“Trahedya at Pagpapagaling sa Peru,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Kuwento mula sa Saints, Volume 4
Trahedya at Pagpapagaling sa Peru
Isang gabi noong Hunyo 7, 1990, naglalakad pauwi ang magkompanyon sa misyon na sina Manuel Navarro at Guillermo Chuquimango. Masaya sila sa pagiging mga missionary—masigasig silang nagtatrabaho, nagpupunta sila sa iba’t ibang rehiyon ng Peru, at nagdadala ng mga tao kay Jesucristo.
Subalit ang kasalukuyan nilang area, ang Huaraz, ay maaaring maging mapanganib sa gabi. Mahigit isang dekada nang nakikipaglaban ang isang grupo ng mga rebolusyonaryo na tinatawag na Sendero Luminoso, o Maningning na Landas, sa pamahalaan ng Peru. Nitong huli, naging mas agresibo ang kanilang mga pag-atake dahil sa pagtindi ng inflation at sigalot sa ekonomiya na nagpahirap sa bansa.
Para mapanatiling ligtas ang mga missionary, nagtakda ng mga curfew ang limang mission sa Peru at nilimitahan ang gawaing misyonero sa araw. Pero sa gabing ito, masaya at madaldal sina Elder Navarro at Elder Chuquimango. Katatapos lang nilang magturo ng isang lesson sa ebanghelyo at mayroon silang mga 15 minuto para makauwi.
Habang naglalakad at nag-uusap sila, may nakita si Elder Navarro na dalawang binata sa unahan nila na isang kanto o higit pa ang layo sa kanila. Itinutulak nila ang isang dilaw na kotse. Naisip ni Manuel na tumulong, pero hindi nagtagal ay napaandar ng mga lalaki ang sasakyan at umalis na.
Hindi nagtagal, nakarating ang mga missionary sa isang parke malapit sa kanilang tirahan. Nakaparada roon ang dilaw na kotse mga limang talampakan mula sa kanilang nilakaran. Malapit dito ang isang base militar.
“Parang may bomba sa kotse,” sabi ni Elder Chuquimango. Nakita ni Elder Navarro ang ilang tao na tumatakbo, at sa mismong sandaling iyon ay sumabog ang kotse.
Umabot kay Elder Navarro ang pagsabog, at tumilapon siya sa ere habang mabilis na nagliparan ang mga sharpnel sa paligid niya. Nang bumagsak siya sa lupa, takot na takot siya. Naisip niya ang kompanyon niya. Tumama kaya sa kanya ang pinakamalakas na pagsabog?
Pagkatapos ay naramdaman niya na itinatayo siya ni Elder Chuquimango mula sa lupa. Mistulang dinaanan ng digmaan ang parke nang ang mga sundalo mula sa base—na mukhang siyang target ng bomba—ay nagpaputok ng kanilang mga baril sa unahan ng sumabog na kotse. Habang inaalalayan ng kanyang kompanyon, nagawang lakarin ni Elder Navarro ang natitirang layo ng daan pauwi.
Pagdating nila roon, pumasok siya sa banyo at tumingin sa salamin. Duguan ang kanyang mukha, pero wala siyang makitang sugat sa ulo niya. Para lang siyang nahihilo.
“Bigyan mo ako ng basbas,” sabi niya sa kanyang kompanyon. Ipinatong ni Elder Chuquimango, na nagtamo lamang ng maliliit na sugat, ang kanyang nanginginig na mga kamay sa ulo ni Elder Navarro at binasbasan ito.
Hindi nagtagal, sa ospital, nawalan ng malay si Elder Navarro dahil sa pagkawala ng dugo. Kinailangan siyang masalinan kaagad ng dugo. Nagpuntahan sa ospital ang mga Banal mula sa Huaraz, sa pag-asang makapagbigay ng dugo, pero wala ni isa sa kanila ang may tugmang blood type. Pagkatapos ay sinuri ng mga doktor ang dugo ni Elder Chuquimango at nalaman na tugmang-tugma ang kanyang dugo.
Sa ikalawang pagkakataon nang gabing iyon, iniligtas ni Elder Chuquimango ang buhay ng kanyang kompanyon.
Isang araw matapos ang pagsabog, inilipat ng mga doktor si Elder Navarro sa isang ospital sa Lima. Doon ay binigyan siya ng basbas ni Elder Charles A. Didier ng Area Presidency, na nangako na makakabalik siya sa mission field sa lalong madaling panahon.
Matapos gamutin ang iba pang mga pinsala ni Elder Navarro, nagtuon ang mga doktor sa muling pagsasaayos ng kanyang napinsalang mukha. Nasira ng shrapnel ang buto sa kanyang pisngi at nalagot ang optic nerve ng kanan niyang mata, kaya kailangang tanggalin ang mata. Ang kanyang mga magulang, na nagpunta sa Lima, ang nagbalita nito sa kanya.
Sa buong pinansyal na suporta mula sa Simbahan, sumailalim si Elder Navarro sa tatlong operasyon para tanggalin ang kanyang mata at ayusin ang nasirang socket nito.
Habang nagpapagaling sa ospital, si Elder Navarro ay binisita ni Luis Palomino, isang kaibigan mula sa kanyang bayan na nag-aaral noon sa Lima. Bagama’t nahirapan siyang kausapin si Luis dahil sa kanyang mga pinsala, sinimulang ibinahagi ni Elder Navarro ang mga missionary lesson.
Nagulat at humanga si Luis sa desisyon ni Elder Navarro na tapusin ang kanyang misyon. “Gusto kong malaman kung ano ang nag-eengganyo sa iyo,” sabi ni Luis sa kanya. “Bakit napakatindi ng pananampalataya mo?”
Anim na linggo pagkaraan ng pagsabog, lumabas ng klinika si Elder Navarro at nagsimulang maglingkod sa mission office sa Lima. Naroon pa rin ang banta ng terorismo, at natatakot siya tuwing nakakakita siya ng kotse na kamukha ng kotseng sumabog. Sa gabi ay nahirapan siyang makatulog.
Isang araw, dumating si Luis sa mission office para bisitahin si Elder Navarro. “Gusto kong magpabinyag!,” sabi niya rito. “Ano ang dapat kong gawin?”
Nang sumunod na ilang linggo, itinuro ni Elder Navarro at ng kanyang kompanyon kay Luis ang iba pang mga lesson sa kalapit na chapel. Natuwa si Elder Navarro na turuan ang isang kaibigan, at masigasig na ginawa ni Luis ang lahat ng mithiing itinakda niya sa mga missionary.
Noong Oktubre 4, 1990, bininyagan ni Elder Navarro si Luis. Bagama’t hirap pa rin si Elder Navarro sa kanyang pinsala, ang pagsubok na ito ang naging daan para mabinyagan niya ang isang kaibigang mula sa kanyang bayan—isang bagay na hindi niya kailanman inasahan. Nang makaahon si Luis mula sa tubig, nagyakap sila, at lubhang nadama ni Elder Navarro ang Espiritu. Alam niya na nadama rin iyon ni Luis.
Bilang alaala sa okasyong iyon, binigyan ni Elder Navarro si Luis ng Biblia. “Kapag nagdilim ang panahon,” pagsulat ni Elder Navarro sa pabalat sa loob, “alalahanin mo lamang ang araw na ito, ang araw na isinilang kang muli.”
Sina Elder Chuquimango (kaliwa) at Elder Navarro (gitna) kasama ang isang kapwa missionary matapos operahan ang mata ni Elder Navarro