Ang Hamon sa Akin sa Mahal na Araw
Masaya ako na tinanggap ko ang paanyaya ng aking seminary teacher.
Nang anyayahan kami ng aking seminary teacher na pag-aralan ang limang pangalan o titulo ni Jesucristo sa Mahal na Araw noong nakaraang taon, nasabik ako.
Pinili ko ang mga titulo na pag-aaralan at binasa ang mga banal na kasulatan na nauugnay sa mga ito. Pagkatapos ay nagsaliksik ako ng mga titulo online para malaman ang kanilang konteksto ng kasaysayan.
Ang isang titulong pinag-aralan ko ay ang “Karpintero,” dahil maaaring natutuhan ito ni Jesus mula kay Jose. Nalaman ko na ang mga karpintero ay nauugnay sa pagsasaayos at pagkukumpuni—tulad ng paraan kung paano tayo naaayos at napagagaling ni Cristo. Patuloy na lumabas ang ideyang iyon sa iba pang mga titulo.
Halimbawa, sa pagsasaliksik ko ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” natuklasan ko na ang salitang Hebreo para sa kapayapaan, na shalom, ay nagpapahiwatig ng kabuuan, pagkakasundo, kapakanan, at pagsasaayos. Pakiramdam ko ay lubos na naipapakita nito, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at ating pagsisisi, kung paano isinaayos ni Cristo ang pagkawalay natin sa Ama sa Langit na dulot ng ating mga kasalanan. Dahil sa mga pangyayari sa Pasko ng Pagkabuhay, mapapasaatin ang ating Prinsipe ng Kapayapaan at mapagagaling tayo.
Noong panahong ito, naharap ako sa mga hamon at pakiramdam ko ay wala akong masandigan. Tinalikuran ko ang relasyon ko kay Jesucristo dahil akala ko ay kailangan kong tulungan ang sarili ko. Pero ang pag-aaral na ito ay nakatulong sa akin na maunawaan na hindi ako mag-isa sa pagpasan sa aking mga problema. Naroon si Cristo para pasanin ito. Nang hayaan ko Siyang tulungan ako, nakadama ako ng kapayapaan. Alam ko na maisasaayos ni Jesucristo ang bawat bahagi ng buhay ko kung hahayaan ko Siya.
Kapag nag-ukol kayo ng oras na pag-aralan ang buhay at mga katangian ni Jesucristo, mauunawaan ninyo na lagi Siyang nariyan para sa inyo. Nang piliin kong mag-ukol ng oras sa Kanya at mas kilalanin Siya, nakita ko ang halaga ko sa Kanyang mga mata. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa akin sa bawat titulo na pinag-aralan ko.
Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.