“Ano ang Papel na Ginagampanan Ko sa Pag-ani?,” Liahona, Peb. 2025.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Doktrina at mga Tipan 4; 6; 11; 12; 14
Ano ang Papel na Ginagampanan Ko sa Pag-ani?
“Masdan, ang bukid ay puti na upang anihin” (Doktrina at mga Tipan 6:3; 11:3; 12:3; 14:3).
Hawakan ang Iyong Panggapas, ni Greg Newbold
Sa ilang iba’t ibang paghahayag noong 1829, paulit-ulit na iniutos ng Panginoon na makilahok sa isang pag-ani (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4; 6; 11; 12; 14). Dahil inuulit ang ilan sa mga talata sa bawat paghahayag, maaari nating ipalagay na may mahalagang mensahe ang Panginoon na nais Niyang matutuhan natin.
Ang mas masusing pagsusuri sa mga simbolo sa mga talatang ito ay makakatulong sa atin na mas maunawaan ang kahalagahan ng mga ito.
Ang Bukid ay Puti na
Kapag mukhang puti na ang mga butil sa isang bukid, tanda ito na tapos nang lumaki ang butil at handa nang anihin. Ang pag-ani ay maaaring kumatawan sa pagdadala sa mga anak ng Diyos sa Kanyang kaharian.
Isang Panggapas
Ang panggapas ay isang kasangkapang ginagamit sa pag-ani ng mga pananim. Ang panggapas ay may matalas at kurbadong talim na nagtutulot sa taong gumagamit nito na maputol nang madali ang malalaking bungkos ng pananim. Ito ay isang simpleng kasangkapang maaaring gamitin ng sinuman. Maaari itong kumatawan sa kasangkapang magagamit natin, tulad ng templo, mga banal na kasulatan, ating mga talento, patotoo, at iba pa.
Hawakan ang Iyong Panggapas nang Buo Mong Lakas
Ang ibig sabihin ng salitang hawakan ay itulak o isulong. Inilalarawan nito ang isang determinadong pagsisikap sa halip na isang kaswal at mabagal na pagkilos. Ang pagtulong sa mga tao na lumapit kay Cristo ay nangangailangan ng pananampalataya, pagsisikap, pagtitiyaga, at dedikasyon.
Mag-ani
Kapag nag-aani ang mga magsasaka, pumupunta sila sa kanilang bukid at tinitipon ang lahat ng hinog na butil, gulay, herbs, o prutas. Patungkol sa ebanghelyo, tumutulong tayong mag-ani tuwing nakikibahagi tayo sa mga aktibidad na tumutulong sa pagdadala sa mga anak ng Diyos sa Kanyang kaharian. Maaaring kabilang dito ang pagbabahagi ng ebanghelyo, pagsasagawa ng gawain sa templo para sa ating mga ninuno, at pagtulong sa mga maralita at nangangailangan.
Habang May Araw Pa
Ang pariralang ito ay naghihikayat ng agarang pangangailangan sa gawain ng pag-ani. Ang mga nais magtipon ng kanilang mga pananim ay kailangang magtrabaho habang handa nang anihin ang mga pananim o butil, o kung hindi ay mawawalan sila ng ani. Sabi ng Panginoon, “Ito na ang ikalabing-isang oras, at ang huling pagkakataong ako ay tatawag ng mga manggagawa sa aking ubasan” (Doktrina at mga Tipan 33:3).
Ipunin o Itabi
Tapos na ang pag-ani kapag natipon na ang lahat ng maiinam na pananim. Pinoprotektahan at iniingatan ang mga ito. Gayundin, kapag tinulungan natin ang mga indibiduwal na gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, sila ay poprotektahan at iingatan para sa kawalang-hanggan. Ipinangako ng Panginoon, “Anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (Doktrina at mga Tipan 18:15).
Habang ang matalinghagang paglalarawan sa pagtitipon ay inulit sa mga bahaging ito, ang hindi inulit ay ang mga tagubilin kung saan mismo o kung paano mag-aani. Ang panahon ng tag-ani ay ngayon, pero ang pagbabalik-loob ay magkakaiba sa bawat indibiduwal. Kung iniisip mo kung ano ang magagawa mo para makatulong na tipunin ang ani, isipin ang turo ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”