Bagong Klase, Mga Bagong Oportunidad
Lilipat sa bagong klase o korum? Narito ang ilang bagay na aasahan mo!
Mga paglalarawan ni Cinta Fosch
Ang simula ng isang bagong taon ay kadalasang nagdudulot ng malalaking pagbabago—kabilang na ang posibleng paglipat sa ibang klase o korum sa simbahan! Iiwan mo man ang Primary, papasok sa Relief Society o elders quorum, o lilipat lang sa susunod na Young Women class o Aaronic Priesthood quorum, narito ang tatlong bagay na aasahan mo.
1. Mga Bagong Makakasama
Maaaring parang nakakatakot na makasama sa isang klase ang mga taong mas matanda sa iyo, pero mas marami kayong pagkakatulad kaysa inaakala mo. Kayong lahat ay mga disipulo ni Jesucristo na nagsisikap na sumunod sa Kanya. Ang paglipat sa bagong klase ay isang pagkakataon para makarinig ng mga bagong kaalaman mula sa mga taong may iba’t ibang karanasan kaysa sa iyo—at pagkakataong magkaroon ng mga bagong kaibigan.
2 Mga Bagong Aktibidad
Masaya ang mga programa ng Young Men at Young Women! Maaari kang magkaroon ng mga bagong paraan para makaugnayan ang iba pang mga kabataan, kabilang na ang mga aktibidad at kamping ng klase at korum. Kapag 14 na taong gulang ka na, maaari ka na ring makasali sa mga FSY conference, sayawan, at seminary.
Bilang young adult, maaari kang dumalo sa institute at mga aktibidad na pinlano ng inyong Relief Society, elders quorum, o young single adult ward o sa mga lugar ng pagtitipon.
3. Mga Bagong Pribilehiyo
Habang tumatanda ka, mas marami kang pagkakataong maglingkod sa Simbahan, tulad ng pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay, pagbabasbas ng sakramento, o pagganap sa isang tungkulin (kabilang na ang isang ministering assignment). Samantalahin ang mga pagkakataong ito para sa espirituwal na pag-unlad at tamasahin kung paano nito pinalalakas ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa mga taong pinaglilingkuran mo.
Kapag lumipat ka na sa bagong klase, tandaan na “kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus” (Galacia 3:28). Kapag isinesentro mo sa Kanya ang karanasan mo sa simbahan, tutulungan ka Niyang makadama ng kagalakan saan ka man naroroon.