Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Paano Ako Magiging Pinakamabuting Bersiyon ng Sarili Ko at Makapamumuhay sa Pinakamainam na Paraan?
Ang pinakamahalaga sa espirituwal ay hindi nagbabago: ang ating espirituwal na identidad, pagiging kabilang sa tipan, at kung paano natin ginagamit ang ating kalayaang pumili.
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Abril 11, 2023.
Sa paglipas ng mga taon, naintriga ako ng mga koneksyon na nagpapabago sa ating pisikal na mundo. Para sa bawat isa sa atin, ang koneksyon at pagbabago ay nasa sentro rin ng ating pinakamagandang kuwento. Ang pagiging kabilang sa tipan ay nag-uugnay sa atin sa ating mga pinaka-nakapagpapabagong ugnayan—ang ugnayan natin sa Diyos, sa isa’t isa, at sa pinakamabuting bersiyon ng ating sarili.
Ang mga pisikal o digital na koneksyon ay maaaring magpabago sa ating panlabas na kapaligiran.
Gayunman, gaano man karami ang maaaring maging pagbabago sa ating panlabas na pisikal na kapaligiran, ang pinakamahalaga sa espirituwal ay hindi nagbabago. Sa lahat ng bagay na tumatawag sa ating pansin, ang pinakamahalaga ay hindi nagbabago: kung sino tayo sa espirituwal (ating espirituwal na identidad), kung kanino tayo nabibilang (pagiging kabilang sa tipan), at kung paano natin ginagamit ang ating kalayaang pumili na bigay ng Diyos para tuklasin at malikha ang pinakamagandang kuwento tungkol sa atin.
Kung Sino Tayo
Ang ating pinakamalalim na personal na pagbabago ay nangyayari kapag nagkakaisa ang ating espiritu at katawan, pati na ang pagkabuhay na muli, para tayo maging imortal na kaluluwa. Tulad ng itinuturo sa Doktrina at mga Tipan, “Ang mga elemento ay walang hanggan, ang espiritu at elemento, [na] hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan.”.
Ang espirituwal na pagbabagong pinakahangad natin ay dumarating kapag tayo ay espirituwal na isinilang na muli kay Jesucristo—sa ating mga kilos, sa ating pag-uugali, at sa ating pagkatao.
Nilayon tayong makipag-ugnayan at magbago dahil sa mga ugnayan natin sa pamilya.
Walang henerasyong mas handa kaysa sa inyo na mag-ambag at gumawa ng kaibhan sa pagtipon ng pamilya ng Diyos—ang pamilya ng buong sangkatauhan.
Palaging mahalaga ang bawat indibiduwal.
Siyempre, bawat isa sa inyo ay natatangi. Marami tayong mapagkukunan—ang ating mga pangalan, tradisyon, at maging ang pagkain—na nakatutulong sa ating personalidad. Pero gaya ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa napakagandang paraan, ang nagtatagal nating espirituwal na identidad ay dumarating kapag itinuturing natin ang ating sarili bilang “isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo.“
Kanino Tayo Nabibilang
Nauunawaan natin kung sino tayo kapag nauunawaan natin kung kanino tayo nabibilang.
Karamihan sa pagtatalo at karahasan ng mundong ito, kawalan ng pagkakapantay-pantay, pagkakaiba-iba ng katayuan, at kawalang-katarungan sa mundong ito ay nagmumula sa hindi natin pagkaunawa at hindi pakikitungo sa isa’t isa bilang magkakapatid sa ating Ama sa Langit.
Ang sarili nating pinakamagandang kuwento ay dumarating kapag pinipili nating maging kabilang sa tipan—pagiging kabilang sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa.
Bawat “pinipili ko ang sarili ko" na pilosopiyang gawa ng tao ay malayo ang pagkakaiba sa walang-hanggang karingalan at maluwalhating pangako na matututuhan nating pagpalain ang mga nasa paligid natin tulad ng gagawin ng ating Tagapagligtas at na matatanggap natin ang lahat ng mayroon ang ating Diyos Amang Walang Hanggan.
Ang pinakamagandang kuwento ng ating buhay ay mas malawak sa ating makitid na pansariling interes at pananaw na pinalalabo ng labis na pagpokus sa mortalidad. Saklaw nito ang ating pamana ng pananampalataya, ang ating tiwala na alam ng Diyos kung sino tayo at na nagmamalasakit Siya sa atin sa malalaki at maliliit na bagay. Siyempre, wala ni isa sa atin ang perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali at lumalayo sa Kanya kung minsan. Pero palaging nariyan ang Kanyang liwanag. Mangyaring baguhin ang anumang damdamin ng pagiging mas mahusay o pagkakonsiyensya na maaaring naghihiwalay sa inyo sa Diyos o sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan bilang paanyayang lumapit at maranasan muli ang pagmamahal ni Jesucristo.
Laging nagmamalasakit ang Diyos sa kahihinatnan natin. Mapagpakumbaba nating ginagawa ang lahat ng ating makakaya, batid na ang pagiging perpekto ay na kay Jesucristo. Kapag nagtiwala tayo sa Diyos, humahakbang tayo palayo sa pangperpeksyonistang kalakaran ng mundong ito at sa malakas nitong awiting hindi tayo sapat at hindi sapat ang ating kabutihan. Kapag nagtitiwala tayo sa Diyos, nakahahanap tayo ng kapayapaan, pag-asa, at daan pasulong. Ang ginagawa natin ay may mga ibubunga. Nagmamalasakit ang Diyos sa ating ginagawa.
Ang ating Diyos Ama at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay laging nalalaman at ninanais ang pinakamainam para sa atin. Habang naglalakbay tayo sa landas ng buhay, madalas tayong makakita ng mga bagay na kailangan natin sa landas—katibayan na alam ng Isang Nilalang na nagmamahal sa atin na darating tayo.
Kung minsa’y nais nating mas magsalita pa sa atin ang Diyos; kung minsa’y nais nating magsalita Siya nang mas kaunti. Gayunman kadalasan, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ipinapakita Niya ang Kanyang walang hanggan at makapangyarihang pagmamahal sa pamamagitan ng kung ano at kapag ibinibigay Niya ang alam Niyang lubos na magpapala sa atin.
Paano Natin Ginagamit ang Ating Kalayaang Pumili na Bigay sa Atin ng Diyos
Ang makapangyarihan at nagpapabagong-buhay na mga ugnayang ito ay nangyayari kapag ipinamumuhay natin ang mga pangunahing kailangan sa pagkatuto na matatagpuan sa bahay ng Panginoon.
Mangyaring tuklasin ang kadalisayan ng puso, kalinawan ng layunin, pagpapakumbaba, at matalinong pagtitiyaga sa mga binibigyang-prayoridad at makabuluhang pagsisikap. Mas nakapagtuturo ito sa atin kaysa paghiwalayin ang ating iniisip at ginagawa sa araw ng Linggo sa iniisip at ginagawa natin tuwing Lunes hanggang Sabado.
Sa lahat ng ating ginagawa, inuuna natin si Jesucristo. Bilang prayoridad, inuuna natin si Jesucristo sa lahat ng ginagawa natin. Sa pagtutuon ng pansin, inuuna natin si Jesucristo sa bawat bagay na ginagawa natin.
Sa mga araw na darating, inaasahan ng Panginoon na sasabihin ninyo ang Kanyang katotohanan nang may kabaitan at, nang may pananampalataya at pagpapakumbaba, na magsalita nang may kapangyarihan ng Kanyang katotohanan.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Nagtitiis Magpakailanman
Ang panlabas na mga bagay ay nagbabago, pero ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ay nagtitiis [o hindi nagbabago] magpakailanman.
Nawa’y “manalangin tayo sa Ama,” mahal kong mga kapatid, “nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig [‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’], na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak na si Jesucristo.” Ang pag-ibig sa kapwa na ito ay dumarating kapag alam natin kung sino tayo at kung kanino tayo nabibilang at kapag natutuklasan natin at ginagawa natin ang pinakamagandang kuwento ng ating sarili.
Pinatototohanan at pinagtitibay ko na ang mga walang-hanggang katotohanan sa Aklat ni Mormon, ang nagpapadakilang mga tipan ng bahay ng Panginoon, ang mga patotoo ng mga propeta at apostol, at lalo na ang banal na kaloob na Espiritu Santo ay nag-uugnay at nagpapabago sa atin kay Jesucristo habang isinusulat ninyo ang sarili ninyong pinakamagandang kuwento.