2025
Matutulungan Namin Kayo
Pebrero 2025


“Matutulungan Namin Kayo,” Liahona, Peb. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Matutulungan Namin Kayo

Nang tumama ang bagyo sa Puerto Rico, pinagpala kami dahil napagpala namin ang iba.

mga taong namimigay ng mga supply

Larawang-guhit ni Katy Dockrill

Nang tumama ang Bagyong Irma sa Caribbean noong Setyembre 2017, nagdulot ito ng malawakang pinsala sa ilang isla. Isang miyembro ng Simbahan mula sa Estados Unidos na gustong tumulong ang kumontak sa asawa ko, na naglilingkod noon bilang stake president sa Puerto Rico.

“May malaking bangka ako na dadalhin ko sa Puerto Rico para makapagdala ako ng mga pagkain at supply sa pulo ng Tortuga,” sabi niya. “Kailangan ko ang tulong mo sa pagtitipon ng mga supply.”

Bilang tugon, nagsimula kaming mangalap ng mga donasyong pagkain, damit, at iba pang mga item mula sa mga miyembro ng Simbahan at sa iba pa sa Puerto Rico. Nagpadala kami ng dalawang bangkang puno ng mga supply sa Tortuga at naghandang magpadala ng pangatlong bangka ng mga supply, na tinipon namin sa stake center para ipamigay. Doon namin nalaman na isa pang bagyo, ang Bagyong Maria, ang padiretso sa Puerto Rico.

Nang bumagsak sa lupa ang Bagyong Maria, sinalanta nito ang aming pulo, na kumitil sa buhay ng libu-libong mga tao. Sa loob ng ilang araw pagkaraan niyon, hindi kami makaalis ng aming lugar dahil sa bumagsak na mga puno, kalat, at iba pang pinsala. Gayunman, sa stake center, may supply kami ng pagkain, tubig, damit, at personal na mga gamit—lahat ng kailangan namin para sa kalamidad na dulot ng kalikasan. Tinipon namin ang mga iyon para tulungan ang iba, pero sa huli ay kami ang napagpala ng mga iyon.

Nawalan ng kuryente, internet at cell phone service dahil sa bagyo. Samantalang nagsisikap na tumugon ang mga awtoridad ng Puerto Rico, mayroon kaming mga supply na naglaan ng agarang tulong sa maraming tao.

Nang sa wakas ay maaari nang lumabas ng bahay ang asawa ko, nagkaroon siya ng impresyon na bumisita sa ilang miyembro ng aming stake. Nakakita siya ng dalawang sister na nawasak ang mga bahay at nawala ang lahat ng kanilang ari-arian.

“Matutulungan namin kayo,” sabi niya. “Mayroon kami ng mga kailangan ninyo. Puno ng mga supply ang stake center.”

Nang kontakin ng mga miyembro ng Simbahan at ng mga miyembro ng ibang relihiyon ang asawa ko para humingi ng tulong, nagsimula kaming makatanggap ng mga monetary gift card mula sa mga miyembro ng Simbahan sa Estados Unidos na ipinamahagi namin sa mga nangangailangan. Pinatulong din ng Simbahan ang humanitarian resources sa pagbibigay ng pagkain, tubig, at iba pang mga supply sa aming pulo. Sa loob ng ilang buwan, nagawa naming tulungan ang napakaraming mga Puerto Rican dahil sa mga donasyong ito.

Nang sikapin naming tulungan ang aming kapwa pagkatapos ng Bagyong Irma, naghanda ng paraan ang Panginoon para matulungan namin ang aming sarili pagkaraan ng Bagyong Maria. Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, “Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo” (Lucas 6:38).