Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Paano Ako Makakahugot ng Lakas mula sa Pagmamahal ng Tagapagligtas?
Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, maaari kayong makatanggap ng tulong, pag-asa, pananaw, at pagbabago ng puso sa paglapit ninyo sa Kanya.
Mula sa isang talumpati sa debosyonal ng BYU—Idaho na ibinigay noong Abril 27, 2025
Ngayong Banal na Linggo ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang pagpapahayag ng pagmamahal na nasaksihan ng mundo, ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Sa diwa ng pagpapahayag ng pagmamahal na ito nang higit pa sa isang araw at sa isang panahon, nais kong bigyang-diin kung gaano tayo lubos na pinagpala sa pamamagitan ng pagdanas ng pagmamahal na ipinakita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggan at maringal na nagbabayad-salang sakripisyo.
Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ang sukdulan at pinakamaluwalhating pagpapahayag ng pagmamahal para sa lahat ng mga anak ng Diyos. Siya ay nagdusa para sa lahat, kaya naging ating sukdulang espirituwal na Tagapag-alaga.
Tulong sa Kahinaan
Higit pa sa walang kapantay na kaloob na kaligtasan, iginagawad ng Tagapagligtas ang Kanyang nakapagpapagaling na biyaya sa atin sa mga sandali ng kalungkutan, pagsubok, at kahinaan. Batid ni Cristo ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito. Kanyang nauunawaan ang lahat ng kapaitan, pagdurusa, at pisikal na sakit gayundin ang mga emosyonal at espirituwal na hamon na kinakaharap natin. Ang Tagapagligtas ay laging handang tumulong sa atin sa ating personal na mga pakikibaka sa buhay.
Nag-aalok Siya ng kapahingahan para sa pusong napapagal, lakas para sa kaluluwang natutukso, at kapanatagan para sa nanlulumong espiritu. Posible ito dahil personal Niyang naranasan at inako sa Kanyang Sarili noong nabubuhay Siya sa mundo ang sakit na dulot ng ating mga kahinaan (tingnan sa Alma 7:11–12).
Sa lahat ng kadahilanang ito, makapagbibigay sa atin ng kapahingahan ang Tagapagligtas mula sa ating mabibigat na pasanin, hihilumin ang ating mga sugat at kalungkutan, at maglalaan ng kaligtasan at kadakilaan sa Kaharian ng Panginoon.
Pag-asa
Isa pang espesyal na pagpapala na nagmumula sa pagdanas ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa ating buhay ay ang pagdagdag ng ating pag-asa sa Kanya at sa plano ng pagtubos na inilalaan Niya sa atin sa pamamagitan ng kanyang maluwalhating nagbabayad-salang sakripisyo. Ang pag-asang ibinibigay ng Tagapagligtas ay ang liwanag na gumagabay sa atin sa kadiliman. Ito ang katiyakan na gaano man katindi o kahirap ang ating paglalakbay, posible pa rin ang kapayapaan, paggaling, at pagbangon.
Pananaw at Layunin
Sa pamamagitan ng mga karanasan sa mortalidad, hinuhubog tayo ng Diyos sa kung anong pagkatao ang alam Niyang kaya nating kahinatnan. Ang mga pagsubok ay maaaring magpakumbaba sa atin, makatulong sa atin na lumago sa espirituwal, at magpaalala sa atin na kailangan natin ang tulong ng Panginoon. Ang mga pagsubok ay makakatulong sa atin na matutong pahalagahan ang mga panahong mapayapa. At higit sa lahat, binibigyan tayo ng mga ito ng mga pagkakataong ipakita sa Panginoon at sa ating mga sarili na tayo ay magiging tapat.
Mas magiging madali sana ang buhay kung walang mga pagsubok, siyempre. Pero hindi tayo gaanong matututo o uunlad. Kapag naaalala natin ang banal na pananaw na ito, makakahanap tayo ng kapanatagan at panibagong tiwala at lakas sa pagmamahal ng Tagapagligtas upang harapin ang buhay at ang mga hamon nito.
Magtiwala tayo sa Tagapagligtas upang matulungan tayong umunlad at makahanap ng kapayapaan sa ating paglalakbay sa buong buhay. Sa gayunding pananaw, magtiwala tayo sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayong tanggapin ang mga pagkakataong umunlad na iniaalok ng ating mortal na paglalakbay.
Isang Pagbabago ng Puso
Naniniwala ako na ang isa sa mga pinakaepektibong paraan para makahugot ng lakas mula sa pagmamahal ng Tagapagligtas habang hinaharap natin ang mga kasalimuotan ng mundo ngayon ay sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang paanyaya na lumapit sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28–29 ).
Mahal kong mga kaibigan, upang tunay na lumapit kay Jesus at bumaling sa Kanya sa bawat pag-iisip (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36 ), dapat na ring simulan ito sa pag-aaral nang higit pa tungkol sa Kanyang buhay at sa kapangyarihang magpagaling na Kanyang inilalaan.
Ito ang maghihikayat sa atin na isentro ang ating mga buhay sa Kanya. Kapag kay Jesucristo nakapokus ang ating buhay, ang ating mga ninanais at kung paano natin ito hinahangad ay magbabago magpakailanman. Nagdudulot ito ng tunay na espirituwal na pagbabago sa ating mga puso, binabago ang ating kalikasan upang hindi na tayo magkaroon ng tendensiyang gumawa ng masama, kundi magsikap na patuloy na gumawa ng mabuti (tingnan sa Mosias 5:2 ).
Binabago Niya kung paano natin ginugugol ang ating oras at mga resource, kung ano ang ating binabasa, pinanonood, pinakikinggan, at ibinabahagi. Binabago Niya kung paano natin tinatrato ang isa’t isa at kung paano tayo tumutugon sa mga kawalang-katarungan.
Magsilapit sa Kanya
Ang landas tungo sa pag-unawa sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal ay indibiduwal na ginagawa, na kapwa may positibo at negatibong mga karanasan. Pero sa huli ang paglalakbay na ito ay magbibigay sa atin ng kadalisayan, kapayapaan, pananaw, at layunin sa ating buhay.
Tatanggapin Niya kayo sa kung sino man kayo, at habang lumalapit kayo sa Kanya at natututo tungkol sa Kanya, magagawa ninyo ito at kayo ay magiging mas katulad Niya. Huwag nating kalimutan na lahat tayo ay isinilang na may binhi ng kabanalan sa ating mga espiritu. Dahil tayo ay mga espirituwal na anak ng Diyos, ang binhing ito ay espirituwal na nag-uugnay sa atin sa Diyos. Sa pamamagitan ng koneksyon na ito, madarama natin ang pagmamahal na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Kanyang mahabaging Pagbabayad-sala.
Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ang dakilang Manggagamot ng ating mga kaluluwa. Alam ko na Siya ay buhay at ang Kanyang pagmamahal ay walang hanggan at tunay. Habang nakaunat ang Kanyang mga bisig, tinatawag Niya ang bawat isa sa atin, nagsasabing, “Magsilapit kayo sa akin nang may mapagpakumbabang puso.”
Bilang isang tinawag na maging Apostol ni Jesucristo sa lupa, dalangin ko na iwaksi ninyo ang lahat ng humahadlang sa inyo na madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Nawa’y gumaling kayo sa pamamagitan ng kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas. Dalangin ko na ang inyong pananampalataya sa Kanya ay lalago at ang Kanyang banal na kapangyarihan ay lalong mahahayag sa inyong buhay, kapwa sa inyong tahanan at sa inyong puso. Huwag kalimutan na ang mapagmahal na mga bisig ng Tagapagligtas ay nakaunat sa inyo sa pagbubukang-liwayway ng bawat bagong araw, habang ang Kanyang paanyaya ay ganito pa rin: “Magsiparito kayo sa akin.”