“Ang Pagpapala ng Kapahingahan sa mga Tipan,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Ang Pagpapala ng Kapahingahan sa mga Tipan
Makasusumpong tayo ng kaligayahan at kapahingahan sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan kay Jesucristo at pagpapatibay ng ating pakikipagtipan sa Diyos, sa bawat araw.
Walking with Him [Lumalakad na Kasama Niya], ni Eva Timothy, hindi maaaring kopyahin
Sa isang klase ng Relief Society na dinaluhan ko kamakailan, ibinahagi ng isang butihing sister na ang mga katagang “sabik sa paggawa” (Doktrina at mga Tipan 58:27) ay mas nagpapabalisa sa kanyang balisa nang kaluluwa. Isa siyang kahanga-hangang sister na marami nang ginagawang kabutihan at nagmamalasakit sa napakaraming tao.
Ang kanyang nadarama ay nadarama rin ng maraming butihing sister na nag-iisip kung sapat na ang ginagawa nila at kung katanggap-tanggap ang kanilang handog.
Sa palagay ko, ang “sabik sa paggawa” ay hindi nangangahulugan na nagdaragdag tayo ng napakaraming mabubuting gawain sa ating listahan ng mga dapat gawin na higit pa sa makakaya natin. Ni hindi ko ipinapalagay na nangangahulugan ito na hindi tayo magkandaugaga sa pagsisikap na lutasin ang mga problema ng mundo o maging ang lahat ng problema sa ating paligid.
Sa pandaigdigang debosyonal ng Relief Society noong Marso 2024, binasbasan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson “ng karunungan na mahiwatigan kung ano ang kailangan at huwag tumakbo nang mas mabilis kaysa kaya [natin].”
Bilang mga babaeng nakipagtipan, pinagpapala tayo ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa pagtupad ng ating mga tipan. Matutulungan tayo ng Kanyang kapangyarihan na makatanggap ng mas malawak na kakayahan at karunungan na malaman “kung ano ang kailangan” at hindi “tumakbo nang mas mabilis kaysa kaya [natin].”
Inaanyayahan tayo ng Panginoon na gawin ang Kanyang gawain sa Kanyang paraan, na naiiba sa paraan ng mundo— naiiba sa natatarantang bilis na kadalasang pinupuri ng isang mundong punung-puno ng sigla, masyadong produktibo, at nakakapagod.
Inilarawan ng Panginoon kung paano gagawin ang pagtitipon ng Israel: “Kayo’y hindi lalabas na nagmamadali [o padalus-dalos], o lalabas man kayo dahil sa pagtakas, sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo; at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod” (Isaias 52:12).
Ang hindi paglabas na nagmamadali ay nagtuturo sa atin na ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay nilayon upang maghatid ng kapayapaan, ng kahinahunan sa ating puso, maging ng kapahingahan sa mga tipan na nagmumula sa pagsunod sa mas nakatataas na mga batas ni Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos. …
“… Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinaka-nakayayamot na problema.”
Alam ko na dumarating ang espesyal na uri ng kapahingahang ito kapag hindi natin ginagawang mag-isa ang gawaing ito. Dumarating ito kapag sadya tayong nakikipagtulungan kay Jesucristo at tumatanggap ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tipan.
Dumarating ang kapahingahan kapag hinahayaan natin Siyang dalhin ang ating mga pasanin at kapag pinipili nating magsisi nang taos-puso. Dumarating ang kapahingahan kapag ipinagkakatiwala natin sa Kanya ang ating mga pangangailangan at alalahanin at kapag pinipili natin ang mas nakatataas at mas banal na pananaw. Dumarating ang kapahingahan kapag pinipili nating hindi husgahan ang isa’t isa at higit na mahalin ang isa’t isa.
Dumarating ang kapahingahan kapag alam natin na kilala at mahal tayo ng Diyos. Dumarating ang kapahingahan kapag nagagalak tayo sa paghahatid ng kaginhawahan ng Tagapagligtas sa iba at hinahayaan ang iba na maghatid ng Kanyang kaginhawahan sa atin. Dumarating ang kapahingahan kapag naaalala at pinagninilayan natin ang magagandang pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos nang buong pagkahabag bawat araw.
Dumarating ang kapahingahan kapag sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon. Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na gawing “[ating] kanlungan at lugar ang templo para tumanggap ng espirituwal na patnubay,”—isang lugar kung saan makasusumpong tayo ng kapahingahan. Nililisan natin ang bahay ng Panginoon na nasasandatahan ng Kanyang kapangyarihan at pananaw at ng “mga anghel [sa] paligid [natin], upang [palakasin] tayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
Ang hinahangad nating kapahingahan sa ating mga tipan ay nagmumula kay Jesucristo. Inaanyayahan Niya kayo at ako:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29; idinagdag ang diin).