“Si Joseph, si Martin, at ang mga Aral mula sa Nawalang mga Pahina,” Liahona, Peb. 2025.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Si Joseph, si Martin, at ang mga Aral mula sa Nawalang mga Pahina
Ang pagsunod sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas at ng mga propeta ay malaking tulong sa ating pag-unlad sa buhay na ito.
Larawang-guhit ni Alex Nabaum
Noong tag-init ng 1828, masigasig na isinasalin ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon. Isang araw, humingi ng pahintulot kay Joseph ang kanyang eskribang si Martin Harris na dalhin ang unang 116 na mga pahina ng manuskrito sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York, para makita iyon ng kanyang pamilya. Hindi sigurado si Joseph sa gagawin at tinanong niya ang Panginoon kung ano ang dapat gawin. Sinabi ng Panginoon sa kanya na huwag payagan si Martin na dalhin ang mga pahina. Nagmakaawa si Martin kay Joseph na magtanong na muli. Ginawa iyon ni Joseph, pero gayon pa rin ang sagot. Nagsumamo si Martin kay Joseph na magtanong pang muli sa Panginoon. Sa pagkakataong ito pinayagan sila ng Panginoon na gawin ang gusto nila.
Sinabi ni Joseph kay Martin na maaari niyang dalhin ang mga pahina kung lubos itong mangangako na sa kanyang asawa at ilang kapamilya niya lamang ipapakita ang mga iyon. Nangako si Martin at iniuwi nito ang mga pahina. Pero sinira ni Martin ang kanyang pangako at ipinakita niya ang mga pahina sa iba. Kalaunan, nang kukunin na ni Martin ang mga pahina, hindi niya mahanap ang mga iyon. Nawala ang mga iyon.
Pinagsabihan nang matindi ng Panginoon si Joseph dahil hindi ito nakinig nang sabihin Niya na huwag ipadala kay Martin ang manuskrito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:5–8). Sa loob ng ilang panahon, binawi ng Panginoon ang mga lamina at ang kakayahang magsalin ni Joseph, pero tiniyak sa kanya ng Panginoon na maaari siyang mapatawad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:9–10). Nagsisi si Joseph, at kalaunan ay ibinalik ang mga lamina. Nagpatuloy si Joseph nang may panibagong determinasyon.
Ang mga Gawain ng Diyos ay Hindi Mabibigo
Matapos ang malaking pagsubok na ito, tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith kung saan itinuro ng Tagapagligtas ang napakahalagang mga alituntunin na maaaring makatulong sa atin habang sumusulong tayo sa buhay.
“Ang mga gawain, at ang mga layunin, at ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay,” sabi ng Panginoon.
“Sapagkat ang Diyos ay hindi lumalakad sa mga liku-likong landas, ni siya ay bumabaling sa kanan ni sa kaliwa, ni siya ay nagpapabagu-bago sa yaong kanyang sinabi, samakatwid ang kanyang landas ay tuwid, at ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot.
“Tandaan, tandaan na hindi ang gawain ng Diyos ang nabibigo, kundi ang gawain ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 3:1–3).
Maaari tayong madismaya kapag inisip natin na sa atin lamang nakasalalay ang gawain ng Diyos. Ipinaliwanag ng Panginoon, “Bagaman ang tao ay makatanggap ng maraming paghahayag, at magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, … siya ay tiyak na babagsak” (Doktrina at mga Tipan 3:4).
Noon pa mang panahon nina Adan at Eva, mayroon nang mga naghangad na hadlangan ang gawain ng Diyos. Patuloy pa rin ito sa panahong ito. Ngunit ang mga pagtatangkang hadlangan ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman magtatagumpay. Itinuturo sa atin ng alituntuning ito na hindi tayo dapat madismaya kahit nahihirapan tayo.
Ang katotohanan na ito ay gawain ng Diyos ay hindi garantiya na hindi tayo magkakaroon ng mga problema. Ipinaalala sa atin ni Apostol Pablo na tayo ay maaaring “sa bawat panig ay pinagmamalupitan, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa; pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa” (2 Corinto 4:8–9).
Kapag dumaranas tayo ng mga problema, pinapayuhan tayo ng Panginoon na “manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain” (Doktrina at mga Tipan 10:5).
Huwag Katakutan ang Tao nang Higit Kaysa sa Diyos
Sinabi rin ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos” dahil “pinawawalang-kabuluhan ng mga tao ang mga payo ng Diyos, at ipinagwawalang-bahala ang kanyang mga salita” (Doktrina at mga Tipan 3:7).
Dapat tayong maging matatag sa patotoo tungkol kay Jesucristo at huwag matakot na ipaalam ang ating mga paniniwala. Kapag ginawa natin ito nang may katiyakan, katatagan, at lakas at patnubay mula sa Panginoon, marami tayong magagawang kabutihan at kung minsa’y matatamo natin ang paggalang ng iba. Hindi natin dapat katakutan ang tao nang higit kaysa sa Diyos.
Magsisi
“Tandaan, ang Diyos ay maawain,” ang turo ng Panginoon kay Joseph. “Samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 3:10).
Ang palagiang pagsisisi ay patuloy na nagpapanatili sa ating pagkamarapat. Kapag nagsisisi tayo, bumabaling tayo sa ating Ama sa Langit nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, humihingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at nagsisikap na huwag nang gawin muli ang mga ito. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” (Doktrina at mga Tipan 19:16).
Habang naglilingkod bilang mission president, pinanguluhan ko ang membership council ng isang brother na humantong sa pagbawi sa kanyang pagiging miyembro ng Simbahan. Nagsisi ang lalaking ito sa kanyang mga kasalanan at pagkaraan ng isang taon ay pinahintulutang muling mabinyagan.
Pagkatapos ng kanyang binyag, nakatanggap ako ng email mula sa kanya na nagsasabing: “Mahal na Pangulo, kahapon isinagawa ang ordenansa ng binyag, at tinitiyak ko po sa inyo na dama kong naging bagong tao ako. Isang himala ang nangyari sa aking kalooban. Ang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo ay naging epektibo sa akin. Ngayon, ramdam ko na malaya na ako sa kalupitan ng kasalanan. Alam ko na hindi ko ito kayang gawing mag-isa. Tinulungan ako ng aking mga lider at aking asawa na manatiling nakatuon sa aking mithiin. Si Cristo ang aking Tagapagligtas. Ang himala ng pagpapatawad ay totoo.”
Maaari tayong magsisi, tulad ng brother na ito at ni Propetang Joseph Smith, at mapapatawad tayo ng Panginoon at tatawagin tayong muli na maglingkod sa Kanyang gawain.
Umasa sa Panginoon
Kailangan nating umasa sa Panginoon kung talagang nais nating umunlad sa buhay na ito. Ipinaliwanag ng Panginoon kay Joseph na nagkasala si Martin Harris dahil kanyang “ipinagwalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumuway sa pinakabanal na mga pangakong ginawa sa harapan ng Diyos, at umasa sa kanyang sariling paghahatol at nagyabang sa sarili niyang karunungan” (Doktrina at mga Tipan 3:13). Dalangin ko na pagpalain tayo ng Panginoon upang hindi natin magawa ang mga pagkakamaling iyon.
Sa pagsunod sa mga turo ng Panginoon, hindi tayo umaasa sa ating sariling paghatol o nagyayabang sa ating sariling karunungan, kundi sa halip, tinatanggap natin ang Kanyang inspirasyon at patnubay. Sinisikap nating tuparin ang mga tipang ginawa natin sa harap ng Diyos at maging mga disipulo ni Jesucristo. Magagawa nating perpekto ang ating pagiging disipulo sa pamamagitan ng pagiging masunurin, maamo, mapagpakumbaba, matiyaga, at mapagmahal (tingnan sa Mosias 3:19; Doktrina at mga Tipan 4:5–6).
Huwag nating ipagyabang ang sarili nating karunungan. Kung gagawin natin iyan, maaari tayong malagay sa mahirap na sitwasyon at mawalan ng maraming oportunidad na umunlad. Sa Mga Kawikaan mababasa natin, “Mayroong daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito” (Mga Kawikaan 14:12). Dapat tayong magtiwala sa Panginoon, na ang mga iniisip at pamamaraan ay mas mataas kaysa sa atin:
“Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.
“Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8–9).
Kung tayo ay magsisisi at mapagpakumbabang aasa sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo upang tayo ay umunlad at maging mga lalaki at babae na inaasahan Niyang kahinatnan natin.