Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagkatapos ng Iyong mga Pagkakamali—Maging ang Malalaking Pagkakamali
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Pagkatapos ng Iyong mga Pagkakamali—Maging ang Malalaking Pagkakamali

Marami tayong matututuhan kay Pedro tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at pagsisikap na muli.

Ikinaila ni Pedro si Jesucristo

Peter’s Denial, ni Carl Bloch

Karamihan sa atin ay may kahit isang alaala na gusto talaga nating malimutan. Ito man ay isang sandali ng labis na kahihiyan, masakit na pisikal na aksidente, o isang argumento kung saan nais mong bawiin ang mga nasabi mo, maraming sandali sa buhay natin kung saan ang pagkakaroon ng isang “reset” o “delete” button ay talaga namang nakatutuwa sana.

Isang Mapait na Propesiya ang Natupad

Si Apostol Pedro ay isang kamangha-manghang tao sa Bagong Tipan. May pananampalataya at tapang siyang lumakad sa tubig papunta kay Jesus, pero kalaunan ay hinayaan niyang madaig siya ng kanyang takot, nagsimulang lumubog, at humingi ng saklolo sa Panginoon (tingnan sa Mateo 14:28–31). Bagama’t hindi natin alam ang lahat ng detalye ng buhay ni Pedro, alam natin ang isang pagkakataon na tumangis siya nang may kapaitan.

Ilang oras lamang bago dinakip si Jesucristo, ipinropesiya Niya na ikakaila Siya ni Pedro nang tatlong beses bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses. Tumanggi si Pedro na maniwala sa gayong propesiya at “sinabi niya nang may diin, Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila” (Marcos 14:31).

Siyempre, ang propesiya ng Tagapagligtas ay nagkatotoo. Dahil sa takot sa pagdakip sa Tagapagligtas, naglaho ang katapangan ni Pedro. Matapos ikaila nang dalawang beses na kilala niya ang Tagapagligtas, at nang pilitin siya sa ikatlong pagkakataon, si Pedro ay “nagsimulang magmura at sumumpa, Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi” (Marcos 14:71).

Nang dalawang beses tumilaok ang tandang at naalala ni Pedro ang propesiya ng Tagapagligtas, “siya’y … mapait na tumangis” (Mateo 26:75).

Pero hindi iyon ang naging katapusan ng kanyang kuwento!

Isang Panghabambuhay na Pagbabago

Sa lahat ng matututuhan natin sa mga banal na kasulatan, ang takot ni Pedro ay hindi na muling nangibabaw sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Buong tapang siyang nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa bawat pagkakataon, anuman ang panganib na dala ito. Alalahanin, ang tinuruan ni Pedro ay ang mga taong katatapos lang magpako kay Jesucristo! Ang panganib ay tunay.

Nang pagalingin ni Pedro ang isang lalaking pilay mula noong isinilang, na iniutos dito na, “Sa pangalan ni [Jesucristong] taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad” (Mga Gawa 3:6), dinakip siya kasama ni Juan at tinanong kung paano niya isinagawa ang himalang ito.

Matapang na sumagot si Pedro, “Dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni [Jesucristong] taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

“Ito ang bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo ang siyang naging batong panulukan. Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas” (Mga Gawa 4:10–12).

Napakatapang na sagot! At malinaw na katibayan ng kanyang mga paniniwala.

Mga Hindi Perpektong Tagapaglingkod na Perpektong Makapaglilingkod

Bawat isa sa atin ay magkakasala sa buhay na ito. Sa kabila ng pinakamatitinding pagsisikap natin, hindi natin maaabot ang ating mga inaasam at intensiyon paminsan-minsan. Tulad ng itinuro minsan ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man.”

Ang iyong espirituwal na kahalagahan ay hindi binibigyang-kabuluhan o nililimitahan ng iyong mga pagkakamali—maging ng malalaking pagkakamali! Dahil siya ay nagsisi at pinatawad siya ni Cristo, ang pagkaila ni Pedro kay Cristo ay hindi nakahadlang sa kanya sa pagpapatotoo, pagtuturo, at pagbabalik-loob nang may malaking kapangyarihan. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng iba pang mga disipulo na nagkasala, nagsisi, at nagpatuloy nang may pananampalataya kay Cristo.

Laging sisikapin ni Satanas na kumbinsihin kayo na nagpapatong-patong ang inyong mga pagkakamali at hindi ninyo malalampasan ang mga ito kailanman. Balewalain ang kanyang mga kasinungalingan!

Itinuro ni Sister Tamara W. Runia, First Counselor sa Young Women General Presidency: “Kailangan ninyo itong marinig, kaya sasabihin ko ang mga salitang ito nang malakas: Hindi kayo ang tinig sa inyong isipan o ang mga pagkakamaling nagawa ninyo. Marahil kailangan din ninyong sabihin iyon nang malakas. Sabihin kay Satanas, ‘Hindi ngayon.’ Palayuin ninyo siya.

Damhin ang paghila na iyon, ang kalungkutang mula sa Diyos na nagbabaling sa inyo tungo sa inyong Tagapagligtas, at masdan ang Kanyang biyaya na pumasok sa inyong buhay at sa buhay ng mga taong mahal ninyo. Ipinapangako ko na sa oras na lakas-loob tayong lumapit sa Kanya nang may bagbag na puso, naroon Siya kaagad.

Jesucristo

Christus Consolator, ni Carl Bloch

Ang Iyong Maaliwalas na mga Araw sa Hinaharap

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, habang mas lubos mong pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, alalahanin na ang kakayahang magsisi at sumubok muli ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na matatanggap mo. Dahil kay Jesucristo, mapapatawad ang pinakamalala mong mga pagkakamali at pagkatapos ay itatapon ito na parang mabibigat na tanikala.

“Ang Tagapagligtas ay habampanahong mas maliwanag kaysa sa kadiliman ng kahihiyan,” pagtuturo ni Sister Runia.

Dahil kay Jesucristo, laging magniningning ang pag-asa kapag nanatili kang nakatuon sa Kanya.