Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Tagumpay ng Ating Tagapagligtas
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Ang Tagumpay ng Ating Tagapagligtas

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan, at mapagpapala Niya ang inyong buhay sa mismong kalagayan ninyo ngayon.

Jesucristo

The Resurrected Christ [Ang Nabuhay na Muling Cristo], ni Wilson J. Ong

Sa paglipas ng mga taon, lalo akong naging mapagpakumbaba habang pinag-iisipan, pinag-aaralan, at napapanatag ako ng kaloob ng ating Tagapagligtas—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mahihirapan ang isipan ng mga tao na maunawaan kung paano nagbago nang lubusan ang tadhana ng sangkatauhan dahil sa nangyari sa Getsemani, sa krus, at sa libingan.

Si Jesucristo na nagtuturo

Tinutulungan at Pinapanatag Tayo ng Tagapagligtas

Sa tungkulin ko bilang Apostol, naglalakbay ako nang madalas at nagkaroon ako ng pribilehiyong makakilala ng mga bata, kabataan, at adult sa iba’t ibang panig ng mundo. May mga sandali ng malaking kagalakan sa buhay, ngunit ang isang bagay na nakita ng sarili kong mga mata at nadama ko sa kaibuturan ng aking puso ay na dagdag pa sa kaligayahan at kagalakan, ang buhay ay may mga sandali ng kalungkutan at pagdurusa.

Lalo akong napapalapit sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa walang-katapusang mga pagpapalang ipinangako sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa ating mga pagsubok, sasaklolohan, o tutulungan tayo ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 7:12). Hindi Niya tayo inilalayo mula sa mahihirap na karanasan sa buhay, ngunit pinoprotektahan Niya tayo mula sa walang-hanggang pagdurusa at pagkawalay sa Ama sa Langit. Ginawa Niyang maging posible para sa atin, sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa para sa lahat, na magkaroon ng ganap na kagalakan at walang-hanggang kaligayahan sa piling ng Diyos.

Jesucristo

Thy Will [Ang Iyong Kalooban], ni Dan Wilson

Nagdusa ang Tagapagligtas para sa Ating Lahat

Hindi ko mailarawan, sa anumang salitang alam ko, ang nadarama ko sa puso ko sa maaaring nangyari sa puso, isipan, katawan, at kaluluwa ng Tagapagligtas sa Kanyang sagradong mga sandali ng pagdurusa na para sa lahat ng kasalanan at pasakit ng buong sangkatauhan.

Nagsimula ito nang pumunta si Jesus “sa isang pook na tinatawag na Getsemani” (Mateo 26:36). Sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos [ikamatay ko na]” Mateo 26:38). Pagkatapos ay tatlong beses Siyang nanalangin sa Ama na hayaang lumampas sa Kanya ang kopang ito. Ngunit sinabi Niya, “mangyari nawa ang iyong kalooban.” “Mangyari nawa ang iyong kalooban” (Mateo 26:39, 42, 44).

Nang walang kasalanan, ininom ni Jesus ang mapait na kopa. Inako Niya ang lahat ng ating kasalanan at nagdusa nang higit pa sa kaya nating maunawaan upang kapag lumapit tayo sa Kanya at nagsisi, ang ating mga kasalanan at pasanin ay maaalis mula sa atin (tingnan sa 2 Corinto 5:21). Ginawa Niya ang hindi magagawa ninuman upang matulungan tayong makabalik sa piling ng ating Ama.

Kasunod ng pagdurusa sa Getsemani, nagpatuloy ang Kanyang paghihirap—ang pagtataksil ng isang taong lumakad na kasama Niya, ang pangungutya sa harapan ng mga di-makatarungang pinuno, ang sakit ng paghampas sa Kanyang katawan, ang koronang tinik na idiniin sa Kanyang ulo ng malulupit at walang awang mga kawal (tingnan sa Juan 18:12; Marcos 15:16–20), at ang mabigat na kahoy na ipinasan sa sugatang laman sa Kanyang likod habang papunta Siya sa Golgota (tingnan sa Juan 19:16–17).

Sa krus, bumalik ang matinding pagdurusa sa Getsemani. Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, lamang ang nagpasan ng banal na utos ng Kanyang Ama na ialay ang Kanyang buhay. Hindi ito makukuha ng mga sundalo at pinuno mula sa Kanya. Nang may pagpipitagan at pagpapakumbaba, iniyuko ni Jesus ang Kanyang ulo at nagsabing, “Natupad na” (Juan 19:30).

si Jesucristo kasama ang isang lalaki at batang babae

Balm of Gilead [Balsamo ng Gilead], ni Annie Henrie Nader

Ang Tagapagligtas ay Buhay!

Nang naisakatuparan ang Kanyang banal na misyon, Siya ngayon ang magiging unang babangon mula sa libingan tungo sa kawalang-kamatayan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.

Winasak ni Jesucristo ang mga tanikala at pagkakagapos ng walang hanggang pagkaalipin sa kamatayan para sa bawat taong nabuhay o mabubuhay sa mundo. Dinaig Niya ang kaaway nating lahat; ang kaaway na kamatayan ay natalo na.

Sabi ni Pangulong Russel M. Nelson: “Pinasan ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang inyong mga kasalanan, ang inyong mga pasakit, ang inyong pighati, at ang inyong mga kahinaan. Hindi ninyo kailangang pasanin ang mga ito nang mag-isa! Patatawarin Niya kayo kapag nagsisisi kayo. [Bibiyayaan] Niya kayo ng mga kailangan ninyo. Pagagalingin Niya ang inyong sugatang kaluluwa.”

Bilang isa sa Kanyang mga inorden na Apostol, naranasan ko ang mga espirituwal at personal na sandali na nagdulot sa akin ng sigurado at tiyak na patotoo na Siya ay buhay. Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nawa’y manatili ang mga salitang ito sa ating puso’t isipan: “H’wag hayaang malimutan ang pagdurusa Ninyo” habang nagagalak tayong umawit ng, “Siya’y nagbangon! Siya ay nagbangon! … Malaya na ang tao. Nagtagumpay si Cristo.”

Mga Tala

  1. Ang naunang pitong talata ay nagmumula sa Neil L. Andersen, Jesus Is the Christ (2023), 28–35.

  2. Russell M. Nelson, pangkalahatang kumperensiya ng Okt. 2024 (Liahona, Nob. 2024, 122).

  3. “Aba Naming Kahilingan” Mga Himno, blg. 102

  4. “S’ya’y Nabuhay!” Mga Himno, blg. 119.