Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Iyong Ugnayan sa Sarili Mo
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2026


Ang Iyong Ugnayan sa Sarili Mo

Ang inyong pagtingin at pakikitungo sa iyong sarili ay napakahalaga.

kabataang babae

Mga larawang-guhit ni Townen Jones

Kapag naiisip mo ang mga ugnayan, marahil ay naiisip mo ang iyong mga pakikipag-ugnayan sa iyong mga magulang, kapatid, kaibigan, kaklase, o tao sa simbahan. Pero may isa pang mahalagang ugnayan na kung minsan ay nababalewala.

Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na mayroon tayong mahahalagang ugnayan “sa ating Diyos, sa ating pamilya, sa ating kapwa, at sa ating sarili.” Ang pagtingin mo sa iyong sarili—at pakikitungo sa iyong sarili—ay gumagawa ng malaking kaibhan!

Narito ang ilang paraan na mapatatatag at mapalalakas mo ang iyong ugnayan sa sarili mo.

binatilyong nagninilay

Kumustahin ang Iyong Sarili

Isiping maglaan ng ilang sandali para hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang makita kung kumusta ka talaga ngayon. Maaaring maganda ang mga bagay-bagay, o maaaring natatanto mo na ang mga bagay-bagay ay hindi kasimbuti na gaya ng gusto mong mangyari. Ang pagtigil sandali para suriin ang iyong pakikipag-ugnayan, pisikal na kalusugan, espirituwalidad, at iba pang mga aspekto ng iyong buhay ay makatutulong sa inyo na matukoy ang mga bagay na gusto mong baguhin o pagbutihin pa.

mga dalagitang may malaking pen at kompas

Magtakda ng mga Angkop na Limitasyon

Sa iyong mga relasyon, mahalagang ipaalam sa iba kung anong mga pag-uugali ang tatanggapin mo—na magtatakda ng mga hangganan. Maaaring mahiya ka sa una, pero ang pagpapaalam sa mga tao sa mga pamantayan ng Panginoon na ipinamumuhay mo, mga bagay na hindi ka komportable, mga bagay na wala kang kakayahang gawin ngayon, at kung paano mo gustong mapakitunguhan ay maaaring maging malaking tulong.

Sa ganitong paraan, nagpapakita ka ng paggalang sa iyong sarili at sa iyong kapakanan. Tinutulungan ka rin nitong matugunan ang iyong mga pangangailangan at magkaroon ng mas mabuti, mas nararapat, at mas balanseng mga ugnayan sa iba. Kasabay nito, ang pagtanggap ng mga oportunidad na tutulong sa iyo na mag-isip at umunlad—tulad ng pagbibigay ng mensahe sa simbahan—ay magpapatatag sa inyo at sa inyong tiwala sa sarili.

skateboarding at rock climbing
dalagitang nakikinig ng musika sa mga headphone

Maglaan ng Oras para sa mga Bagay na Nagpapasaya sa Iyo

Hindi makasarili ang pagtiyak na manatiling malusog at na-recharge ka sa kabila ng lahat ng iyong responsibilidad. Ang pagbabasa ng magandang aklat, panonood ng paborito mong pelikula, paglabas, o pakikibahagi sa musika, sayaw, isport, o sining ay makapagbibigay sa iyo ng panibagong lakas para matugunan ang mga hinihingi ng buhay gayundin ng sariwang lakas para tulungan at paglingkuran ang iba.

dalagita sa mga ulap

Kumonekta sa Langit

Higit sa lahat, maaari kang magkaroon ng mas magandang ugnayan sa iyong sarili kapag pinagbuti mo ang tunay at tumatagal na ugnayan mo sa iyong Ama sa Langit. Mas mapalalapit ka sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglalaan ng oras sa templo, at iba pang paraan. Kapag ginawa mo ito, sinabi ni Pangulong Uchtdorf na “matututo kang tingnan ang iyong sarili tulad ng pagtingin sa iyo ng Ama sa Langit—bilang Kanyang mahal na anak na babae o lalaki na may banal na potensiyal.”

Ang makita ang iyong sarili sa ganitong paraan ay tutulong sa iyo na pakitunguhan ang iyong sarili nang may higit na tiyaga, kabaitan, paggalang, at pagpapatawad. Masusumpungan mo ang lakas ng kalooban na magbago, magpakabuti sa bawat araw, at sikaping maging lahat ng alam ng Ama sa Langit na maaari mong kahinatnan.