Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Iyong Musika, ang Iyong Tagapagligtas, at ang Kanyang Sakripisyo
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Ang Iyong Musika, ang Iyong Tagapagligtas, at ang Kanyang Sakripisyo

Ang Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring hindi katulad ng Pasko pagdating sa paggamit ng musika, pero narito ang ilang ideya kung paano mo mapahuhusay ang iyong pagdiriwang sa pamamagitan ng musika.

Si Cristo sa Huling Hapunan

Noong gabi ng Huwebes, ilang oras bago Siya isuko sa mga awtoridad upang mahatulan at maipako sa krus, si Jesucristo ay marami pang mahahalagang bagay na ginawa. Pinangasiwaan niya ang hapunan ng Paskua at ipinakilala ang ordenansa ng sakramento (tingnan sa Mateo 26:26–28; Lucas 22:19–20). Tinuruan Niya ang Kanyang mga disipulo ng mahahalagang aral. Hinugasan Niya ang kanilang mga paa. Ipinagdasal Niya sila. (Tingnan sa Juan 13–17.)

Pero may isang huling bagay Siyang ginawa kasama ng Kanyang mga disipulo nang gabing iyon bago pumunta sa Halamanan ng Getsemani—isang bagay na maaaring nalilimutan natin kung minsan.

Kumanta Siya ng himno (tingnan sa Mateo 26:30; Marcos 14:26).

Hindi natin alam kung ano mismo ang inawit ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo, pero kaugalian na ng mga Judio na simulan at tapusin ang Paskua sa pag-awit ng mga himno ng papuri, lalo na ng Hallel, ilang mga awitin na kinakanta sa gayong mga okasyon (tingnan sa Mga Awit 113–118). Ang mga himnong iyon (o ang mga katulad nito) ay maaaring may espesyal na kahulugan para sa Kanya noong panahong iyon. Halimbawa, makikita sa pagtatapos ng Hallel ang mga salitang ito:

“Ang Panginoon ay aking awit at kalakasan, at siya’y naging aking kaligtasan. …

“Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo, ay naging panulok na bato. …

“Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag! Talian ninyo ang hain ng mga panali, sa mga sungay ng dambana. …

“O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya’y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!” (Mga Awit 118:14, 22, 27, 29).

Pagkatapos ng pag-awit (anuman iyon), nagpunta si Jesucristo sa halamanan. Tila bahagi ng Kanyang buhay ang musika at may kahulugan ito sa Kanya.

Sa paanong paraan bahagi ng iyong buhay ang musika? Ano ang halaga nito sa iyo? At paano mo mapahuhusay ang paggamit ng musika habang inaalala natin ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?

dalagitang tumutugtog ng ukulele

Musika at Ikaw

Madalas sabihin ng mga tao na naaantig sila ng musika—na may ipinapadama ito sa kanila. Marahil ay naranasan mo na ito. Halimbawa, nasubukan mo na bang maghanap ng isang awitin na inaasahan mong makatutulong para mabago ang damdamin mo? O isang awit na magpapaigting ng damdamin na nadarama mo na?

Malamang ay may paborito kang musika. Ang mga paborito mo ay maaari pa ngang magbago paminsan-minsan, depende sa kung ano ang nararamdaman mo sa kasalukuyan. Ano ang gusto mo sa paborito mong musika? Marahil ay ang magandang tunog nito para sa iyo, gayundin ang kung ano ang nadarama mo at ano ang naiisip mo kapag nakikinig ka rito.

binatilyong may headphone

Isipin kung ano ang nadarama at naiisip mo kapag pinakikinggan mo ang paborito mong musika. Pagkatapos ay isipin kung ano ang mangyayari kapag aktibo kang naghahanap ng pinakamagagandang musika kapag gusto mong makadama ng kagalakan, kapayapaan, pagmamahal, at pag-asa.

Musika at ang Pasko ng Pagkabuhay

Ano naman ang kaugnayan nito sa Pasko ng Pagkabuhay? Narito ang tatlong ideya sa paggamit ng musika para mapahusay ang iyong pagdiriwang ng nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

1. Tingnan ang mga Himno sa Sakramento

Si Pangulong D. Todd Christofferson, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagsabi na “ipinagdiriwang natin ang Pagkabuhay na Muli [ni Jesucristo] sa Pasko ng Pagkabuhay at linggu-linggo rin habang tinatanggap natin ang mga sagisag ng sakramento ng Kanyang Pagbabayad-sala.” Sinabi rin niya na kabilang sa ating pagsamba ang “pag-awit ng mga himno (hindi lang pakikinig kundi pag-awit ng mga himno).”

Sa isang paraan, ang mga himno sa sakramento na inaawit natin bawat linggo ay mga himno sa Pasko ng Pagkabuhay. Karaniwan ay mapitagan ang mga ito. Tinutulungan tayo ng mga ito na alalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang sakripisyo at madama ang Kanyang pagmamahal.

Sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, maaari mong tingnan ang ilan sa mga himno sa sakramento. Maaari mong basahin ang mga titik o awitin ang mga ito sa iyong isipan. Maaari mong kantahin ang mga ito nang malakas kung gusto mo. Maaari mong hanapin ang recording ng mga ito sa Gospel Library.

Ang mga himnong ito ay tutulong sa iyo na madama ang kabanalan, pagkamangha, at pasasalamat na dapat nating madama sa Pasko ng Pagkabuhay.

pamilyang umaawit at tumutugtog ng musika

2. Kantahin nang Malakas ang mga Himno ng Pasko ng Pagkabuhay

Mayroon ding masayang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

May ilang masasayang himno tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay na maaari mong kantahin nang malakas at masaya sa pagbibigay ng papuri sa Diyos. Halimbawa, malamang na kasama sa inyong mga sacrament meeting sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang “S’ya’y Nabuhay!” (Mga Himno, blg. 119) o “Si Cristo Ngayo’y Nabuhay” (Mga Himno, blg. 120).

3. Baguhin ang Pinakikinggan Mong Musika sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Ang Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring hindi katulad ng Pasko pagdating sa paggamit ng musika, pero magagamit mo pa rin ang musika para mabago ang iyong damdamin sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.

Maaari kang magdagdag ng mas maraming musikang nakasentro kay Cristo sa iyong regular na pakikinig. Ang Simbahan ay may gayong musika sa Gospel Library o sa iba’t ibang streaming service—kapwa mga himno at iba pang uri ng musika. Marami ring kahanga-hangang piyesa na nakasentro kay Cristo sa klasikong musika mula sa nakalipas na mga siglo. Maraming kompositor ang nagsulat ng nagbibigay-inspirasyong musika tungkol sa Tagapagligtas—sina Bach, Handel, Rimsky-Korsakov, Mahler, at marami pang iba. Alamin ang mga ito. Subukang pakinggan ang mga ito. Maaari ka nitong mabigyan ng inspirasyon.

nabuhay na mag-uling si Jesucristo

Musika at ang Tagapagligtas

Batid na kumanta ang Tagapagligtas ng himno bago pumunta sa Halamanan ng Getsemani, at batid kung paano ka naaantig ng musika, maaaring maisip mo kung ano ang nadama Niya habang kumakanta Siya. Isang bagay ang sigurado: Kapag kumakanta o nakikinig ka ng musika tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli, makadarama ka ng malalim na kagalakan, pagmamahal, kapayapaan, at pasasalamat.