“Bakit Ko Pinipili ang Ipinanumbalik na Simbahan,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Bakit Ko Pinipili ang Ipinanumbalik na Simbahan
Utang ko ang lahat ng mayroon ako noon at ngayon—ang aking pamilya, aking mga pinahahalagahan, aking propesyon, aking layunin sa buhay—sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga larawang kuha ni Christina Smith
Nang matuto akong magbasa noong bata pa ako, sinimulan kong basahin ang Biblia. Noong 10 taong gulang ako, ginusto ko, tulad ni Joseph Smith, na mahanap ang tamang simbahang sasalihan. Sinimulan kong siyasatin ang mga simbahan sa paligid ng aming tahanan. Pagkatapos isang araw ay inanyayahan kami ng isang kaibigan ng nanay ko sa isang family home evening.
“Ito na iyon,” naisip ko. “Ito ang simbahan!”
Makalipas ang dalawang linggo, nabinyagan kami bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Nakatira kami sa isang mahirap na lugar sa Guatemala, kung saan nagsisimula nang magkaroon ng mga gang. Marami sa nakatatandang mga kaibigan ko ang sumali sa ilan sa mga gang na ito. Kung hindi ko nalaman ang ebanghelyo, malamang na sumali na ako sa isang gang at napatay bago ako nag-18 anyos, tulad ng ilan sa mga binatilyong ito. Ang pagsapi sa Simbahan ay isang mahalagang panahon ng pagbabago sa aking mga oportunidad sa hinaharap.
Kaalaman at Patotoo
Matapos sumapi sa Simbahan, nagkaroon ako ng matinding hangaring magtamo ng kaalaman. Nang mag-14 anyos ako, nabasa ko na ang lahat ng banal na kasulatan at mga aklat ng Simbahan na nakita ko, tulad ng Jesus the Christ at Articles of Faith, ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Noong 1984, kasama akong kumanta sa isang koro sa paglalaan ng Guatemala City Guatemala Temple. Nagtaka ako kung bakit may mga taong nagpoprotesta sa paglalaan at namamahagi ng literatura na laban sa Simbahan sa harap ng templo. Noong panahong iyon, nakita ko rin ang ilang tao na tumalikod sa Simbahan dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Natapos kong basahin ang Aklat ni Mormon dalawang buwan matapos akong binyagan. Hindi ko kailanman pinagdudahan ang aking patotoo sa aklat. Dahil alam ko na totoo ito, alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta, na siya ay tinawag ng Diyos, at na ito ang Simbahan ng Tagapagligtas.
Dahil alam ni Carlos na ang Aklat ni Mormon ay totoo, alam din niya “na si Joseph Smith ay isang propeta, na siya ay tinawag ng Diyos, at na ito ang Simbahan ng Tagapagligtas.”
Ang isang patotoo ay nagmumula sa Diyos. Kung sinasabi Niya sa iyo na ito ang totoong Simbahan at alam mo na ang Diyos ang nagsabi sa iyo nito, kung gayon totoo ito—alam mo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25). Lahat ay mauunawaan at makakayanan mula at dahil sa pananaw ng ebanghelyo.
Kamakailan, binisita ko ang isang kapamilya na nagdududa sa kanyang pananampalataya dahil sa ilang bagay na nakita niya sa internet.
“Kung may matatagpuan kang mas mainam kaysa sa ebanghelyo ni Jesucristo o mas nagpapasaya sa iyo kaysa sa ebanghelyo, iyon ang hangarin mo,” sabi ko sa kanya. “Pero alam ko mula sa karanasan na walang ibang mas mainam o mas nagpapasaya sa atin kaysa sa ebanghelyo ni Jesucristo.”
Sinabi ko sa kanya na sinasabi ng ilang tao na walang Diyos at na ang ebanghelyo ay hindi totoo, pero hindi nila masigasig na hinahanap ang katotohanan. At may ibang katulad ng ama ni Haring Lamoni, na sabik na makilala ang Diyos kaya nanalangin siya na, “Maaari bang ipakilala ninyo ang inyong sarili sa akin, at tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo” (tingnan sa Alma 22:17–18).
Ang pagmamahal at hindi paghatol ay mahalaga kapag tumutulong sa isang taong nahihirapan sa mahihirap na tanong tungkol sa pananampalataya. Sinabi ng kapamilya ko na hindi na siya magsisimba, pero hindi naman siya tumigil sa pagsisimba. Sa palagay ko ay patuloy siyang nagsisimba dahil malapit kami sa isa’t isa, at nararamdaman niya na nauunawaan ko ang kanyang mga pagdududa.
Musika at Magigiliw na Awa
Nang lumago ang aking patotoo noong bata pa ako, gayon din ang pagmamahal ko sa musika. Nagsimula ang pagmamahal na iyon nang pumasok ako sa isang chapel ng mga Banal sa mga Huling Araw at nakakita ako ng piyano sa unang pagkakataon. Pakiramdam ko ay may plano ang Panginoon para sa akin dahil nagkainteres ako sa piyano. Binuksan ko ang upuan ng piyano, nakakita ako ng isang aklat kung paano tumugtog ng piyano, at sinimulan kong turuan ang aking sarili.
Hindi nagtagal, tumutugtog na ako ng piyano sa aming ward tuwing Linggo at kumakanta sa ward youth choir. Nang mag-16 anyos ako, nagsimula akong dumalo sa National Conservatory of Music sa Guatemala. Hinikayat ako ng choir conductor ng conservatory na si Beto Echeverria na maging propesyonal. Mula noon, nakatugtog na ako ng piyano at nakakumpas sa maraming koro sa mga kaganapan sa Simbahan. Kalaunan, ako ang naging music coordinator ng Simbahan para sa Central America Area. Ngayon, nagtatrabaho ako bilang piano technician at music teacher.
Natuklasan ni Carlos, na kumakanta kasama ang kanyang anak na babaeng si Rocio, ang kanyang pagmamahal sa musika nang pumasok siya sa isang chapel ng mga Banal sa mga Huling Araw, nakakita ng piyano sa unang pagkakataon, at tinuruan ang kanyang sarili na tumugtog.
Nang bumisita si Pangulong Russell M. Nelson sa Guatemala noong 2019 bilang bahagi ng siyam-na-araw na pagmiministeryo sa Latin America, nagsalita siya sa isang debosyonal sa gabi, kung saan hinilingan niya akong kumumpas sa isang koro na may 200 mga miyembro. Minsan pagkatapos naming magsimulang magpraktis, nanaginip ako.
Napanaginipan ko na mababati ko ang propeta. Pagkatapos ng debosyonal, nang kumakaway ng pamamaalam si Pangulong Nelson gamit ang kanyang panyo sa 22,000 mga tao roon, bumaling siya sa akin at sinabi sa perpektong Spanish, “Maraming salamat. Magaling!” Pagkatapos, nang magsalita si Sister Wendy Nelson sa kongregasyon, sinabi niya, “Hindi ko alam na may Tabernacle Choir kayo sa Guatemala!”
Ang isa pang magiliw na awa na natanggap ko sa paglilingkod sa pamamagitan ng musika ay dumating nitong 2024 nang anyayahan akong sumamang kumanta sa Tabernacle Choir on Temple Square sa pangkalahatang kumperensya ng Abril. At may isa pang pagpapalang dumating nang, sa pamamagitan ng BYU–Pathway Worldwide, natapos ko ang aking bachelor’s degree—isang bagay na hinangad ko mula pa noong young adult ako.
Walang pag-aalinlangang masasabi ko na utang ko ang lahat ng mayroon ako noon at ngayon—ang aking pamilya, aking mga pinahahalagahan, aking propesyon, aking layunin sa buhay—sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nagbigay ito sa akin ng proteksyon, patnubay, at di-mabilang na mga pagpapala.
“Lahat ay mauunawaan at makakayanan” sa pamamagitan ng patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, sabi ni Carlos, na nasa larawan kasama ang kanyang asawang si Claudia at kanilang mga anak na sina Jose at Rocio.