Digital Lamang
Pagkakaroon ng Lakas-ng-Loob na Gumawa ng Mabuti
Ang pagtatanim ng kabutihan at kabaitan ay laging magreresulta sa mas maganda at mas masayang komunidad.
Bakit takot akong gumawa ng mabuti? Kahit sa aming ward?
Para sa akin, dahil ito sa kawalan ng kapanatagan. Paano kung naaabala ko ang mga tao sa pagsisikap kong maglingkod sa kanila? Paano kung lahat ng iba pa ay may sapat na mga kaibigan at hindi gaanong interesado na maging aking kaibigan?
At dahil alam ko na nagkukulang ako, kung minsa’y sinusubukan kong gamitin ang takot para hikayatin ang sarili ko na maging mas mabuti pa. “Hindi ka naman mabuting disipulo,” sabi ko sa sarili ko. “Makasarili ka.”
Hindi nakakagulat na ang diskarteng ito ay di-gaanong nakakatulong sa pagganyak sa akin na gumawa ng mabuti.
Isaalang-alang ang Diyos sa Bawat Pag-iisip
Kaya paano tayo magkakaroon ng lakas-ng-loob na gumawa ng mabuti?
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 6:33 na, “Huwag matakot na gumawa ng mabuti, aking mga anak, sapagkat kung anuman ang inyong itinanim, iyon din ang inyong aanihin; samakatwid, kung kayo ay nagtanim ng kabutihan kayo rin ay aani ng kabutihan bilang inyong gantimpala.”
Gustung-gusto ko ang talatang ito. Tinutulungan ako nito na madaig ang kawalan ko ng kapanatagan at matanto na samantalang hindi lahat ng pagsisikap na tumulong at makipag-ugnayan sa ibang tao ay magreresulta sa isang bagong matalik na kaibigan, ang pagtatanim ng kabutihan at kabaitan ay laging magreresulta sa mas maganda at mas masayang komunidad. Tinutulungan ako nitong isantabi ang aking mga takot at sa halip ay “isaalang-alang [ang Panginoon] sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36).
Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot
Kapag natatakot tayo at nangangailangan ng pagganyak na gumawa ng mabuti, masusunod natin ang payong ito ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung makadarama tayo ng takot o pangamba, … idinadalangin ko [nang] buong lakas ng aking kaluluwa na mawala sa atin ang takot na ito sa tulong ng ibinigay ng langit na panlaban sa takot: ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, sapagkat ‘ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot’ [1 Juan 4:18].”
Kung kailangan mo ng lakas na madaig ang iyong takot at tumulong sa mga tao sa paligid mo, sabihin ito sa Ama sa Langit. Hilingin sa Kanya na ipahiram sa iyo ang Kanyang sakdal na pag-ibig. Dahil ang pagmamahal na iyan ay tutulong sa inyo na lumakad nang may “matapang na tiwala sa sarili bilang mga [alagad] ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas.”