2025
Mula sa mga Luha ng Dalamhati Tungo sa mga Luha ng Pasasalamat
Pebrero 2025


“Mula sa mga Luha ng Dalamhati Tungo sa mga Luha ng Pasasalamat,” Liahona, Peb. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mula sa mga Luha ng Dalamhati Tungo sa mga Luha ng Pasasalamat

Pagkatapos ng aking diborsyo, nadama ko na may kakulangan ako para maglingkod bilang lider sa aming ward.

ulan na bumabagsak mula sa mga ulap

Larawang-guhit ni Katy Dockrill

Hindi ko inasahan ang araw na sasabihin sa akin ng asawa ko na nakasama ko nang 10 taon na gusto niyang talikuran ang Simbahan at diborsyohin ako. Totoo, bawat isa sa amin ay hindi husto ang pag-iisip, kulang sa kabaitan, pagpapatawad, at pagmamahal, pero gusto kong patuloy na sikapin na mapatatag ang aming pagsasama. Pero ayaw niya.

Pakiramdam ko ay tinutupad ko ang aking mga tipan, masigasig kong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, at tapat akong naglilingkod sa bishopric ng aming ward. Pero nang lisanin ako ng asawa ko, labis akong naguluhan, nagalit, at nalito kaya nagigising ako sa hatinggabi na nagdadalamhati. Umiyak ako, at ginagawa ko ang tangi kong magagawa—magdasal nang maraming oras.

Para akong drayber ng isang kotse na maingat na nagmamaneho pero bigla na lang akong sinalpok ng isa pang sasakyan na hindi makontrol ang takbo. Hindi ba dapat ay protektado ako sa sakunang ito dahil masunurin ako?

Nag-isip ako kung naisip ba ng mga miyembro ng ward na hindi ako naging tapat. Isa akong lider sa aming ward na ang pamilya ay salungat sa imahe ng isang huwarang pamilya. Paano ko kakayaning humarap sa mga miyembro ng ward samantalang parang nasira ang buhay ko? Dahil pakiramdam ko ay may kakulangan ako, nagpasiya ako na dapat akong magpa-release sa calling ko.

“Kung pinahihirapan ka ng pakiramdam na may kakulangan ka, huwag mong isipin iyon,” sabi ng bishop ko. “Tao lang tayong lahat at nagkakamali.”

Limang mahihirap na taon ang lumipas, napansin ko na nagbago ako. Mas naging mapagmahal at mapagpatawad ako. Mas naging kalmado ako. Itinuring ko ang aking mga kahinaan bilang mga pagkakataon na mapadalisay ng Espiritu Santo (tingnan sa Eter 12:27).

Nang maglaon, nakilala ko ang isang napakabait na babae na may dalawang anak sa unang asawa. Napangasawa ko siya noong 2020. Naging masaya ako simula noon. Ang mga luha ng dalamhati tuwing gabi ay mga luha na ng pasasalamat ngayon. Napakaraming pagpapala ang ibinubuhos ng Panginoon.

Dahil naranasan ko ang malulungkot at masasakit na pangyayari sa aking pamilya, napapanatag ako sa payo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa inyo na nakaranas ng sakit ng diborsyo sa inyong pamilya o nakadama ng pagdurusa ng nasirang tiwala, alalahanin sana na [ang huwaran ng pamilya ng Diyos ay] nagsisimula muli sa inyo! … Maaari mong mapatibay ang iyong kawing [ng mga henerasyon] at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong.”

Tala

  1. David A. Bednar, “Isang Matibay na Dugtong” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Set. 10, 2017), Gospel Library.