“Dinala sa Napakataas na Bundok,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Pananaw sa Kasaysayan sa Bahay ng Panginoon
“Dinala sa Napakataas na Bundok”
Tulad ng mga propeta na may kamangha-manghang mga pangitain tungkol sa kawalang-hanggan, makikita natin sa endowment ang tungkulin ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan at malalaman kung paano maghanda para sa araw na literal tayong papasok sa kinaroroonan Niya at ng Kanyang Ama.
Larawan ng Kirtland Temple noon
Bilang Propeta ng Pagpapanumbalik, pinagpala si Joseph Smith na masaksihan ang mga kamangha-manghang pangitain tungkol sa mga kawalang-hanggan. Nakita niya ang Tagapagligtas nang hindi lang minsan at naranasan sa pangitain “ang noon at ang ngayon at ang darating.”
Hindi lamang si Joseph ang propetang nagkaroon ng gayong mga pangitain. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng ilang salaysay tungkol sa matatapat na tao na nakasaksi sa mga kawalang-hanggan. Nakita ni Abraham ang mga kawalang-hanggan, pati na ang premortal na Kapulungan sa Langit at ang Paglikha sa mundo (tingnan sa Abraham 3; 4). Si Moises ay “dinala sa napakataas na bundok” at tinuruan ng lahat ng bagay na “nauukol sa mundong ito” (Moises 1:1, 36), kabilang na ang Paglikha, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, at ang nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo. Sina Enoc, Nephi, at Juan na Tagapaghayag ay may katulad na mga pangitain kung saan nagtamo sila ng pananaw bilang propeta (tingnan sa Moises 7; 1 Nephi 11–15; Apocalipsis 1).
Nabasa na ba ninyo ang mga salaysay na ito at ninais na maranasan din ito? Ano kaya ang pakiramdam ng makita mismo ng inyong mga mata ang kalakhan ng plano ng Ama at marinig ng inyong mga tainga ang Kanyang tinig?
Ang Endowment ay Nagbigay sa mga Banal ng Kaalaman Tungkol sa mga Kawalang-hanggan
Sa Kirtland, Ohio, USA, hinangad ni Joseph na ihanda ang iba pang mga Banal noon para sa pribilehiyong masulyapan mismo ang mga kawalang-hanggan na tulad ng mga sinaunang propeta. Nang itayo ng mga Banal ang Kirtland Temple, nangako ang Panginoon na “lahat ng may dalisay na puso” na pumasok sa unang templong iyon sa mga huling araw ay “makikita ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 97:16).
Hinikayat ni Joseph ang mga Banal na pisikal at espirituwal na maghandang matanggap ang pagpapalang ito. Sila ay nag-ayuno, nanalangin, nag-aral ng ebanghelyo, naghugas ng kanilang katawan, at nagbihis ng malinis na damit. Pagkatapos, simula noong Enero 1836 at nagtapos sa paglalaan ng templo at sa isang mapitagang pagtitipon pagkaraan ng dalawang buwan, maraming Banal sa Kirtland ang pumasok sa bahay ng Panginoon at natamo ang ipinangakong sulyap sa kawalang-hanggan. “Nagpakita ang Tagapagligtas sa ilan,” pagsulat ni Joseph sa kanyang journal, “habang ang mga anghel ay nagministeryo sa iba.” Sa pag-ulit sa pangako ng Panginoon na pagkakalooban Niya ang mga Banal ng kapangyarihan sa Kanyang bahay, tinukoy ni Joseph Smith ang mga karanasang ito bilang isang “tunay na pagkakaloob” ng kapangyarihan.
Ang panahon nang ilaan ang Kirtland Temple ay isang pambihirang sandali, isang sagradong panahon, isa sa dakilang mga himala sa unang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan. At sa pamamagitan ng pagdalaw ng mga sugo ng langit sa templong iyon, ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang mga susing kailangan para magsagawa ng gawain sa templo sa hinaharap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110).
Makalipas ang ilang taon sa Nauvoo, Illinois, USA, lumago ang Simbahan. Libu-libong bagong convert na hindi naranasan ang “pagkakaloob ng kapangyarihan” sa Kirtland ang nagpuntahan mula sa mga misyon ng Simbahan sa England at sa buong Estados Unidos.
Nang magtipon ang mga Banal sa Nauvoo, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Joseph Smith na gumamit ng muling pagsasadula sa endowment para itanghal ang dakilang pangitain tungkol sa plano ng Panginoon. Ang muling pagsasadulang ito ng Paglikha, ng Pagkahulog, at ng ating pagbalik kalaunan sa piling ng Diyos sa pamamagitan ng nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo ang pinakamahalagang bahagi ng paulit-ulit na seremonya ng endowment na isinasagawa sa mga templo. Tinulutan nito ang mga Banal na lumahok para sa kanilang sarili at para sa kanilang mga ninuno. Bagama’t naiiba mula sa naranasang mga pangitaing isinalaysay nina Abraham at Moises, iyon pa rin ang nilalaman sa sentro ng ordenansa.
Ang endowment ay naglagay sa mga kalahok sa isang salaysay tungkol sa sansinukob. Sa halip na magbasa lamang tungkol sa pangitain ng propeta, tinuruan ang mga Banal tungkol sa mga kawalang-hanggan sa pamamagitan ng sights and sounds (mga nakikita at naririnig). Sila ang naging mga tauhan sa kuwento nang gumawa sila ng mga tipan na tutulong sa kanila na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos. Para silang si Nephi sa bundok o si Joseph Smith sa Kirtland. At ang Espiritu ring iyon na nagturo sa mga propeta ay maaari silang tagubilinan kapag nakilahok sila sa seremonya ng endowment.
Larawan ng Nauvoo Illinois Temple na kuha ni Shane Michael Bezzant
Ang Endowment ay Nakatulong sa Kanila na Magkaroon ng Walang-Hanggang Pananaw Tungkol sa Kanilang mga Alalahanin sa Araw-araw
Ang paglahok sa endowment sa Nauvoo Temple ay nakatulong sa mga Banal na magkaroon ng walang-hanggang pananaw tungkol sa kanilang mga alalahanin at mahihirap na pagsubok sa araw-araw. Tiniyak nito sa kanila ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ipinaalala sa kanila ang maluwalhating hinaharap na naghihintay sa mga gumagawa at tumutupad ng mga tipan. Sa pagninilay tungkol sa sapilitang pag-alis ng mga Banal mula sa Nauvoo at sa mahabang paglalakbay nila papunta sa isang bagong tahanan sa Utah, nagpatotoo si Sarah P. Rich, “Kung hindi dahil sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin sa templong iyon sa pamamagitan ng impluwensya at tulong ng Espiritu ng Panginoon, ang aming paglalakbay ay parang pagsuong sa malaking panganib.”
Pinagtibay ni Pangulong Russell M. Nelson ang obserbasyon ni Sarah nang ituro niya na ang tagubilin at mga tipan ng endowment ay “nagtataas sa atin nang higit pa sa ating sariling kakayahan at pananaw.”
“Bawat templo ay bahay ng pagkatuto,” pahayag ni Pangulong Nelson. “Doon [ay] tinuturuan tayo sa paraan ng Guro. Ang Kanyang paraan ay kaiba sa pamamaraan ng iba.” Sa pagtukoy kung paano mapapalakas ng espirituwal na paghahanda, tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang ating karanasan sa templo, idinagdag pa ni Pangulong Nelson, “Ang pagbabasa ng mga sinaunang banal na kasulatan ay higit na nakapagpapalinaw matapos maging pamilyar ang isang tao sa endowment sa templo.”
Sa paglipas ng panahon, ang mga pamamaraang ginagamit para ilahad ang maluwalhating mga katotohanan ng plano ng kaligtasan sa mga templo ay nagbago na mula sa pagganap ng mga miyembro ng Simbahan sa mga tauhan tungo sa isang pagtatanghal ng pelikula na isinalin sa maraming wika. Anuman ang paraan ng paglalahad, milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw sa nakalipas na 180 taon ang napagpala ng pinalawak na walang-hanggang pananaw na nararanasan nila kapag umaakyat sila sa bundok sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay ng Panginoon.