Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mula sa Pagiging Kakaiba Tungo sa Pakikisama sa Iba
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Mula sa Pagiging Kakaiba tungo sa Pakikisama sa Iba

Natutuhan ni Tyler na, kahit na nahaharap tayo sa paghihirap at paghatol, maaari nating hayaang magliwanag ang ating ilaw at magpakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa iba.

young women

Mga larawang kuha ni Leslie Nilsson

Si Tyler at ang kanyang mga kaibigang mula sa ibang relihiyon ay nagkakasundo sa pagtulong nila sa isa’t isa na sundin si Jesucristo.

Paano ka nakikipag-ugnayan sa mga hindi kakilala na may mga ideya tungkol sa iyo at sa iyong mga paniniwala? Lalo na kapag ang ilan sa mga ideyang iyon ay hindi ang maganda, o hindi pa nga totoo? Tinanong din ni Tyler, 16, ang kanyang sarili ng tanong ding iyon.

Matapos lumipat mula sa Utah, USA—isang lugar na may mas mataas na populasyon ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—sa Oklahoma, USA, natanto niya na ang pakikipagkaibigan sa mga taong ang tingin sa kanya ay iba sa kanila ay mangangailangan ng ilang panahon at pagsisikap.

mga dalagitang nagsusukat ng mga sombrero

Pagiging Mabait

“Hindi mababait ang mga tao noong una,” paliwanag ni Tyler. “Mabait sila kapag kaharap ako, pero pagtalikod nila ay nag-uusap sila tungkol sa akin. ‘Ang bagong dalagita ay Mormon, at hindi siya umiinom ng kape,’ o ‘Napakabait niya; malamang na peke naman iyon.’”

Noong mga unang araw na iyon, ang alam lang ni Tyler na gawin ay ang patuloy na maging mabait at patuloy na ipamuhay ang kanyang mga paniniwala. Unti-unti, habang nakikilala siya ng iba, nakagawa ito ng malaking kaibhan.

dalagita

“Nakilala ko ang ilang mabubuting kaibigan sa volleyball team, na nakatulong sa akin na makipagkaibigan sa buong tag-init. Nang magkaroon na ako ng mas maraming kaibigan at naipakita sa mga tao kung sino ako, nagsimulang sumuporta sa akin ang mga tao. Nagsimula na makilala ng mga tao kung sino ako at nalaman nilang mabait talaga ako.”

Hanapin ang Pagkakatulad sa Paniniwala

Nang mas makilala siya ng mga tao, nagsimula silang magtanong nang tapat tungkol sa kanyang mga paniniwala.

“Nagkaroon ako ng isang oras na klase kung saan lahat ay bumaling sa akin at nagtanong tungkol sa aking mga paniniwala,” sabi ni Tyler. “Naiintriga lang sila dahil sa tingin nila ay napakakakaiba ng ating mga turo.”

Pero hindi hinayaan ni Tyler na panghinaan siya dahil sa ibinibigay sa kanyang atensiyon. “Sinagot ko lang sila nang tapat. Sinagot ko sila sa abot ng aking makakaya.”

Ang ilan sa kanyang mga pag-uusap ay tulad nito:

“Hindi ka Kristiyano.”

“Hindi, Kristiyano ako. Naniniwala ako kay Jesucristo.”

“Mayroon kayong ibang aklat. Ano ang aklat na iyon? Ano ang pinatutungkulan nito?

“Ito ay isa pang tipan ito ni Jesucristo, tungkol sa pagdating Niya sa mga lupain ng Amerika.”

“Ano? Si Cristo ay dumating sa mga lupain ng Amerika?”

“Oo!”

“Binabasa mo ba ang Biblia? Tiyak na hindi mo binabasa ang Biblia.”

“Binabasa ko ito! Binabasa ko ang King James Version.”

“Talaga ba? Ako rin!”

Dahil karamihan sa kanyang mga bagong kaibigan at kaklase ay Kristiyano din, nakita ni Tyler ang mga magkakatulad nilang paniniwala at nagsimula mula roon. “Ang pangunahing pagkakatulad ay naniniwala kaming lahat kay Jesucristo. Kaming lahat ay nagsisikap na maging katulad ni Cristo at maging Kanyang mga disipulo,” sabi niya.

Hindi lamang naging malapit sina Tyler at ang kanyang mga kaibigan dahil sa kanilang paniniwala sa Tagapagligtas, kundi tinutulungan nila ang isa’t isa na maging pinakamabuti sa abot ng kanilang makakaya. “Sinisikap nating lahat na maging mas mabubuting tao, na katulad lamang ni Cristo. Nagtutulungan kami.” Ipinagtatanggol na ngayon si Tyler ng kanyang mga bagong kaibigan at tinatanggap nila ang mga pagkakaiba ng kanyang relihiyon! Ganoon rin ang ginagawa niya para sa kanila.

young women

Nalaman ni Tyler (gitna) na gustung-gusto rin ng kanyang mga kaibigan mula sa ibang relihiyon na ibahagi ang liwanag ni Cristo.

Pagtutulungan na Lumago ang Isa’t Isa

Paano nagtutulungan sina Tyler at ang kanyang mga kaibigan sa kanilang pagkakaiba-iba sa paniniwala sa relihiyon? Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas (tingnan sa Gawa 10:38).

“Minsan ay sumulat kami ng maiikling liham na may mga talata sa Biblia at inilagay ang mga ito sa mga kotse ng mga tao. Isinulat namin ang ‘Mahal ka ni Jesus’ at iba pang gaya niyon. Sinisikap naming maging mabait at tulungan ang mga taong nahihirapan.”

young women

“Sinisikap kong maging mabuti dahil iyon ang kung sino si Cristo: isang mabuting tao. Sinisikap din ng mga kaibigan kong maging mas mabubuting tao.”

Alam ni Tyler na dahil miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, siya ay mamumukod-tangi dahil siya ay naiiba. Alam din niya kung ano ang pakiramdam ng malungkot at maisantabi.

“Sinisikap kong maging ako. Ngumingiti ako sa lahat, at mabait ako sa lahat. Kahit sa mga taong ibang-iba sa akin sa paaralan—kaibigan ko sila. Kapag naglalakad ako sa mga pasilyo at nakita ko sila, binabati ko sila at kinukumusta ang araw nila. Ang mga simpleng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod sa ibang tao ang paraan ko ng pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa,” sabi niya.

kabataang kasama ang isang taong naka-wheelchair

“Sinisikap nating lahat na maging mas mabubuting tao, na katulad lamang ni Cristo,” sabi ni Tyler.

Pagpapaningning ng Kanyang Ilaw

Ipinamumuhay ni Tyler ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng paggawang bahagi nito ng kanyang pang-araw-araw na mga aktibidad at pakikipag-ugnayan sa mga tao. “Alam ko na mahal ako ni Cristo sa personal na paraan. Nakikita ko Siya sa pang-araw-araw kong buhay. Kapag binibigyan ako ng mga tao ng papuri o nagsasabi ng isang magandang bagay, alam kong Siya iyon na nagsasabi sa akin ng isang bagay na kailangan ko para sa araw na iyon.”

dalagita na binabati ang mga tao sa simbahan

“Alam ko na dinidinig ng Ama sa Langit ang lahat ng aking panalangin, at alam Niya ang aking mga iniisip at intensiyon. Kung sisikapin kong maging katulad Niya, magiging mas mabuti akong tao.

“At bakit naman tayo hindi dapat maging isang mas mabuting tao?”