Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mahahalagang Pangako ng Plano ng Ama
Para sa Lakas ng mga Kabataan Enero 2026


Mahahalagang Pangako ng Plano ng Ama

Dapat mapuspos ng pasasalamat ang ating kaluluwa habang isinasaalang-alang natin ang dakilang plano ng Diyos para sa atin.

alam ng binatilyo alam kung paano itali ang magkabilang dulo ng tulay

Mga larawang-guhit ni Alyssa Petersen

Inilalarawan ng plano ng Ama sa Langit ang “mahahalaga at mga dakilang pangako” (tingnan sa 2 Pedro 1:3–4) at ang mga katotohanan na naglalarawan sa ating walang hanggang identidad at layunin.

Gaya ng ipinaliwanag sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”

Ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit na kung susundin natin ang Kanyang plano at ang halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, susundin ang mga kautusan, at magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas, tayo “ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).

Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa pag-unlad at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Bawat bahagi ng Kanyang plano ay nilayong pagpalain tayo dahil “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa [Kanyang paningin]” (Doktrina at mga Tipan 18:10).

Ang Plano ng Ama

Sa kapulungan sa premortal na buhay, inilahad ng Ama sa Langit sa Kanyang mga espiritung anak ang Kanyang plano para sa kanilang walang-hanggang pag-unlad at kaligayahan. Sinabi Niya sa atin na ipadadala Niya tayo sa lupa para subukan tayo, para makita kung magiging masunurin tayo sa Kanya at magiging karapat-dapat na “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [ating] mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (tingnan sa Abraham 3:24–26).

At pagkatapos ay sinabi Niya: “Sino ang isusugo ko? At ang isa ay sumagot gaya ng Anak ng Tao: Narito ako, isugo ako. At may isa pang sumagot at nagsabi: Narito ako, isugo ako. At sinabi ng Panginoon: Aking isusugo ang una.

“At ang ikalawa ay galit, … at, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya” (Abraham 3:27–28).

Isang plano lamang ang inilahad—ang plano ng Ama. Hindi itinanong ng ating Ama sa Langit, “Ano ang gagawin natin?” Hindi siya naghanap ng input, humingi ng mga rekomendasyon, o humiling ng mga panukala. Ang diwa ng Kanyang tanong ay nakatuon sa kung sino ang dapat ipadala upang isagawa ang mga tuntunin at kundisyon ng Kanyang plano.

lupa na may kasamang araw, buwan, at bituin

Hindi naglahad si Lucifer ng plano na ibinoto ng karamihan sa mga kalahok sa kapulungan sa premortal na buhay. Siya’y naghimagsik! Hinangad niyang wasakin ang kalayaan ng tao, siya ay pinalayas, at “naging si Satanas, … ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan” (tingnan sa Moises 4:1, 3–4). Ang kapalaluan, pagmamalaki, at kasakiman ang naghikayat sa kanya na maghimagsik laban sa plano ng Ama.

isang binatilyo, si Jesucristo, at ang plano ng kaligtasan

Ang Plano ng Ama at ang Ebanghelyo ng Tagapagligtas

Inilalarawan ng plano ang mga gawain ng Ama at ng Anak at dahil dito naging available ang mga pagpapala sa buhay na walang hanggan sa buong sangkatauhan.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang paraan ng pagtanggap natin ng mga pagpapalang ipinangako sa plano ng Diyos, maging ang doktrina, mga alituntunin, ordenansa, at mga tipan na dapat nating paniwalaan at sundin. “Wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban dito kay Jesucristo … na makaliligtas sa tao” (2 Nephi 25:20). Tunay na ang Panginoong Jesucristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6; idinagdag ang diin).

aklat na may drowing ng plano ng kaligtasan sa loob nito

Mga Titulo ng Plano sa Aklat ni Mormon

Natututuhan natin ang mahahalagang katotohanan sa pamamagitan ng pagtukoy at pag-aaral ng maraming iba’t ibang titulo para sa plano ng Ama sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Halimbawa, isipin ang sumusunod na piniling sampol ng mga titulo:

Bawat isa sa mga titulong ito ay tumutulong sa atin na mas malinaw na maunawaan ang mahahalagang pangako ng plano ng Ama at pinasisigla ang ating pananaw tungkol sa mga layunin at kahulugan ng ating mortal na buhay.

Makabuluhan na ang pinakamadalas na gamiting titulo para sa plano ng Diyos sa Aklat ni Mormon (“ang plano ng pagtubos”) ay nakatuon sa pagtubos mula sa kasalanan at kamatayan na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Alma 12:25; 33:22).

Inihanda ang Daan

Dapat mapuspos ng pasasalamat ang ating kaluluwa habang isinasaalang-alang natin ang dakilang plano ng Diyos. Ang kaalaman tungkol sa Kanyang plano ay nagbibigay ng mahalagang pananaw, nagpapayabong sa ating mga kagalakan, at nagpapalakas sa atin upang madaig ang ating mga hamon at paghihirap.

Inaasahan ng Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanya. Inaanyayahan at ipinapangako Niya ang mga pagpapala, pero hindi Niya kailanman ipipilit, o pipigilin ang paggamit natin ng kalayaang moral na ibinigay Niya sa atin. Dapat tayong kumilos at dapat nating piliing bumalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman” (Alma 37:46; idinagdag ang diin).

Masaya kong pinatototohanan na ang Ama sa Langit ang may-akda ng banal na plano para sa Kanyang mga anak. Si Jesucristo ang ating Manunubos at Tagapagligtas. At bilang isa sa Kanyang mga Apostol sa mga huling araw, pinatototohanan ko na talagang Siya ang “daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6; idinagdag ang diin).