Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang mga Paghihirap sa Kanyang Landas
Para sa Lakas ng mga Kabataan Enero 2026


Ang mga Paghihirap sa Kanyang Landas

Maaaring hindi palaging madali ang landas ng Tagapagligtas, ngunit Siya ay lalakad na kasama natin at aakayin tayo sa gusto nating puntahan.

mga tao sa daan

Mga paglalarawan ni Yukai Du

Karaniwang pinipili natin ang isang landas dahil inaakay tayo nito kung saan natin gustong pumunta. Ngunit ang isang landas ay hindi lang tungkol sa patutunguhan. Mayroon ding kalupaan—ang uri ng kalupaang maghahatid sa atin sa ating destinasyon.

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na lumakad na kasama Niya (tingnan sa Moises 6:34; Mikas 6:8; 1 Juan 2:6; Doktrina at mga Tipan 19:23). Ang landas na inaanyayahan Niyang tahakin natin ay ang landas ng tipan—ang landas tungo sa kapayapaan, kagalakan, at buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit—kung saan natin gustong makarating.

Pero ano kaya ang landas na ito? Anong uri ng kalupaan ang tatawirin natin habang naglalakad tayo kasama ang Tagapagligtas?

karatula para sa makitid na kalsada

Makitid

“Makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay” (Mateo 7:14).

Kapag tila makitid ang Kanyang landas, may dahilan. Sa kakitiran ng daan ay makakaiwas ka na tumapak sa lugar na maaaring ikapinsala o ikaligaw mo.

arrow

Tuwid

“Ang Kanyang mga landas ay tuwid” (Alma 37:12).

Hindi ito liku-likong daan. Ito ang pinakadiretsong daan papunta sa ating mithiin na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Hindi ito nalilihis. Tayo ang nalilihis kung minsan. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, mabilis tayong makapagsisisi at makababalik sa Kanyang landas.

Matarik at Kung Minsan ay Mabato

“Ang landas [pabalik sa Diyos] ay matarik at kung minsan ay mabato” (Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Tulungan Sila na Makabalik,” pangkalahatang kumperensiya ng Abr. 2010 [Liahona, Mayo 2010, 25]).

Maaaring nakakapagod ang paglalakad paakyat, at maaaring hindi mo makita ang tuktok ng isang burol na inaakyat mo. Ngunit palalakasin at hihikayatin ka ng Tagapagligtas habang sinisikap mong gawin ang mahihirap na bagay na ipinagagawa Niya sa iyo.

Ang mga bato sa iyong landas ay maaaring hindi kapareho ng iba. Ang mga hamon at kalagayan mo ay sa iyo lang. Ngunit ang Tagapagligtas ang pinakamainam na kasama sa paglalakbay at tutulungan ka Niya na harapin ang bawat balakid.

ilawan

Maliwanag

“Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko” (Mga Awit 119:105). “[Luma]kad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag” (1 Juan1:7).

Kapag madilim ang iyong landas, mapapaliwanag ng Tagapagligtas ang iyong daan, kahit sapat lang ito para sa isang hakbang at pagkatapos ay isa pa sa iyong paglalakbay pauwi sa iyong Ama sa Langit.

kalasag

Ligtas

“Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagkat ikaw ay kasama ko” (Mga Awit 23:4).

Gaano man nakatatakot, nakababalisa, o mahirap ang iyong landas, maaari kang magkaroon ng kapayapaan dahil alam mo na kapag lumakad kang kasama ni Jesucristo, Siya ay lalakad na kasama ka at aakayin ka sa ligtas na lugar, pabalik sa Ama sa Langit.