2025
Bagong Album na Pangkabataan sa 2025, Nakatulong sa mga Kabataan na Umasa Kay Cristo
Pebrero 2025


Mensahe Ng Area

Bagong Album na Pangkabataan sa 2025, Nakatulong sa mga Kabataan na Umasa Kay Cristo

Mahal na mga kabataan ng Philippines Area, kayo ay inaanyayahang “isaalang-alang si Cristo” ngayong 2025!

Sa buong taon, ang mga miyembro ng Simbahang edad 11-18 taong gulang ay hinihikayat na itutok ang kanilang tingin sa Panginoong Jesucristo sa pagtutuon sa tema, na nakabatay sa Doktrina at mga Tipan 6:36: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Para matulungan ang mga kabataan, magulang, at lider ng Simbahan na matutuhan, maituro, at maisabuhay ang mga alituntunin mula sa tema, inilulunsad ng Philippines Area ang ilang awitin sa isang espesyal na album na pangkabataan.

Gayundin, para masunod ang utos ng Panginoon na lahat ng tao, pati na ang mga kabataan, “ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa [kanilang] sariling wika, at sa [kanilang] sariling salita” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:11), ang mga awitin ay isinalin sa iba’t ibang wika ng matatalino at mahuhusay sa musika na mga Banal sa mga Huling Araw. Maririnig ng lumalaking henerasyon ang mga mensaheng nagpapalakas ng pananampalataya sa Ingles, Tagalog, Cebuano, at Bicolano.

Ang theme song ngayong taon ay may dalawang bersyon: “Look Unto Christ” (English acoustic version) ng returned missionary at estudyante sa accounting na si Noreen Mae Nivera at “Asahan Siya” (“Look Unto Christ” Tagalog version) ng artistang tinedyer na si Xia Vigor. Maaari ding antabayanan ng mga miyembro ng Simbahan na mapakinggan at mai-download ang mga awiting ito sa Gospel Library/Sacred Music app o sa opisyal na website ng Simbahan.

“Ipinaaalala sa akin ng awiting ito kung gaano kasakdal ang pag-ibig ng Panginoon,” pagbabahagi ni Noreen, “na kahit pakiramdam natin ay nanghihina at lumulubog tayo, kapag umasa tayo sa Kanya, madarama natin ang lakas na muling mabuhay at bumalik sa dati nating pinanggalingan.” Sinabi rin niya sa kanyang sarili “na para sa akin talaga ang awiting ito, kailangan ko ito at alam ko na dapat akong kumilos ayon dito, kaya ipinaubaya ko sa Kanya ang lahat ng aking alalahanin, pangamba, at pagdududa, at nadama ko ang nagpapasiglang kapayapaan at katiyakang ito sa puso ko.”

Matapos marinig ang “Asahan Siya” sa unang pagkakataon, inihayag ni Xia na “inantig kaagad nito ang puso ko at ito ang naging bagong paborito kong awitin sa simbahan. Karangalan kong kantahin ang opisyal na pagsasalin ng awiting ito sa Tagalog.” Idinagdag pa ng kilalang artistang ito na gusto niya lalo na ang unang bahagi “na sinasabi roon na kung mananatili tayo sa tabi ng Tagapagligtas ay Siya ang ilaw—na siyang kailangan natin mismo sa mga panahong ito, ang katiyakan na tunay ngang may maningning na tanglaw sa gitna ng kadiliman.”

Kasama rin sa listahan ng mga magtatanghal ang K-pop idol na si Chantal “Chanty” Videla, na kumanta ng “Carry Me” (Taglish version), at sinamahan nina Althea Atienza, Ryzza Rome Calcetas, Naomi Tino, Maeden Olive Garcia, Kiersten Melanie Nivera, at ng P-pop artist na si Yzabel Divinagracia. “Ang awiting ito ay partikular na tungkol sa pagsamo sa Panginoon, ang ating Tagapagligtas, na dalhin tayo, at pakiramdam ko ay ramdam iyon ng lahat,” pagbabahagi ni Chantal, na nagsabi rin na “ramdam ko rin iyon.”

Ang iba pang mga awiting ilalabas sa album na pangkabataan ay: “Daughter of Light” (Taglish version) ni Kaelyn Papa; “His Work” (Trilingual version sa English, Tagalog, at Bicolano) ni Adrian Pramoso; “I Need Your Strength” (English, Tagalog, at Cebuano) nina Reilan Abasanta at Brandon Kyle Sorilla; “Fear Not” (Taglish) ni Natalie Ruth Villasis; at “Huwag Mag-alinlangan” (Tagalog Acoustic) ni Noah Yuvienco.

Ang maipahayag ang kanyang patotoo sa musika at sa kanyang katutubong wika ay isang pangarap na natupad para kay Adrian, na mula sa Bicol Region. Isang returned missionary (RM), si Brother Pramoso ay tatlong beses na tumanggap ng Ani ng Dangal Awards ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa kanilang international grand prix championships sa Indonesia, South Korea, at Spain.

“Alam ko na Siya lamang ang makagagamot sa ating pusong sugatan, Siya ang sagot sa ating mga pagsamo.” Ito ang inaasam ni Noreen na madama ng lumalaking henerasyon kapag narinig nila ang “Asahan Siya” at ang iba pang mga awitin sa album na pangkabataan sa 2025. “Tutulungan Niya tayong sundan ang landas na ito basta’t patuloy tayong umasa sa Kanya.”