2025
“Akin Silang Pagagalingin”
Pebrero 2025


“Akin Silang Pagagalingin,” Liahona, Peb. 2025.

Akin Silang Pagagalingin

Ang nagpapagaling na ministeryo ng Tagapagligtas ay isang banal na panimula at pangako ng nagtatagal na pisikal at emosyonal na paggaling na darating sa bawat isa sa atin sa Pagkabuhay na Mag-uli.

larawan mula sa video ng Biblia kung saan inaalo ni Jesus ang isang babae

Tandang-tanda ko pa ang ilan sa mahahabang oras ng pagpapalipad ko ng eroplano noong nagtatrabaho pa ako bilang airline captain.

Sa isa sa mga ito, lumilipad ako mula sa Germany nang alas-11:00 n.u. at lumalapag sa California nang ala-1:00 n.h. sa araw ding iyon. Kung ikukumpara ang mga lokal na oras ng paglipad at paglapag, maaaring magmukhang dalawang oras lang ang biyahe sa eroplano patawid ng Atlantic Ocean at ng kontinente ng North America. Ang Boeing 747 ay mabilis, pero hindi ganoon kabilis! Sa katunayan, inabot kami ng mga 11 oras, depende sa hangin, para malakbay ang 5,600 milya (9,000 km).

Dahil lumilipad kami pakanluran, hindi lumulubog ang araw sa buong biyahe namin kahit kailan. Nasiyahan kami sa liwanag ng araw mula Germany hanggang California.

paglubog ng araw sa ibabaw ng mga ulap

Gayunman, ibang usapan talaga ang pagbalik sa Germany. Kahit lumipad kami nang maaga sa hapon, nang lumipad kami pasilangan, mas mabilis ang paglubog ng araw kaysa karaniwan, at bago pa namin namalayan, ginabi na kami.

Sa mahahabang paglipad na ito, madalas mapuspos ng pagkamangha ang aking kaluluwa kapag pinagninilayan ko ang kagandahan ng mundong ito at ang kaayusan ng likha ng Diyos. Kahit habang lumilipad sa gabi, sa ganap na kadiliman, alam ko nang may katiyakan na ang araw ay muling sisikat, babalik ang maningning na liwanag na iyon at maghahatid ng init at buhay sa isang bagong araw bago matapos ang aming paglalakbay. Ang sitwasyon ng aking paglipad ay maaaring pagmukhain na mas mabagal o mas mabilis ang paglubog ng araw, pero alam ko na ang araw ay ganoon pa rin, matatag, at maaasahan sa kalangitan.

buwan sa ibabaw ng mga ulap

Gayon din ang nadarama ko tungkol sa Diyos. Dahil lubos ang katiyakan ko sa karunungan at layunin ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga nilikha, nakadarama ako ng nakagagalak na pag-asa at nagtatagal na kapayapaan kapag iniisip ko ang ating mortal na buhay. Tayo ay mga anak ng Diyos. Mahal Niya tayo. Alam Niya ang ating mga kalagayan. Handa Siyang tumulong. Ang mga katotohanang ito ay hindi nagbabago, kahit tila paiba-iba at hindi maaasahan ang iba pang mga bagay sa ating paligid.

Lahat tayo ay nakararanas ng mga sandali ng kadiliman, kalungkutan, at kawalang-katiyakan na nagbabanta sa ating kapayapaan. Lubos akong nagpapasalamat para sa maaasahan at tunay na pinagmumulan ng katotohanan at liwanag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6–11). Si Jesucristo ang ilaw at buhay ng sanlibutan. Dahil sa Kanya at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may pag-asa tayo para sa hinaharap, may access sa banal na impluwensya na tutulong sa atin sa mahihirap na panahon ng ating buhay, at pangako ng tunay na tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.

“Mahal Niya ang Sanlibutan”

Si Jesucristo ang tanging perpektong tao na nabuhay sa mundo. Dahil sa Kanyang perpektong buhay, wala Siyang utang sa katarungan. Dahil mahal Niya tayo, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin at para sa lahat ng mga anak ng Diyos upang gawing posible ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Sa kabila ng nais ni Satanas na paniwalaan natin, wala ni isa sa atin ang hindi sakop ng kakayahan ng Tagapagligtas na sagipin tayo. Wala ni isa sa atin ang hindi karapat-dapat sa biyaya ng kapatawaran. Wala ni isa sa atin ang hindi karapat-dapat sa “[yakap] magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15).

Ang pinakadakila sa lahat ng kaloob na ito ay nagmumula sa nakapagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa Golgota, alam Niya kung paano tayo ililigtas at tutulungan sa alinman sa at sa lahat ng ating mga kahinaan (tingnan sa Alma 7:12).

“Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya” (2 Nephi 26:24).

Si Jesucristo ang ating lakas!

Siya ay tumutulong.

Siya ay nagpapanumbalik.

Siya ay sumasagip.

“Noong [ibigay ng Tagapagligtas ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo] para sa buong sangkatauhan, binuksan Niya ang daan upang ang Kanyang mga tagasunod ay makatanggap ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at mapagtubos na kapangyarihan,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson.

Ang kapangyarihang iyon, tulad ng araw, ay laging nariyan. Hindi ito nanghihina. Ang pagpiling sundan ang mga yapak ng Tagapagligtas ay tulad ng paglabas sa mga anino at pagpunta sa sikat ng araw, kung saan matatanggap natin ang mga pagpapala ng liwanag, init, at pagmamahal ng Diyos. Alam ko na balang-araw, gugunitain natin ito at mapupuspos tayo ng pasasalamat na ginawa natin ang walang-hanggang mahalagang desisyon na magtiwala kay Jesucristo at sa Kanyang banal na pagmamahal upang pasiglahin at palakasin tayo.

“Magbalik sa Akin”

Ikinuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa mga taong gumugol ng tatlong araw sa pinakamatinding kadiliman matapos Ipako sa Krus ang Tagapagligtas. Ang pisikal na kadiliman sa paligid nila ay maaaring sumimbolo sa espirituwal na kadiliman na nararanasan nating lahat dahil sa kasalanan. Pagkatapos ay narinig ng mga tao ang tinig ni Cristo na nag-aanyaya sa kanila mula sa kadiliman at papunta sa Kanyang liwanag:

“Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” (3 Nephi 9:13).

“Mag-aalay kayo bilang pinakahain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20).

“Kayo ay magsisisi at magbabalik sa akin nang buong layunin ng puso” (3 Nephi 10:6).

Ipinaaabot ng Tagapagligtas ang mga paanyaya ring iyon sa atin ngayon kapag natatagpuan natin ang ating sarili na naliligaw sa kadiliman. Tulad ng ang pagsikat ng araw ay tanda ng pagsisimula ng isang bagong araw, tuwing nagsisisi tayo, nagkakaroon tayo ng bagong simula, isang maningning na bagong simula.

Hindi iyan nangangahulugan na madali ito. Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago, at hindi mabilis na nangyayari ang pagbabago. Bagama’t nakagagalak, ang pagsisisi ay kinabibilangan din ng “kalungkutang naaayon sa Diyos” (2 Corinto 7:10). Kailangang aminin at ipagtapat natin ang ating mga pagkakamali, na humihingi ng kapatawaran mula sa Diyos at sa mga taong maaaring nasaktan natin. Higit sa lahat, kailangan dito na hangarin natin “[ang] Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan,” nang sa gayon ay makaranas tayo ng “malaking pagbabago … sa [ating] mga puso, [upang tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).

Ang gayong uri ng pagbabago ay mahabang paglalakbay, pero sa sandaling gawin ninyo ang unang hakbang, “ang araw ng inyong kaligtasan” ay nagsisimula na, at “kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo” (Alma 34:31).

Sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagsisisi, nangangako ang Diyos na patatawarin at hindi na maaalala pa ang ating mga kasalanan. Kapag nahihirapan tayong kalimutan ang ating mga kasalanan, sikapin nating magtiwala sa pangako ng Panginoon na magpatawad at matutong patawarin ang iba at ang ating sarili.

“Ang ating mga espiritu ay napipinsala kapag tayo ay nagkakamali at nagkakasala,” pagtuturo ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015). “Ngunit hindi tulad ng nangyayari sa ating mortal na katawan, kapag ganap na nagsisi, walang pilat na maiiwan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

ipinintang larawan ni Jesus na nagpapagaling ng lalaking bulag

Healing the Blind Man [Pagpapagaling sa Lalaking Bulag], ni Carl Heinrich Bloch

“Dalhin Sila Rito”

Ang Tagapagligtas ang Dalubhasang Manggagamot. Ang isa sa pinakamagagandang pagpapakita ng Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan ay matatagpuan sa Aklat ni Mormon, sa salaysay tungkol sa Kanyang personal na ministeryo sa sinaunang Amerika:

“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo?” tanong Niya. “Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. …

“At ito ay nangyari na, nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at kasama ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (3 Nephi 17:7, 9).

Tuwing nagpapagaling ang Tagapagligtas ng sinumang “nahihirapan sa anumang dahilan,” bago at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ito ay isang patotoo sa Kanyang pinakadakilang kapangyarihan na pagalingin ang ating mga kaluluwa. Bawat mahimalang pagpapagaling ay simula lamang at pangako ng nagtatagal na pisikal at emosyonal na pagpapagaling na darating sa bawat isa sa atin sa Pagkabuhay na Mag-uli, na siyang “pinakadakilang pagpapagaling ng Panginoon.”

Totoo na ang ating mga panalangin para sa paggaling sa buhay na ito ay hindi laging sinasagot sa paraang inaasam natin, pero hindi binabalewala ang mga ito kailanman. Darating ang panahon para sa paggaling, tulad ng ang kadiliman ng gabi ay laging nagbibigay-daan—sa tamang panahon—sa maluwalhating pagsikat ng araw.

Tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Nelson: “Laging pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Alam ko na ang pag-unawa ng isang napakarunong na Ama sa Langit ay mas malawak kaysa sa atin. Alam man natin ang ating mga problema at [pa]sakit sa buhay, alam naman Niya ang imortal nating pag-unlad at potensyal. Kung ipagdarasal nating malaman ang Kanyang kalooban at magpapasakop dito [na] taglay ang tiyaga at tapang, magaganap ang pagpapagaling ng langit sa sarili Niyang paraan at panahon.”

Kamakailan, isinama namin ng asawa kong si Harriet sa aming mga panalangin ang isang espesyal na pag-asa at pagsamo para sa ilan sa mga mahal namin sa buhay. Nanalangin kami na bigyan ng espesyal na kakayahan ang kanilang healthcare team na lunasan ang kanilang mga sakit. Naisip naming idagdag na kahit maaaring hindi dumating ang agarang lunas o paggaling, nawa’y magdulot sa kanila ng kapanatagan at kapayapaan ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ang nagpapagaling na epekto ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maaaring magkaroon ng mas malaking epekto sa ating emosyonal, espirituwal, at maging sa pisikal na kalusugan kaysa sa anumang lunas sa mundo na maaari nating matanggap. Si Jesucristo ang Manggagamot sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, pinatototohanan ko na sapat ang awa ng ating Tagapagligtas upang pagalingin ang inyong mga sugat, linisin kayo mula sa kasalanan, palakasin kayo sa mga pagsubok na darating, at pagpalain kayo ng pag-asa, karunungan, at ng Kanyang kapayapaan. Ang Kanyang kapangyarihan ay laging nariyan—mananatili at maaasahan—kahit na nadarama natin, sandali, na malayo tayo sa Kanyang pagmamahal, liwanag, at init.

Dalangin ko na hindi mawala ang ating pagkamangha at malaking pasasalamat para sa lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin. Dapat ninyong malaman na lubos kayong minamahal, at alalahanin ang ipinangako sa inyo sa walang hanggan.

“Nawa ay ipagkaloob sa inyo ng Diyos na ang inyong mga pasanin ay gumaan, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak,” na si Jesucristo (Alma 33:23).