Tema ng mga Kabataan para sa 2026
“Lumakad Kang Kasama Ko”—Himayin Natin ang Ibig Sabihin Nito
Ang tema sa taong ito ay apat na salita, pero bawat isa sa mga salitang iyon ay maraming maituturo sa atin.
Tulad ng tema ng mga kabataan noong nakaraang taon, “Umasa kay Cristo,” ang tema sa taong ito—“Lumakad Kang Kasama Ko”—ay isang figure of speech. Sa buhay na ito, karamihan sa atin ay hindi magkakaroon ng pagkakataong makita o makalakad na kasama ang Tagapagligtas sa literal na paraan. Kaya ano ang ibig sabihin ng “lumakad” kasama ang isang taong hindi pisikal na naroon? Himayin natin ito.
Lumakad
Nang tawagin ng Panginoon si Enoc na maging propeta, Siya ay nangako sa kanya: “Ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko” (Moises 6:34).
Kung ipinangako sa iyo na ang paglakad na kasama ang Diyos ay nangangahulugan na susuportahan Niya ang iyong mga salita, aalisin ang mga balakid sa iyong daan, at palagi kang sasamahan—bakit hindi ka maglalakad na kasama Niya?
Magandang balita: Ipinangako ito sa iyo, baka nga nito lamang nakaraang Linggo. Kapag tumatanggap ka ng sakramento, nangangako ka na “lagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga utos”—sa madaling salita, lalakad na kasama Niya. At bakit mo ito ginagawa? “Nang sa tuwina ay [mapasaiyo] ang Kanyang Espiritu upang makasama [mo]” (Doktrina at mga Tipan 20:77; idinagdag ang diin).
Ngayon, mapapansin mo na hindi sinabi ng Panginoon kay Enoc, “Tumayo ka rito at tumingin sa paligid na kasama Ko.” Hindi Niya sinabing, “Umupo at magpahinga sandali sa akin.” Ang sabi Niya, “Lumakad kang kasama ko.” Kailangan tayong kumilos ayon sa espirituwal na mga paramdam na natatanggap natin. Kailangan nating gawin at sabihin ang pinaniniwalaan nating tama.
Tulad ng sinabi ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), tagapayo sa Unang Panguluhan, “Magagabayan lamang Niya ang ating mga yapak kapag iginalaw natin ang ating mga paa.”
Pero pansinin kung ano pa ang hindi sinabi ng Panginoon. Hindi Niya sinabing, “Tumakbo kang kasama ko.” Hindi niya sinabing, “Tumalon nang walang kahirap-hirap sa lahat ng iyong mga balakid na kasama ko.” Hindi Niya tayo inuutusan na “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas” (Mosias 4:27). Hindi Niya inaasahan na palagi tayong kikilos nang mabilis. Hindi Niya inaasahan na hindi tayo magkakamali o panghihinaan-ng-loob. Gusto lang Niyang magpatuloy tayo.
Kasama
Naglalakad tayong kasama ang Tagapagligtas. Hindi mas nauuna sa Kanya. Talagang hindi malayo sa Kanya!
Kapag literal kang naglalakad kasama ang isang tao, katabi mo sila sa paglalakad. Pero sa metaporang ito, medyo nasa likuran tayo ng Tagapagligtas. Siya ang nangunguna, at nakasunod tayo—nang malapit.
Kapag nasa tamang landas ka, ang landas ay hindi “humahantong” kay Jesus—naroon din Siya sa landas! Alalahanin ang sakramento! Ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ay palaging mapapasainyo, basta’t patuloy ninyo Siyang inaanyayahan.
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay hindi masyadong nag-aalala kung nasaan ka sa landas; mas nag-aalala Sila kung saang direksiyon ka nakaharap. Tatagpuin ka Nila saan ka man naroon. Hindi rin mahalaga kung gaano kabagal kang maglakad.
Ko
Kailangan nating kumilos (LUMAKAD). Kailangan nating gawin ito alinsunod sa mga utos ng Diyos at sa mga pahiwatig ng Espiritu (KASAMA). At kailangan nating gawin ang lahat ng ito nang walang sinuman kundi si Jesucristo (KO).
(Yamang si Jesucristo, ang Kanyang Ama sa Langit, at ang Espiritu Santo ay iisa sa layunin—tingnan sa Juan 10:30; 17:21; Doktrina at mga Tipan 35:2—tamang sabihin na kayo ay “lumalakad na kasama ng Diyos,” “lumalakad na kasama ng Tagapagligtas,” “lumalakad na kasama ng Espiritu,” o anumang bagay na katulad niyon.)
Napakaraming tinig na susundin sa mundong ito. Hindi nagkukulang sa mga influencer, celebrity, at pulitiko na gusto na “lumakad” ka na kasama nila (o bigyan sila ng pera kahit paano). Ang sinasabi ng iba ay maaaring kapaki-pakinabang, pero ito ay kung naaayon lamang ito sa mga turo ng Tagapagligtas.
Lumakad na Kasama Niya.