Lahat ay Bumubuti Kapag Nagtitiwala Ka sa Diyos
Kapag nagtiwala ka sa Ama sa Langit, mahaharap mo ang anumang pinagdaraanan mo.
Mga larawang kuha ni Giovana Flavia de Almeida Campos
Miyembro na ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw simula pa noong walong taong gulang ako. Ilang buwan matapos akong mabinyagan, lumayo kami ng pamilya ko sa Simbahan.
Makalipas ang ilang taon, nang magpasiya kaming bumalik, nagkaroon ng pandemyang COVID-19, at nagsimulang idaos ng simbahan ang mga online meeting. Muli, natagpuan ko ang sarili ko na nalilihis ng landas, at naharap ako sa maraming hamon habang daan.
Mga Paghihirap at Pagdududa
Sa panahong ito, nagsimula akong pagdudahan ang katotohanan ng ebanghelyo, ang patotoo ko, at kung sino si Jesucristo. Minsan, pinagdudahan ko pa kung totoo Siya at nagsimulang mag-isip na ateista ako. Ang puso ko ay matigas at malamig na parang bato ng yelo.
Ang bahaging iyon ng buhay ko ay napakahirap at kumplikado. Palagay ko dahil kapag tumigil tayo sa paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan, nawawalan ng kahulugan ang buhay natin at nagiging miserable.
Binago Ako ng Seminary
Kalaunan, naimpluwensiyahan ako ng tatay ko na muling magsimba. Ginawa ko ito kahit nalilito pa rin ako at marami pa rin akong mga tanong.
Isang araw sa simbahan, nakita ko ang isang poster tungkol sa seminary. Naging interesado ako rito. Nilapitan ko ang bishop ko para tanungin siya tungkol dito. Agad niya akong idinagdag sa seminary group chat at sinabi sa akin na nagsisimula ito nang alas-5:30 n.u.
Kaya, nagsimula akong dumalo sa seminary. Nakatulong ito sa akin na magkaroon ng mga bagong kaibigan at sa huli ay magkaroon ng patotoo tungkol sa Simbahan at sa mga banal na kasulatan. Nagkaroon ako ng teacher na talagang naghikayat sa klase ko at naglabas ng pinakamainam sa amin. Natuklasan ko na sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay talagang nakikilala natin ang Tagapagligtas. May kaibhan sa pagitan ng pagkarinig sa patotoo ng isang tao at sa paghahangad na magkaroon ka nito sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Si Jasmine kasama ang mga kaibigan niya na sina Victória (kaliwa) at Carol (kanan). Tinutulungan si Jasmine ng mga kaibigan niya na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
10 Tip Para Maging Disipulo ni Cristo
Noong una, nalaman ko ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa sinasabi sa akin ng iba. Pero hindi natin laging maaasahan ang mga patotoo ng iba. Kailangang hangarin nating makilala mismo ang Tagapagligtas.
Kailangan nating maglaan ng oras para sa Tagapagligtas at sa mga banal na bagay para maging isa tayo sa Kanyang mga disipulo. Natutuhan ko na nakikilala ninyo Siya kapag kayo ay:
-
Sadyang maghahanap sa Kanya.
-
Magbabasa ng mga banal na kasulatan.
-
Magsisikap magpakabuti sa espirituwal.
-
Mananalangin.
-
Dadalo sa templo.
-
Maglilingkod sa kapwa.
-
Mag-aayuno.
-
Tutularan ang Kanyang halimbawa.
-
Magkakaroon ng mabuting puso.
-
Tumatangging magsalita ng hindi maganda o magtsismis tungkol sa iba.
Ang mga bagay na ito ay nakatulong sa akin na makilala ang Tagapagligtas—at maging isa sa Kanyang mga disipulo. Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay napakahalaga dahil magagamit natin ang Kanyang liwanag para tulungan ang iba. Sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa, makikita ng iba kung gaano kalaking pagpapala ang ebanghelyo.
Ang pagsisimba at pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanyang pamilya ay nagpala sa buhay ni Jasmine sa maraming paraan.
Magiging Maayos ang mga Bagay-Bagay
Nang bumalik ako sa simbahan, talagang dapang-dapa ako—puno ng pagdududa, walang mga kaibigan, walang pag-asa, hindi alam kung sino talaga ako o ano ang layunin ko.
Ngayon, ang ebanghelyo ang “ningas” na tumatanglaw sa buhay ko at tumutulong sa akin na gawin ang mga tamang bagay at maging mas mabuting tao. Kung wala ang ebanghelyo, hindi ko alam kung saan ako mapupunta.
Lahat ng bagay ay bumubuti sa buhay kapag nagtitiwala ka sa Diyos. Mula sa sandaling hanapin mo Siya, magsisimula kang umahon mula sa hukay at magsisimulang bumuti ang mga bagay-bagay. Siyempre, darating pa rin ang mga paghihirap, pero ang pagtitiwala at hangaring ito na maniwala ay unti-unting magpapasigla sa iyo. Maaaring matagalan ito, pero magiging mas maayos ang mga bagay-bagay!
Kapag nagtitiwala ka sa Ama sa Langit, mahaharap mo ang anumang pinagdaraanan mo—ito man ay mga hamon, pagdududa, problema sa kalusugan, o kalungkutan. Halimbawa, maaari kang makakuha ng matataas na marka sa isang pagsusulit, mapaganda ang iyong kalusugan, o makatanggap ng mga sagot—kung minsan ang mga sagot na hinahanap mo mula noong 10 taong gulang ka, tulad ko noon—kung hahanapin mo Siya at magtitiwala ka sa Kanya.
Natitiyak ko ang mga bagay na ito. Salamat sa ebanghelyo, masasabi kong nagbago na ako. Sa katunayan, lahat ay nagbago—ang puso ko, mga iniisip, pag-uugali, at prinsipyo. Alam ko na ngayon ang katotohanan, at iyan ay gumagawa ng malaking kaibhan. Lahat ay bumuti dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang awtor ay mula sa São Paulo, Brazil.