Tuwirang Sagot
Bakit binabanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa Paglikha sa mundo?
The Creation [Ang Paglikha], ni Annie Henrie Nader
Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa Paglikha para maituro sa atin ang layunin nito sa halip na ang mga prosesong nakapaloob dito.
Nang hilingin ni Moises sa Panginoon na “sabihin [sa kanya] ang nauukol sa mundong ito … at gayundin sa mga kalangitan,” sinabi ng Panginoon na, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:36, 39).
Nang ituro ng Panginoon kay Abraham ang tungkol sa Paglikha, ipinakita Niya sa kanya ang Kapulungan sa Langit, kung saan nagtipon ang mga espiritung anak ng Diyos. Nakita ni Abraham na nagpaliwanag ang premortal na si Jesucristo:
“Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng isang mundo kung saan sila makapaninirahan;
“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;
“… At sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (Abraham 3:24–26).
Ang malalawak at maluwalhating mga nilikha ng Diyos, kabilang na ang mundong ito, ay bahagi ng Kanyang plano na tulungan tayo, na Kanyang mga anak, na tumanggap ng kaligtasan at kadakilaan.