hindi siya handang magsakripisyo para sa atin. Nais niya ang karangalan, kapangyarihan, at kaluwalhatian ng Diyos para sa kanyang sarili (tingnan sa Moises 4:1). Nais ni Lucifer na sirain ang ating kalayaang pumili. Kung paano niya pinag-isipang gawin ito ay hindi malinaw. Ngunit alam natin na kung walang kalayaang pumili, hindi tayo uunlad at magiging katulad ng ating Ama sa Langit. Kaya malinaw na naghimagsik si Lucifer laban sa Ama sa Langit at hindi tinanggap ang Kanyang plano.

Ang paghihimagsik ni Lucifer ay naging sanhi ng digmaan sa langit, kung saan siya ay “[pina]layas;” at siya ay “naging si Satanas” (Moises 4:3–4). Ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay sumunod sa kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:36). Ngunit ginamit natin ang ating kalayaang pumili at sumunod kay Jesucristo.

Ang digmaan na nagsimula sa langit ay patuloy ngayon. Patuloy na hinahangad ni Satanas at ng kanyang mga kampon na kalabanin tayo. Narito ang tatlong paraan upang matukoy ang mga taktika at estratehiya ni Satanas, iwasan ang kanyang mga patibong, at piliin si Jesucristo sa buong buhay natin.

1. Huwag Hayaang Manaig ang Kapaitan

Ilang taon na ang nakararaan, sinubukan ko minsan na udyukan ang mga kaibigan ko sa paaralan na huwag gawin ang homework nila dahil hindi ko pa nagagawa ang sa akin. Alam kong mali iyon, pero naisip ko na kung sama-sama kaming mapapagalitan, mas magiging maganda ang pakiramdam ko sa sarili ko. Ang maling pag-uugali ko ay nagpapaalala sa akin ng saloobin ni Satanas sa atin. Dahil kaaba-aba siya, gusto niyang sirain ang ating potensiyal para sa buhay na walang hanggan.

Dahil sa tindi ng kapaitan o sama-ng-loob ni Satanas—kahit batid niya na sa huli ay mabibigo siya—desperado siyang “[nag]palaganap ng gawa ng kadiliman” (Helaman 6:28), upang ipahamak ang marami sa atin hangga’t kaya niya.

Ang kapaitan ni Satanas ay hindi ang planong pinili natin. Magagamit natin ang ating kalayaang patuloy na sundin si Jesucristo at patuloy na tanggihan ang mapapait, walang-halaga, at nakahahadlang sa sariling pag-unlad na mga tukso ni Satanas. Inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang tayo ay maging katulad ng alam Niya na maaari nating kahinatnan at maranasan ang tamis ng buhay na walang-hanggan.

2. Huwag Magpadaig sa Takot

Kung minsan iniisip ko kung bakit pipiliin ng ikatlong bahagi ng mga espiritung anak ng Diyos na tanggihan ang Kanyang plano. Alam ni Satanas na ang takot at pag-aalinlangan ay kapwa epektibong paraan upang mabawasan ang pananampalataya. Maaari niya tayong tuksuhin na pagdudahan ang ating kahalagahan o kumbinsihin tayo na hindi tayo talaga magiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. O maaari niya tayong tuksuhing magpadaig sa takot para hindi tayo magsisi o sumunod sa plano ng Diyos.

Kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok at paghihirap, mapipili nating magtiwala sa plano ng Diyos at kay Jesucristo. Tiniis Niya ang lahat ng bagay upang Siya ay maging lakas natin kapag nakararamdam tayo ng takot, at sa pamamagitan Niya, madaraig natin ito kalaunan.

3. Tanggapin ang Lahat ng Ibinibigay sa Inyo ng Tagapagligtas

Ang layunin at nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay mapadakila at mapalakas tayo. Sino pa ang makapagsasabi na nais nilang tulungan tayong maging pinakamabuti at ibigay sa atin ang lahat ng mayroon sila nang buong katapatan? Lahat ng mayroon ang Ama ay mapapasaatin! Ibinibigay lamang ito sa atin sa pamamagitan ni Jesucristo.

Kapag iniisip ko ang di-makasarili at nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas, gusto kong sundin Siya. Si Jesucristo ang perpektong kampeon ng perpektong plano. Kapag pinipili natin Siya, tinutulungan Niya tayong madaig ang kaaway, masunod ang plano ng Ama sa Langit, at makamit ang ating banal na tadhana.