2025
Himala Sa Camping
Pebrero 2025


Mensahe Ng Area

Himala Sa Camping

Noong bagong tawag ako bilang counselor sa aming stake presidency, naging isa sa mga assignment ko ang mga kabataan. Ang isa sa pinakamahalagang aktibidad na iniatas sa akin na i-organisa at ipatupad ay ang Stake Youth Camp. Ginanap iyon sa isang campground sa Mt. Makiling Los Baños, Laguna, noong Oktubre 2012.

Ulan

Noong panahong iyon, 4 na taon pa lang akong miyembro ng Simbahan. Bago ang aktibidad, wala pa akong anumang karanasan sa camping at lalo na ang mamuno sa isang 3-araw na youth camping activity. Sa unang araw, sinalubong kami ng di-inaasahang malalakas na ulan.

Ako lang ang miyembro ng stake presidency na naroon noong umagang iyon. Basang-basa ng ulan ang lahat ng kabataan habang itinatayo ang kanilang mga tolda. Nangasul ang mga labi nila dahil sa lamig nang simulan namin ang aming opening exercise. Nilapitan ako ng lahat ng bishop at lider ng mga kabataan at tinanong ako nang may malaking pagmamalasakit tungkol sa kapakanan ng mga kabataan kung ano ang aming gagawin. Wala akong naisagot.

Habang sinisikap kong gawin ang lahat para tawagan ang iba pang mga miyembro ng stake presidency para kumonsulta sa kanila, nahirapan akong kontakin sila dahil sa putul-putol na signal at malalakas na ulan. Nangamba akong mahusgahan na wala akong konsiderasyong lider ng simbahan sa sandaling iyon.

Nadama ko na kailangan kong hingin ang patnubay ng Panginoong Jesucristo sa panalangin. Habang naglalakad ako at nag- iisip ng mga posibleng solusyon, nabaling ang isipan ko sa Kanya at humingi ako ng patnubay at inspirasyon at maging ng lakas para sa aking sarili at sa lahat ng kalahok sa Youth Camp para hindi kami magkasakit dahil sa ulan.

Naisip kong humingi ng tulong sa campground officer. Lubos daw niyang nauunawaan ang aming sitwasyon at papayagan kaming lumipat sa isang bulwagang may bubong sa maliit na dagdag na bayad. Nasagot ang aking panalangin. Pagkaraan niyon, agad na dinala ng mga kabataan ang lahat ng gamit nila sa camping mula sa campground patungo sa bulwagan.

Sikat ng Araw

Hindi pa tapos ang aming mga hamon. Hindi nagawa ang lahat ng plano para sa unang araw. Ginugol namin ang buong araw sa paglilipat ng lahat ng gamit sa camping sa ilalim ng ulan pati na ang pagpapatuyo ng lahat ng nabasang bagay.

Ngayon, ang sumunod na tanong ay ano ang gagawain namin kinabukasan kung hindi tumigil ang ulan? Noong gabing iyon, naroon na ang lahat ng miyembro ng stake presidency. Nagpasiya ang aming stake president na kung magpatuloy ang ulan, kakanselahin namin ang camping at uuwi sa aming mga tahanan.

Sa kabila ng lahat ng hirap sa unang araw, na itinuring naming mga karanasan sa pagpapatatag ng pagkatao, naging masaya pa rin ang karamihan sa mga binatilyo at dalagita at ginusto nilang ituloy ang camping. Ang pagnanais na ito ay nag-udyok sa kanila na lumuhod nang grupu-grupo at ipagdasal na bumuti ang panahon kinabukasan.

Kinabukasan, nagising ang lahat sa napakaganda at maaliwalas na umaga sa Bundok Makiling. Namangha kami sa kapangyarihan ng tapat na panalangin. Nasabik kaming ituloy ang mga aktibidad!

Neckerchief

Ang pangalawang araw na aktibidad para sa mga binatilyo ay paglakad sa ilog. Sinabihan silang magsuot ng puting damit at neckerchief. Dahil kauulan lang, lumalim ang ilog mula bukung-bukong hanggang tuhod. Ang mga lider ng Young Men ay nasa harap, sa gitna, at sa likod ng grupo. Nagkatuwaan kami sa pasasalamat sa likha ng Panginoon na kasama ang mga kapwa mayhawak ng priesthood.

Kahit paano’y nadama namin ang init ng araw sa buong paglalakad. Hinubad ng karamihan sa mga binatilyo ang kanilang neckerchief. Basta binitawan lang ng marami sa kanila ang kanilang neckerchief kung saan- saan. Nahikayat akong damputin ang bawat neckerchief na nakita ko sa tabing-ilog.

Pagkaraan ng mga dalawang oras ng paglalakad, inutusan ng aming stake president ang mga lider sa harap na simulan na kaming akayin palayo sa tabing-ilog. Makalipas ang tatlumpung minuto, at hindi pa rin kami makakita ng ligtas na labasan.

Sa huli, nakakita ng labasan ang mga lider, pero medyo matarik ang aakyatin. Sinubukan namin ang iminungkahing ruta pero natuklasan namin na masyadong madulas doon at na halos imposible para sa amin na umakyat at lumabas ng tabing-ilog. Naisip namin na kailangan naming humawak sa isang bagay para itaas ang aming sarili paakyat ng burol at palabas. Inisip namin na ang pagbalik o paghahanap ng ibang ruta ay matatagalan at napakahirap. Tahimik na ipinagdasal ng bawat isa sa amin na magkaroon ng himala.

Naalala ko ang mga neckerchief na kinolekta ko. Itinali namin ang bawat dulo hanggang sa makagawa kami ng isang lubid na sapat ang tibay para mahawakan at maiangat ng mga binatilyo ang kanilang sarili palabas. Sa tulong ng bawat isa sa isa’t isa, nagawa naming makalabas nang ligtas. Iyon ang himala ng neckerchief!

Isaalang-Alang si Cristo

Sa Doktrina at mga Tipan 6:36, sabi ni Jesus, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Nalaman ko sa aming mga karanasan na ang mga pagdududa at pangamba ay napapalitan ng tiwala at pananampalataya kapag isinaalang- alang natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang pag-asa kay Cristo ay naghahatid ng mga biyaya ng patnubay at kapayapaan sa ating buhay. Sa ating paghahangad na maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay, ang paanyaya ko sa lahat, lalo na sa ating Lumalaking Henerasyon, ay isaalang-alang si Cristo.

Kapag isinagawa ninyo ang gawaing naihanda ni Jesus para gawin ninyo, palalakasin at gagabayan Niya kayo. Kapag pinili ninyong gawin ang tama, pagpapalain Niya kayo ng diwa ng paghiwatig na ipaaalam sa inyo ang tama sa mali. Kapag naghanda kayong maglingkod sa mga full-time mission, tutulungan Niya kayong mas maunawaan ang ebanghelyo at magkaroon ng pagmamahal at habag sa iba. Kapag nakipagtipan kayo sa Kanya sa Templo, magbubukas Siya ng mga dakilang himala sa inyo. Kapag pinalalim ninyo ang inyong pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, tutulungan Niya kayong magtamo ng personal na patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad- sala at kung paano ninyo magagamit ang mga pagpapalang ito sa inyong buhay. Pinatototohanan ko ang kabanalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang pagmamahal para sa atin. Mahal ko Siya at gustung-gusto kong paglingkuran Siya. Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.