Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagbabahagi ng Aking Patotoo sa Isang Boxing Video
Para sa Lakas ng mga Kabataan Enero 2026


Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Kabataan

Pagbabahagi ng Aking Patotoo sa Isang Boxing Video

kabataang lalaki

Pinili kong ibahagi ang ebanghelyo sa huling proyekto sa klase ko sa English noong grade 12 ako. Hiniling sa amin ng titser ko na magsulat at maglahad ng nakakakumbinsing talumpati tungkol sa isang bagay na gustung-gusto namin. Binigyan kami ng laya tungkol sa paksang sasabihin at kung paano ito ilalahad.

Pinili kong magsalita tungkol sa mga paraan na madaraig natin ang lahat ng paghihirap sa pamamagitan ng Diyos at sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo. Gusto ko ring gawin iyan gamit ang isang bagay na gustung-gusto ko—boxing. Noon pa man ay nasisiyahan na ako sa pagsasanay at paglaban sa paglipas ng mga taon. Nasisiyahan ako sa pagiging mas mabuti pa. Gayunman, kung minsan ay tinatamaan ako ng kalaban, at nasasaktan ako. Bumabagsak ako at hindi ako makabangon.

Nagpasiya akong mag-film ng isang nakahihikayat na video kung saan ikukumpara ko ang buhay sa isang laban sa boxing. Gumawa ako ng voice over ng talumpati ko. Nagsalita ako tungkol sa mga paraan na kung minsa’y nasasapak tayo sa mukha sa matalinhagang paraan sa ating buhay; napapagod tayo nang husto para magpatuloy; nag-aalinlangan tayo sa ating mga kakayahan at nag-iisip kung sulit pa nga bang sumubok. Pinatotohanan kong ang ating Ama sa Langit ay may plano para sa ating lahat—sa pamamagitan ni Cristo malalampasan natin ang lahat ng oposisyon. Talagang alam ko na kung wala si Cristo, wala akong kabuluhan, pero dahil sa Kanya, makakamit ko ang mga bagay na hindi ko inakala kailanman!

Talagang nagsikap akong matiyak na ang cinematography, ang mensahe, at higit sa lahat ang patotoo ko ay talagang nagpahayag ng nadarama ng puso ko.

Bago ko ipinakita sa klase ang proyekto ko, kinabahan ako. Sa kasamaang-palad itinuturo sa atin ng mundo na marami sa pinahahalagahan nating mga Kristiyano ay makaluma at hindi na mahalaga. Nag-alala ako sa maaaring maging epekto nito sa grado ko o sa maaaring isipin ng mga kaklase ko. Pero nakatanggap ako ng kumpirmasyon na talagang maganda ito! Hindi lamang ito tungkol sa pagkuha ng magandang grado—tungkol ito sa pagpapatotoo sa alam kong totoo.

Habang ipinapalabas ko ang video sa klase, muli kong nadama na ito ay isang bagay na nais ipagawa sa akin ng aking Ama sa Langit. Nang matapos ang video, nagulat akong nagsimulang pumalakpak ang lahat. Nagbigay ng maiikling sulat sa akin ang mga tao tungkol sa mga naisip nila sa proyekto ko. Marami sa mga sulat na ito ang nagsabi ng mga bagay na tulad ng “Kaluwalhatian sa Diyos“ o “Ang Diyos ay mabuti.“ Marami sa mga kaklase ko ang nagkuwento sa akin na may nadama silang isang bagay na talagang espesyal habang pinanonood nila ang video ko.

Nang matanggap ko ang marka ko, natuwa akong makita na nakakuha ako ng pinakamataas na marka. Pinasalamatan ako ng titser ko sa aking patotoo at sa panahong ginawa ko ito para maipakita ito sa ganitong paraan.

Pinatototohanan ko na nabubuhay tayo sa mga panahong nakababagabag—ang mundo ay tinatawag na mabuti ang masama at ang masama na mabuti. Pero mas marami pa ring kabutihan kaysa kasamaan! Alam ko na kapag matapang at buong lakas-ng-loob nating ibinabahagi ang ating mga paniniwala at patotoo, hindi lamang tayo pagpapalain, kundi makikita natin ang buhay ng iba sa ating paligid na pinagpapala rin.

Leonardo G. R., edad 18, Alberta, Canada

Mahilig sa boxing, pag-ehersisyo sa gym, pagdodrowing, paggawa ng anumang bagay sa labas, at palagiang pangangaral ng ebanghelyo! (Kasalukuyan siyang nagmimisyon sa Mesa, Arizona, USA.)