2025
Pagbabalik-Tanaw sa mga Pagpapala—Paano Naging Himala sa Aking Pamilya ang Apendisitis
Pebrero 2025


Digital Lamang

Pagbabalik-Tanaw sa mga Pagpapala—Paano Naging Himala sa Aking Pamilya ang Apendisitis

Kapag pinagnilayan natin ang mga nakaraang karanasan, maaari nating matanto na tila ang isang pagsubok ay isa talagang magiliw na awa.

isang taong nakahiga sa kama sa ospital

Ilang taon na ang nakalilipas, pumutok ang apendiks ng tatay ko, na isang magiliw na awa.

Karamihan sa mga tao ay hindi sasabihin na ang magkaroon ng apendisitis at operasyon ay isang himala, pero gayon ang nangyari sa tatay ko.

Nang tanggalin ng doktor ang apendiks ng tatay ko, may nakita siyang kanser doon.

Mabuti na lang at matapos ang ilang pagsusuri, natuklasan ng mga doktor na hindi kumalat ang kanser. Dahil tanggal na ang apendiks niya, wala na siyang kanser.

Nang mapag-isip-isip namin ang sitwasyong ito, nagpasalamat ang pamilya ko na pumutok na ang apendiks ng tatay ko.

Tago ang kanser sa apendiks niya, at kung hindi siya naoperahan kaagad, malamang na hindi iyon napansin hanggang sa maging huli na ang lahat.

Maaaring isipin ng ilang tao na sinuwerte lang ang tatay ko, pero alam namin ng pamilya ko na ito ay isang himala mula sa Diyos.

Sabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tila nagkataon lang, sa katunayan, ay may patnubay ng mapagmahal na Ama sa Langit, na kayang bilangin ang mga buhok sa bawat ulo.”

Maaaring hindi natin mapansin ang impluwensya ng Diyos sa ating buhay hangga’t hindi natin pinagninilayan ang mga nakaraang karanasan. Sa sandaling iyon, hindi inisip ng pamilya ko na isang pagpapala ang apendisitis. Hindi namin natanto ang kahalagahan ng biglaang operasyon ng tatay ko hanggang sa matuklasan ng doktor ang kanser.

Ang hindi pag-unawa sa simula sa mga layunin ng Diyos ay isang karaniwang pattern. Sinunod ni Nephi ang utos ng Diyos na sumulat ng dalawang magkatulad na talaan nang hindi niya alam kung bakit (tingnan sa 1 Nephi 9:2–6). Kalaunan ay isinama ni Mormon ang dalawang set ng mga talaan ni Nephi nang hindi alam kung bakit (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:6–7).

Mahigit isang libong taon matapos isulat at tipunin nina Nephi at Mormon ang kanilang mga talaan sa mga laminang metal, nawala ang 116 na mga pahina ng pagsasalin ni Joseph Smith ng mga talaang iyon. Mabuti na lang at naisama pa rin ni Joseph Smith ang isang talaan ng mga tao ni Nephi sa Aklat ni Mormon dahil nasunod ng dalawang sinaunang propeta ang mga utos ng Diyos nang hindi nila alam kung bakit.

Si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpasimula ng isang journal para tulungan siyang mapansin ang impluwensya ng Panginoon sa kanyang buhay. Sa pagtatapos ng bawat araw, tinatanong niya ang kanyang sarili: “Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?” Nang gawin niya ito, ipinaalala sa kanya ng Espiritu Santo ang mga pagkakataong pinagpala siya ng Diyos sa buong maghapon.

Anong magigiliw na awa ang hindi ninyo napansin sa inyong buhay? Paano makakatulong sa inyo ang pagninilay sa nakaraan para “laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos” (Mosias 4:11)? Nang mag-ukol ako ng oras na balikan ang nakaraan at saliksikin ang impluwensya ng Diyos sa aking buhay, nagkaroon ako ng patotoo na mas maraming nakikita ang Ama sa Langit kaysa sa atin at may perpektong plano para sa bawat isa sa atin (tingnan sa 2 Nephi 2:24).

Mga Tala

  1. Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano,” Liahona, Nob. 2017, 56.

  2. “History, circa 1841, fair copy,” 13–14, josephsmithpapers.org.

  3. Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 67.