“Magtrabaho o Sumamba?,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Magtrabaho o Sumamba?
Dahil nanganganib na mawala ang pangarap kong trabaho, kinailangan kong gumawa ng isang mahalagang pasiya.
Larawang-guhit ni Katy Dockrill
Pagkatapos ng kolehiyo, nagkaroon ako ng oportunidad na magtrabaho sa pangarap kong kumpanya. Sa unang araw, ipinaalam ko sa manager ko kung gaano ako kasaya. Sinabi ko rin sa kanya na mahalaga sa akin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Sinabi niya na aayusin niya ang iskedyul ko para matiyak na hindi ko kakailanganing magtrabaho tuwing Linggo. Nirerespeto raw ng kumpanya ang mga paniniwala ng mga tao.
Masaya ako sa trabaho ko at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Nakikinita ko ang aking sarili na nagtatrabaho sa kumpanyang ito sa mga darating na taon.
Isang araw pagkaraan ng ilang buwan matapos akong magsimula, sinabi ng manager ko, “Kailangan kang pumasok sa Linggo. Kailangan namin ang buong team para tapusin kaagad ang quarter na iyon at magpadala ng magagandang resulta sa headquarters.”
Nabalisa ako.
“Napag-usapan na natin ito dati,” sagot ko. “Naiintindihan ko na gusto mong narito ang buong team, pero ang pagtatrabaho sa araw ng Linggo ay salungat sa pinaniniwalaan ko.”
Pagkatapos ay tinitigan niya ako at matalim na sinabing, “Parang handa kang matanggal sa trabahong ito para sa iyong mga paniniwala.”
Bagama’t mahal ko ang trabaho ko, determinado akong ipakita ang pagmamahal ko sa Panginoon sa pamamagitan ng hindi pagtatrabaho tuwing Linggo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–10).
“Ngayong Linggo ka lang naman magtatrabaho,” dagdag pa ng manager ko.
Hindi iyon mahalaga. Alam ko, at alam ng Ama sa Langit.
“Pasensya na, pero hindi ko magagawa iyan. Naniniwala ako na ang Linggo ay sagradong araw para sambahin ko ang Diyos,” sabi ko.
“OK, tanggal ka na sa trabaho!”
Napakasakit ng mga salitang iyon. Gayunman, habang papalayo ako, nadama ko ang Espiritu Santo sa puso ko. Ang hindi pagtatrabaho sa araw ng Linggo ay tanda na pinili ko nang ibigay sa Diyos ang inakala kong “angkop … sa araw ng Sabbath.” Alam ko na pagpapalain Niya ako dahil dito. Hindi nagtagal, nakahanap ako ng ibang magandang trabaho na nagtulot sa akin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Nangako ang Panginoon sa 1 Nephi 17:13, “Ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko.”
Maaaring subukin ng malalakas na ihip ng hangin ng mundo na iligaw tayo ng landas mula sa pagsunod sa Tagapagligtas. Pero kapag sinunod natin Siya nang may pananampalataya at sinikap na sundin ang Kanyang salita, magkakaroon tayo ng lakas na daigin ang mundo.