Para sa Lakas ng mga Kabataan
Lumakad Kang Kasama Ko
Para sa Lakas ng mga Kabataan Enero 2026


Tema ng mga Kabataan para sa 2026

Lumakad Kang Kasama Ko

Ang Tema ng mga Kabataan sa 2026 ay tutulong na ipaalala sa iyo na kapag nanatili kang malapit sa Diyos, Siya ay lalakad na kasama mo—sa tuwina.

Young Women General Presidency

Mula kaliwa pakanan: Tamara W. Runia, Unang Tagapayo; Emily Belle Freeman, Pangulo; at Andrea Muñoz Spannaus, Pangalawang Tagapayo

Hindi Ka Nag-iisa

Naatasan ka na bang gawin ang isang bagay na inakala mong hindi mo kayang gawin? Siguro wala kang sapat na lakas o talino, o nag-aalala ka na pagtatawanan at sisiraan ka ng iba. Kung naramdaman mo na ang ganoon, hindi ka nag-iisa.

Libu-libong taon na ang nakararaan, may isang lalaking nagngangalang Enoc. Hiniling ng Diyos kay Enoc na mangaral ng pagsisisi sa mga tao—ang ilan sa pinakamasasamang tao sa mundo.

Hindi inisip ni Enoc na kaya niyang gawin ito. Sinabi niya sa Diyos na napakabata pa niya, wala siyang sapat na kaibigan, at hindi sapat ang talino niya (tingnan sa Moises 6:31).

Pero may ipinangako ang Diyos kay Enoc. Sinabi Niya sa nagulumihanan na lalaki, “Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo” at “ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko” (Moises 6:32, 34).

“Lumakad kang kasama ko.” Napakasimple at napakagandang paanyaya.

Ipinangako ng Diyos kay Enoc na kung sapat ang tapang niya para magsimula, makakasama niya ang Diyos sa bawat hakbang. Gagawin ng Diyos si Enoc na makapangyarihan at palalakasin siya upang gumawa ng higit pa at tulungan siyang maging higit pa kaysa inaakala niya.

Isa sa maraming pangalan ng Tagapagligtas ay Emmanuel, o “kasama natin ang Dios” (Mateo 1:23). Nasa pangalan at likas na katangian ng Panginoon ang lumakad na kasama natin. Ang pagpili ay nasa atin—tayo rin ba ay lalakad na kasama Niya?

Ngayon, itinuturing natin si Enoc bilang isang taong may pananampalataya at dakilang propeta at lider. Pero bago ang propetang si Enoc, may mas batang Enoc na nagduda sa kanyang sarili pero pinili pa ring lumakad na kasama ng Diyos.

Kapag mahirap ang buhay, kapag pakiramdam mo ay hindi ka sapat, alalahanin ang pangako ng Panginoon kay Enoc, at sa iyo. Sasamahan ka Niya sa paglakad. Hindi ka Niya iiwang mag-isa, hindi kahit sa isang hakbang.

Emmanuel. Ang Diyos ay kasama natin. Ang Diyos ay kasama mo!

Ang Young Women General Presidency

Young Men General Presidency

Mula kaliwa pakanan: David J. Wunderli, Unang Tagapayo; Timothy L. Farnes, Pangulo; at Sean R. Dixon, Pangalawang Tagapayo

Sa Kanyang Tulong, Magagawa Mo ang Lahat ng Bagay

Tulad ninyong mga kabataang lalaki, hiniling ng Panginoon kay Enoc na gampanan ang mahahalagang responsibilidad sa priesthood. Ang tungkulin niya ay mangaral ng pagsisisi sa masasamang tao. Ipinahayag ni Enoc ang kanyang mga pagdududa. “Ako ay isang bata lamang,” sabi niya. “Kinamumuhian ako ng lahat ng tao … Mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?” (Moises 6:31).

Tumugon ang Panginoon nang may kapangyarihan at katiyakan. “Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo. … Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno … . Ang aking Espiritu ay nasa iyo … ; ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo … ; kaya nga lumakad kang kasama ko” (Moises 6:32, 34).

Nalaman ni Enoc na kapag binibigyan tayo ng Panginoon ng gawain, hindi natin ito haharapin nang mag-isa. Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan kay Cristo, lumalakad tayong kasama Niya at nakikibahagi sa Kanyang kapangyarihan—nagiging mga kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay.

Tulad ni Enoc, may mahalagang papel kayo: ministering, paglilingkod sa templo, pangangasiwa ng sakramento, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pamumuhay ng mga pamantayan ng ebanghelyo, pagsisisi, paghahanda para sa misyon, at marami pang iba. Parang napakahirap nito. Maaari kayong makaramdam ng kakulangan. OK lang iyon. Hindi ito tungkol sa paggawa nang mag-isa. Tungkol ito sa pagpili ngayon—sa mismong araw na ito—na lumakad na kasama ang Diyos.

Sa Kanyang tulong, magagawa ninyo ang lahat ng bagay. Palalakasin, patatawarin, at bibigyan Niya kayo ng kakayahang higit pa sa inyong likas na kakayahan. Mahal Niya kayo! Bilang Young Men General Presidency, mahal namin kayo at inaasam naming makasama kayo sa pag-alam pa sa nagbibigay-inspirasyong tema ng 2026: “Lumakad na Kasama Ko.”

Ang Young Men General Presidency