Para sa Lakas ng mga Kabataan
5 Mga Banal na Kasulatan sa Lumang Tipan na Lubos na Mahalaga Ngayon
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


5 Mga Banal na Kasulatan sa Lumang Tipan na Lubos na Mahalaga Ngayon

Libu-libong taon na ang nakaraan nang isulat ang mga ito, ngunit ang mga talatang ito ay hindi napawawalang-saysay—mahalaga pa rin ang mga ito sa ating panahon.

binatilyong nag-aaral ng Lumang Tipan sa isang tablet

Mga larawang-guhit ni Melissa Manwill Kashiwagi

Sa mga panahong ito ng pagkakahati-hati, ang isang bagay na malamang na mapagkakasunduan natin ay talagang mahabang panahon ang 3,000 taon kung kasaysayan ng mundo ang pag-uusapan.

At noong panahong iyon, itinuro ng mga propeta ng Diyos ang mga katotohanan na lubos pa ring mahalaga ngayon—siguro ay mas mahalaga pa nga.

Narito ang limang banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan na pasok sa paglalarawang iyan. Habang iniisip mo ang nangyayari sa mundo ngayon—o marahil kahit sa sariling paaralan o tahanan mo—tingnan kung anong karunungan ang napapaloob sa mga salitang ito noong unang panahon para sa ika-21 siglo.

1 “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas” (Deuteronomio 6:5).

Maaaring pamilyar ang isang ito. Ito ang sinabi ni Jesucristo na “dakila at unang utos” sa batas (tingnan sa Mateo 22:37–38). At may dahilan ito bakit ito ang una. Ang pagsisikap na mahalin ang Diyos—at mahalin Siya nang buo—ay naglalatag ng pundasyon kung saan maitatatag ang buhay na may kagalakan at layunin.

Mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Ang pagmamahal sa Kanya—at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo—ay maaaring patuloy na maging mas likas sa atin, na Kanyang mga anak, habang nakikilala natin Siya. Ipinapakita natin ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15).

2 “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso. … Huwag kang … magtatanim ng galit … kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili” (Levitico 19:17–18).

Muli—maaaring pamilyar ito. Ang talatang ito sa Levitico ay naglalaman ng sinabi ng Tagapagligtas na pangalawang dakilang utos sa batas—na mahalin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39).

Hindi lamang ang ginagawa o hindi natin ginagawa sa iba ang mahalaga—bagama’t napakahalaga nito. Ngunit ang iniisip at nadarama natin ay laging mahalaga sa Panginoon. Ang pagkamuhi at sama ng loob ay hindi dapat magkaroon ng puwang sa ating puso. Ito ang mas masayang paraan ng pamumuhay, at maghahatid ito ng mga pagpapala sa atin at sa iba.

3 “Buksan mo ang iyong kamay sa iyong kapatid na nangangailangan, at sa dukha” (Deuteronomio 15:11).

Ang utos na ito ay uri ng pagpapakita ng “pag-ibig sa iyong kapwa.” At muli, isa ito sa hindi kailanman nawala. Inulit-ulit ito ng mga propeta sa lahat ng panahon. May iba’t ibang programa at pamamaraang ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa lahat ng panahon sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan. (Halimbawa, mayroon tayong mga handog-ayuno, mga welfare and self-reliance program, ministering, at iba pang mga tulong.) Ngunit ang pangunahing turo ay iisa: tulungan ang mga maralita at nangangailangan (tingnan sa Mateo 25:34–40).

pag-aaral ng Lumang Tipan sa isang smartphone

4 “Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!” (Isaias 5:20).

Si Satanas ang orihinal na pasimuno ng pagbaliktad ng katotohanan. Ibig sabihin, sisikapin niyang magmukhang mas mabuti o mas masama ang isang bagay kaysa sa kung ano ang totoo para maging akma sa kanyang mga layunin. At ang kanyang mga layunin ay laging nakatuon sa pag-aalis ng paniniwala ng mga tao sa Diyos at sa Kanyang plano at upang suwayin ang mga utos ng Diyos. Siyempre, palaging may mga taong handang sundin ang iskrip ng kaaway at nagsisikap na pagbaligtarin ang mabuti at masama.

Para maiwasan ang kalituhang ito, mahigpit tayong kumakapit sa salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at sa mga makabagong propeta at apostol, at nagsisikap tayong sundin ang Espiritu.

5 “[Ang Diyos ay] nalulugod sa tapat na pag-ibig. … Siya’y muling mahahabag sa atin; Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat” (Mikas 7:18–19).

Sinasabi ng ilang nagbabasa ng Lumang Tipan na tila mas malupit ang Diyos at mas nagtutuon sa katarungan at galit doon. Ngunit Siya rin ang Diyos na ating sinasamba ngayon. Siya ay lubos na makatarungan at maawain. Sa katunayan, nalulugod Siya sa awa. Nais Niya tayong patawarin, kaya nais Niyang magsisi tayo. Hindi Siya naghahanap ng mga paraan para hatulan tayo kundi walang hanggan ang pag-aalok Niya ng mga paraan para tayo ay matulungan Niya at maiuwi.

Tinatanggap natin ang maawaing katangian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagsisisi bilang isang masaya at nagpapalayang oportunidad. Tinatanggap natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at hinahangad ang biyaya at kapatawaran na ginagawa Niyang posible.