“Malalaman Mo ang Dapat Gawin,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Malalaman Mo ang Dapat Gawin
Sa matinding sandali ng pangangailangan ng isang pamilya, ipinakita sa akin ng Panginoon na naaalala Niya sila.
Larawang-guhit ni Katy Dockrill
Isang umaga, hindi pa natatagalan matapos akong matawag bilang Relief Society president, tumawag sa akin ang ina ng isang pamilya sa aming ward. Ipinaalam niya sa akin na nawalan siya ng trabaho, may mga problema siya sa kalusugan, at iba pang mga hamon. Malinaw na nasaid na ng pamilya ang huling mapagkukunan nila ng kabuhayan. Nang marinig ko iyon, tahimik akong nanalangin na gabayan at patnubayan ng Espiritu Santo ang mga sasabihin at gagawin ko.
Tiniyak ko sa sister na ito na kokontakin ko ang bishop namin at tutulungan namin siya kalaunan sa araw na iyon. Nadama ko na kailangang tulungan kaagad ang pamilyang ito, lalo na ang mga bata sa pamilya. Gayunman, matapos tawagan ang marami sa telepono, natuklasan ko na nasa ibang lugar pala ang buong bishopric at elders quorum presidency. Dahil bago ako sa aking calling, hindi ako sigurado kung ano ang gagawin.
Matapos lumuhod at humingi ng tulong sa panalangin, nagpasiya akong mamili ng grocery para sa pamilya at kausapin ang bishop pagbalik niya. Nagpasiya rin akong magbigay ng ilang kinakailangang item. Habang naghahanda akong umalis sakay ng aking kotse, nagkaroon ako ng malinaw at di-maikakailang impresyon: “Maghintay ka.” Sinunod ko ang pahiwatig at bumaba ako ng kotse. Makalipas ang isang oras, may kumatok sa pintuan ko sa harapan.
Nakatayo sa labas ang isang balo mula sa aming ward. Inabutan niya ako ng dalawang malalaking supot ng pagkain at sinabing, “Sister Smith, alam kong alam mo ang gagawin sa mga ito.” Pagkatapos ay nagmadali siyang bumaba ng hagdan sa balkon namin papunta sa kotse niya.
Napuspos ako ng pasasalamat at masayang damdamin mula sa Espiritu. Nasagot na ng Panginoon ang aking panalangin. Naalala ko si Nephi, na pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang nararapat niyang gawin (tingnan sa 1 Nephi 4:6).
Kapag tayo ay nananalangin at sumusunod sa marahan at tahimik na mga pahiwatig, narito ang katiyakan mula sa Panginoon: “Ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa [mismong] sandali, kung ano ang inyong sasabihin” (Doktrina at mga Tipan 100:6)—at kung minsa’y kung ano ang dapat nating gawin. Batid ng Panginoon ang matindi at agarang mga pangangailangan ng pamilyang ito bago ko pa iyon nalaman. Mapalad akong masaksihan ang magiliw na awa ng Panginoon nang magbigay ng handog ang balo na ito na nagpakain sa isang pamilya sa oras mismo ng kanilang pangangailangan.
Nagpapasalamat ako sa isang Ama sa Langit na naglalaan sa atin sa sandali ng ating pangangailangan kapag lumalapit tayo sa Kanya.