Mensahe Ng Area
Humayo at Maglingkod, Paghimok ng Missionary na Apat na Beses Nang Nagmisyon sa Pilipinas
Ngayon taon, makukumpleto ni Elder Monte Schofield at ng kanyang asawang si Sister Kathy Schofield ang kanilang paglilingkod bilang couple missionary na naka-assign sa Manila Philippines Temple. Ito ang ikatlong tawag sa mag-asawa na maglingkod sa bansa, at ang ikaapat para kay Elder Schofield.
“Humayo at maglingkod!” Palaging inaanyayahan ni Elder Schofield ang mga kabataang Pilipinong Banal sa mga Huling Araw, lalo na ang Young Men. “Pagpapalain nito ang buhay ng mga tinuturuan ninyo at pagpapalain ang inyong buhay sa mas maraming paraan kaysa inaakala ninyo.”
At tiyak na alam ni Elder Schofield kung ano ang sinasabi niya.
Noon pa man ay binalak na ni Monte Schofield na magmisyon pero nang dumating ang pagkakataon noong 1971, naging mahirap ang desisyong iyon. “Vietnam War noon at nakaapekto iyon sa buhay ng mga binatang taga-US,” paggunita niya. Nang malaman na hindi siya isasamang maglingkod sa militar na hindi gaya ng ibang mga young adult na kilala niya, dininig ni Brother Schofield ang tawag ng propeta na magmisyon ang bawat binata.
Tinawag na maglingkod si Brother Schofield sa Philippines Mission mula 1971 hanggang 1973, na noon ay sakop ang buong kapuluan. Itinalaga siya sa Quezon City (Cubao area), Angeles, Bacolod, Los Bańos/Calamba, Caloocan (Malabon at Navotas area), at Davao City. “Lubhang napamahal sa akin ang ebanghelyo, ang aking Tagapagligtas, at ang mga Pilipino,” paggunita ni Elder Schofield tungkol sa mga panahon ng pag-proselyte niya bilang pioneer.
Ang mga Schofield ay ikinasal sa Idaho Falls Temple noong 1974 at nagkaanak ng dalawang lalaki at tatlong babae. Matapos magretiro sa trabaho sa retail clothing business, tumugon si Brother Schofield sa paanyayang maglingkod na muli nang full- time sa Panginoon.
“Noon ko pa sinabi sa asawa ko na gusto kong bumalik sa Pilipinas at maglingkod kami bilang senior couple,” pagsisiwalat ni Elder Schofield, “Mahal ko ang bansang ito, at higit sa lahat ay ang mababait na tao rito.” Magkasamang naglingkod ang mga Schofield sa Cebu City Philippines Temple (2015–2017), Philippines Olongapo Mission (2019), at sa huli ay sa Manila Philippines Temple (2024–2025).
Sa kabuuan, gusto ni Elder Schofield na malaman ng lumalaking henerasyon na babaguhin ng pagmimisyon ang kanilang buhay, tulad ng sa kanya: “Hindi ko mawari kung gaano maiiba ang buhay ko kung pinili kong hindi magmisyon.”