Ang Iyong Mapa Pauwi
Bakit napakahalagang maunawaan ang plano ng kaligtasan?
Paglalarawan ni Mackenzie Alexander
Sa Aklat ni Mormon, sinimulan ng propetang si Jarom ang kanyang talaan sa pagsasabing, “Ano pa ba ang maisusulat ko na makahihigit pa kaysa mga naisulat na ng aking mga ama? Sapagkat hindi ba’t kanilang inihayag ang plano ng kaligtasan?” (Jarom 1:2)
Kung inisip niya na iyon lang ang kailangan natin, malinaw na ang plano ng kaligtasan ay talagang napakahalaga!
At gayon nga ito! Ito ang perpektong mapa para sa ating buhay. Sinabi minsan ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap.”
Kaya paano makatutulong ang mapang ito sa paglalakbay mo sa mga kawalang-katiyakan sa buhay?
Saan Ako Nanggaling?
Ang Diyos ang iyong Ama sa Langit. Namuhay ka sa piling Niya bago ka isinilang. Mahal ka Niya!
Ipinaliwanag ni Elder Alan T. Phillips ng Pitumpu na, “Hindi kayo aksidenteng produkto ng kalikasan, putok-sa-buho, o materyal na nagkataong humantong sa ganito sa paglipas ng panahon. Kapag mayroong nilikha, mayroong lumikha.”
Kapag naging mahirap ang buhay, nakapapanatag na malaman na narito ka para sa isang layunin at pinangangalagaan ng mapagmahal na Ama sa Langit.
Saan Ako Pupunta?
Hindi ka naparito para magpagala-gala—may destinasyon ka! Nais ng Ama sa Langit na makauwi ka sa Kanya at maging katulad Niya. Inihanda Niya ang plano ng kaligtasan upang matanggap mo ang lahat ng mga pagpapala ng Kanyang kaharian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7).
Ang pag-alam sa plano ng Ama sa Langit ay tutulong sa iyo sa buhay. Kapag “[tinanaw mo] ang hinaharap” at iniisip ang [kahariang] selestiyal, maraming pagpili ang nagiging mas madaling gawin—kabilang na ang pagpiling sundin si Jesucristo.
Paano Ako Makararating Doon?
Dagdag pa sa pagbibigay sa atin ng isang destinasyon, ipinapakita rin ng plano ng kaligtasan ang landas para makarating doon.
Si Jesucristo ang perpektong huwaran ng pagsunod sa daang pauwi. Kung aasa ka sa Kanya—at lalakad kang kasama Niya—tutulungan ka Niyang makabalik sa Ama sa Langit at maging higit na katulad Niya. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Sergio R. Varga ng Pitumpu, “Sa kaibuturan ng ating puso ay ang hangaring makabalik sa ating tahanan sa langit, at si Jesucristo ang ating banal na gabay. Siya ang daan.”
Paano Kung Maligaw Ako?
Kahit may mapa, maaari kang magkamali ng pagliko. Makakagawa ka pa rin ng mga pagkakamali. Pero huwag kang mag-alala! Ang Ama sa Langit ay naglaan ng Manunubos upang lagi kang makapagsisi, makabalik sa Kanya, at maging higit na katulad Niya. Tandaan: “Hindi tayo nananatili sa landas ng tipan sa pamamagitan ng hindi paggawa ng pagkakamali kailanman. Nananatili tayo sa landas sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw.”
Habang pinag-aaralan mo ang plano ng kaligtasan, tandaan na ito ay ginawa nang may pagmamahal. Nais ng Ama sa Langit na umuwi ka. At kung susundin mo ang Kanyang mapa, tutulungan ka Niyang makarating doon.