Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ano ang Matututuhan Natin mula sa mga Israelita?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Mga Nakatagong Kayamanan

Ano ang Matututuhan Natin mula sa mga Israelita?

Tingnan kung ano ang nangyari nang umalis sila sa Egipto.

mga tinapay at isda

Ang Simbolismo ng Pagkain sa Paskua nang Dali-Dali

Binigyan ng Panginoon ang mga Israelita ng ilang kakaibang tagubilin para sa kanilang pagkain sa Paskua: “Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito” (Exodo 12:11).

Bakit sinabihan silang kumain nang “dali-dali”? Hindi magtatagal ay lilisanin ba nila ang Egipto? Wala bang maraming oras para kumain?

Maaaring marami kang maisip na mga dahilan na may simbolismo. Nakita na ninyo ang metapora ng “pagbibigkis ng inyong mga balakang” sa iba pang mga banal na kasulatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:15–18, halimbawa). Hinila ng mga tao ang kanilang mga kasuotan at itinali ang mga ito sa kanilang balakang para maging handang tumakbo. Ang isang kahulugan nito ay hindi mo malalaman kung kailan ka kakailanganin ng Panginoon, kaya dapat kang maging handa sa lahat ng oras.

Sa pagkain ng mga Israelita ng pagkain ng Paskua, marahil ipinapaalala sa kanila ng Panginoon na maging handa para sa Kanyang pagliligtas. Alalahanin ang sasabihin Niya kalaunan tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito: “Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon” (Mateo 24:42). Kailangan tayong maging handa! At tulad ng mga Israelita, makaaasa tayo sa ating buhay na propeta para sa patnubay.

taong tumutugtog ng panderetas

Ang mga Himala ay Isang Dahilan ng Pagdiriwang

Malaya na ang mga Israelita! Iniligtas sila ng Panginoon mula sa mga taga-Egipto sa pamamagitan ng paghihiwalay sa Dagat na Pula—isang hindi mapag-aalinlangang himala.

Bilang tugon, nagdiwang ang mga Israelita! Kumanta sila ng isang awitin na pumupuri at nagpapasalamat sa Panginoon (tingnan sa Exodo 15:1–19). Sina Miriam at iba pang kababaihan ay sumayaw at tumugtog ng mga panderetas (tingnan sa Exodo 15:20–21).

May ilang bagay na inaasahan ng Panginoon na gagampanan natin nang may pagpipitagan at nang seryoso. May mga sitwasyon kung saan hindi angkop ang pagtawa at pagdiriwang. Pero hindi ibig sabihin niyan na kailangang maging seryoso ang isang disipulo sa lahat ng oras! Ang ebanghelyo ay “tinig ng kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 128:19). Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga tagubilin na magalak:

“Kung kayo ay masaya, purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, ng musika, ng pagsasayaw, at ng isang panalangin ng papuri at pasasalamat” (Doktrina at mga Tipan 136:28).

“Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid. Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid” (Mga Awit 33:1).

“Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid, at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso” (Mga Awit 32:11).

Huwag mag-atubiling ipagdiwang ang mga himalang ginagawa ng Diyos sa iyong buhay!

gintong guya

Hindi Sigurado? Hindi Sagot ang Ginintuang Guya

Nang magpunta si Moises sa bundok para kausapin ang Panginoon, 40 araw siyang nawala (tingnan sa Exodo 24:18). Ang mga Israelita, na nakakita na ng magagandang himala pero bago pa lang sa kanilang pananampalataya, ay natakot na baka hindi na bumalik si Moises. Naghimagsik sila laban sa Diyos at hiniling kay Aaron na igawa sila ng ginintuang guya upang masamba nila iyon sa halip na sambahin ang Panginoon (tingnan sa Exodo 32).

Sa madaling salita, nang naging mahirap ang mga bagay-bagay, sila ay natakot, tumalikod sa Diyos, at bumalik sa kanilang makasalanang mga gawain.

Lahat tayo ay may mga panahon ng kawalang katiyakan. Kung minsan tila hindi malinaw kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon. Kung minsan ay nagdarasal tayo para sa mga sagot at nawawalan ng pasensiya kapag hindi dumarating kaagad ang mga ito.

Kung gayon ay ano ang gagawin natin? Patuloy tayong mananampalataya. Kakapit tayo sa nalalaman na natin habang naghihintay ng karagdagang kaalaman.

Maaaring hindi ka matuksong gumawa ng diyus-diyusan para sambahin kapag pinanghihinaan ka ng loob. Pero paano naman ang tukso na gawin ang mga bagay na nagdudulot ng agarang kasiyahan sa halip na nagtatagal na kagalakan?

Huwag kayong magpadala riyan! Umasa sa Panginoon hangga’t maaari. Piliing magtiwala sa Kanya. Lagi Niyang tutuparin ang Kanyang mga pangako.