“Ang Kuwento ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Peb. 2025.
Ang Kuwento ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Ang nangyari sa mga unang taon ng Pagpapanumbalik ay isang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain”!
Bilang returned missionary mula sa New York and Pennsylvania Historic Sites, gustung-gusto ko ang mga pangyayari sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Habang lumalaki ang Simbahan at lumalaganap ang ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng mundo, nais kong magkaroon din ng pagkakataon ang iba na madama ang diwa ng mga lugar na ito. Samahan ninyo akong lumibot sa mga sagradong pook na ito habang isinasalaysay ko ang ilang pangyayari tungkol sa Pagpapanumbalik.
Unang Pangitain, ni Walter Rane
Ang Unang Pangitain
Nakikinita ko sa aking isipan ang mga bagong berdeng dahon na sumisibol sa mga puno nang pumasok si Joseph Smith sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan noong tagsibol na iyon ng 1820. Nakikinita ko siya sa aking isipan noong siya ay 14 na taong gulang, na ayaw “[manatili] sa kadiliman at kaguluhan,” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13) na nadama niya sa nakalipas na dalawang taon. Ang kakahuyang ito ay makikilala kalaunan bilang Sagradong Kakahuyan.
Isinulat niya kalaunan na noong binatilyo siya, “nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan. … Dahil dito, ako ay nagmakaawa sa Panginoon, sapagkat wala na akong ibang malalapitan at mahihingan ng awa.” Ito ang isa sa mga dahilan kaya siya nanalangin nang umagang iyon. Itinala niya ang sagot sa kanyang panalangin:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.
“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Itinuro ng Diyos Ama ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, na ipinapakita kay Joseph kung saan makasusumpong ng kaginhawahan. At sa Kanya pa rin Niya tayo itinuturo ngayon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.”
Nagpakita ang Anghel na si Moroni kay Joseph Smith, ni Tom Lovell
Ang Anghel na si Moroni
Nang lisanin ni Joseph ang sagradong karanasang iyon sa kakahuyan, nagpatuloy ang buhay, maraming katanungang dumating, at ang bigat ng kanyang “kahinaan at mga kamalian” ay nakabigat sa kanyang kaluluwa (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29). Noong Setyembre 21, 1823, nadama niyang muli na kailangan niyang manalangin.
Nakikinita ko sa aking isipan ang 17-taong-gulang na si Joseph na nakaluhod sa sahig sa tabi ng kanyang kama noong gabing iyon. Nang manalangin siya—batid na makatatanggap siya ng sagot—isang liwanag ang bumaba at napuno nito ang maliit na silid-tulugan nila ng kanyang mga kapatid.
Ang bisita ay ang anghel na si Moroni. Nakikinita ko sa aking isipan na nakahinga nang maluwag si Joseph nang tiyakin sa kanya ng anghel na pinatawad na ng Diyos ang kanyang mga kasalanan. Pagkatapos ay ipinaliwanag nito ang gawaing naiplano ng Panginoon para sa kanya. Isinulat ni Joseph: “Sinabi niya na may nakalagak na isang aklat, na nakasulat sa mga laminang ginto, na nagbibigay-ulat tungkol sa mga dating naninirahan sa lupalop na ito. … At kanya ring sinabi na ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo ay napapaloob dito, gaya ng ibinigay na ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:34).
Tungkulin ni Joseph na kunin ang mga laminang ginto mula sa Burol ng Cumorah at isalin ang talaan na magiging Aklat ni Mormon.
Ang Burol ng Cumorah
Nang lumipas ang mga taon at malaki na si Joseph, tinuruan ni Moroni ang batang propeta sa burol. Bawat taon, hindi siya pinayagan ng anghel na kunin ang mga lamina, batid na hindi pa handa si Joseph. Nakikinita ko sa aking isipan ang paglisan ni Joseph sa burol matapos ang bawat pakikipag-usap kay Moroni na sabik na maging handa para sa pagbisita nito sa susunod na taon.
Kinailangan ni Joseph na magtiyaga sa bawat taon dahil “ang panahon ng paglalabas … [ng talaan] ay hindi pa dumarating” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:53). Maaari sanang sumuko na lang si Joseph sa kabiguan pero sa halip ay pinili niyang “[tumanggap] ng tagubilin at kaalaman” mula sa anghel na si Moroni habang natututuhan kung paano pangangasiwaan ang “kaharian [ng Panginoon] sa mga huling araw” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:54).
Sa panahong ito, nagduda kay Joseph ang ilan sa mga kapitbahay niya. Pero sinuportahan si Joseph ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Sa kanyang mga salita, “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).
Pinakasalan ni Joseph si Emma Hale noong Enero 1827. Siya ay kasama [ni Joseph] sakay ng karwahe papunta sa Burol ng Cumorah nang pasado hatinggabi noong Setyembre 22, 1827, ang gabi na handa na [si Joseph] na tanggapin ang mga laminang ginto.
Ang isang aral na matututuhan natin sa apat na taon na paghihintay ni Joseph para matanggap ang mga laminang ginto ay na inihahanda tayo ng Diyos para sa gawaing ipinagagawa Niya sa atin. Ang paggamit ng oras na ibinibigay sa inyo ng Diyos upang maghanda, matuto, at palalimin ang inyong pananampalataya ay tutulong sa inyo na maging handa kapag tinawag Niya kayo.
Sa Pamamagitan ng Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos, ni Simon Dewey
Pagsasalin ng Aklat ni Mormon
Makalipas ang ilang buwan, lumipat sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, kung saan nakatira ang mga magulang ni Emma. Dito nagsimula ang pagsasalin ng mga laminang ginto noong 1828.
Maraming naging pagsubok sina Emma at Joseph—tulad ng pagpanaw ng una nilang anak—na nagpabagal sa pagsasalin. Si Martin Harris, isang magsasaka sa lugar na naglingkod bilang isa sa mga tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ay humiling na ipakita ang naisaling 116 na mga pahina sa kanyang pamilya. Matapos magtanong sa Panginoon nang maraming beses, pinahintulutan si Joseph na payagan si Martin na iuwi ang 116 na mga pahina sa Palmyra. Nawala o ninakaw ang mga ito, at dahil dito, pansamantalang inalis ng Panginoon ang kakayahan ni Joseph na magsalin. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3; 10.)
Nang malaman niya na nawala ang mga pahina, nag-alala si Joseph, na nagsasabing, “Nawala na ang lahat! … Paano ako haharap sa Panginoon?” Pero dahil sa mga karanasang ito, nalaman niya ang ugali ng Diyos. Nanalangin si Joseph sa Ama sa Langit nang may mapagpakumbabang puso at natanggap ang sagot na ito:
“Tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 3:10).
Ibinigay ng Diyos kay Joseph ang lahat ng kailangan niya para makasulong sa mahirap na panahong ito. Dahil sa mga kaibigang sumusuporta tulad nina Martin Harris, Joseph Knight, at Oliver Cowdery, at sa pamamagitan ng Urim at Tummim at mga bato ng tagakita, sumulong ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong 1829.
Sa Inyo na Aking Kapwa mga Tagapaglingkod, gawa nina Linda Curley Christensen at Michael Malm
Pagpapanumbalik ng Priesthood
Habang nagsasalin si Joseph at si Oliver ang kanyang eskriba, nalaman nila ang tungkol sa binyag at nais nilang malaman ang iba pa tungkol doon. Ipinasiya nila na humingi ng dagdag na kaalaman at pang-unawa sa Diyos. Nakikinita ko sa aking isipan sina Joseph at Oliver na mapitagang naglalakad sa kakahuyan ng bukirin ni Joseph na naghahanap ng lugar na mapagdarasalan.
Noong Mayo 15, 1829, binisita ni Juan Bautista sina Joseph at Oliver. Sabi niya, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1).
Ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood. Bininyagan nina Joseph at Oliver ang isa’t isa, ang unang mga binyag sa dispensasyong ito. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood.
Hindi perpekto si Joseph. Nagkakamali siya, pero nang hangarin niyang magsisi, nagtiwala sa kanya ang Panginoon at tinulungan siyang umunlad. Ibinigay ng Panginoon kina Joseph at Oliver ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan—ang priesthood. Ibinigay Niya sa kanila ang unang ordenansa upang makagawa ng tipan sa Kanya—ang binyag.
Tinagubilinan din tayo ng Panginoon na makibahagi sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, at matatanggap natin ang Kanyang tulong upang madaig ang ating mga kahinaan kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa Kanya.
Detalye mula sa Paglilimbag ng Unang Aklat ni Mormon, ni Gary E. Smith
Paglalathala ng Aklat ni Mormon
Nang tumindi ang pag-uusig, lalong nahirapan si Joseph na ituloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Lumipat sila nina Emma at Oliver sa Fayette, New York, kung saan nakatira ang kaibigan ni Oliver na si David Whitmer. Lumipat sila sa bahay ng pamilya Whitmer.
Sa tulong ng mga Whitmer, natapos ni Joseph at ng kanyang mga eskriba ang pagsasalin ilang linggo lamang matapos silang lumipat doon. Nakipagtulungan sila kay E. B. Grandin sa paglalathala ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon sa palimbagan nito sa Palmyra, New York. Isinangla ni Martin Harris ang kanyang bukid, ang buo niyang kabuhayan, para mabayaran ang mga gastusin sa pagpapalimbag. Ang mga unang kopya ay handa nang ibenta noong Marso 26, 1830. Sa huli, dahil mayroon nang Aklat ni Mormon, panahon na para itatag ang Simbahan ni Jesucristo.
Pagtatatag ng Simbahan, ni Robert T. Barrett, hindi maaaring kopyahin
Pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo
Nakikinita ko sa aking isipan ang 40–50 katao sa maliit na tahanan ng mga Whitmer noong Abril 6, 1830, ang araw na itinatag ang Simbahan. Nakikinita ko ang kanilang kasabikan habang pinagmamasdan nila ang 24-anyos na si Joseph na tumayo para simulan ang unang pulong na iyon. Sa araw na iyon, nagsimulang matupad ang propesiya ni Daniel sa Lumang Tipan, na nagsasabing, “Sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba” (Daniel 2:44).
Upang maipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo, kailangan ng Diyos ang mga talento na tanging sina Joseph at Emma Smith, Oliver Cowdery, at iba pa ang mayroon. Sa patuloy na paglago ng Simbahan ngayon, parang hindi na kailangan ang mga indibiduwal na pagsisikap ninyo. Pero kailangan ng Diyos ang mga talento na tanging kayo lamang ang makapagbibigay. Habang naghahanap kayo ng mga paraan na mailaan ang inyong mga pagsisikap sa Kanya, tulad ng ginawa ng mga Banal na ito noon, magiging bahagi kayo ng Kanyang “kahanga-hanga at kagila-gilalas [na gawain]” (Isaias 29:14).
Patuloy ang Kuwento
Ibinalik ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ang awtoridad, mga turo, mga tipan, at mga ordenansa para tulungan ang mga anak ng Diyos na matahak ang landas pabalik sa kanilang tahanan sa langit. Ang kuwento ng Pagpapanumbalik ay nagpapatuloy sa inyo—sa pamamagitan ng inyong mga sakripisyo, pananampalataya, at patotoo. Tuwing nagdadala kayo ng pangalan ng isang kapamilya sa templo, tuwing ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo, tuwing “gumagawa kayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.”
Matutulungan ninyo ang inyong mga kapatid sa magkabilang panig ng tabing na mahanap ang kanilang daan papunta sa nag-iisang landas na magdadala sa kanila pabalik sa Diyos. Matutulungan ninyo silang mahanap si Jesucristo.