2025 Philippines Area Priority Focus
Paano Inakay Ng Patotoo Ng Isang Lalaki Ang Kanyang Pamilya Sa Simbahan . . . At Sa Templo
Paano nakatulong ang Mga Priyoridad ng Philippines Area sa 2025 na maakay ang mga pamilya sa templo? Maaaring makakita ang mga miyembro ng isang huwaran at inspirasyon sa napakagandang karanasan ng pamilya Santos.
Si Jerusalem “Jerome” Santos ay lumaki sa isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw na aktibo sa Simbahan. Gayunman, nang magbinata na siya, unti-unting napalayo si Jerome sa ganap na pagkaaktibo at naging abala sa iba pang mga hangarin. Nagsimula siyang magtrabaho, nag- asawa, at nagkaroon ng dalawang anak na babae.
Pero may isang bagay na patuloy na pabalik- balik sa kanyang isipan sa pagdaan ng mga taon: ang kanyang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakatira sa Sorsogon City sa Bicol, sinimulang hanapin ni Jerome ang pinakamalapit na meetinghouse ng Simbahan at natagpuan ang isang miyembro na itinuro sa kanya ang lokasyon at oras ng mga serbisyo sa araw ng Linggo.
Kinalingguhan, nagawi sina Elder Lagrimas at Elder Maximo ng Philippines Legazpi Mission sa paligid ng bahay ni Jerome at nahikayat na lapitan siya habang inaayos ang tarpaulin ng sari-sari store ng kanyang pamilya. “May maitutulong ba kami?” tanong ni Elder Lagrimas. “Okey lang, tapos na ako,” sagot ni Jerome. “Salamat, Elders.”
Nahinuha na isa siyang Banal sa mga Huling Araw, kinaibigan ng mga missionary si Jerome, na tinanggap sila sa kanyang tahanan. Natuklasan nila na hindi miyembro ng Simbahan ang kanyang asawang si Maryjane at mga anak na sina Rahda Israel at Tamara Elijah. Hiniling ni Jerome na turuan ng mga missionary ang kanyang pamilya.
“Noong una, atubili ang asawa ko dahil sa nakalakhang relihiyon ng kanyang pamilya,” paggunita ni Jerome, “pero habang nag-uusap kami nagawang sagutin ng mga Elder ang kanyang mga tanong at alalahanin.” Ang mas mahalaga, may natutuhang isang bagay si Maryjane na nakaapekto nang husto sa kanya: maaaring magkasama-sama ang kanilang pamilya magpakailanman hindi lamang sa buhay na ito kundi hanggang walang hanggan.
Ninais ni Jerome na personal na binyagan ang kanyang pamilya, na pumayag lahat na sumapi sa Simbahan. Gayunman, dahil napakatagal niyang napalayo sa Simbahan, hindi na makita ang membership record niya. Humingi ng tulong si Jerome sa mga dati niyang youth leader, at tinulungan nila siyang ma-access ang hotline number ng Simbahan na nakatulong na lutasin ang mga problema sa kanyang membership record.
Noong Setyembre 30, 2023. Bininyagan ni Brother Santos ang kanyang asawa at ang dalawang anak nilang babae. “Tuwang-tuwa ako!” paglalarawan ni Maryjane sa espesyal na araw na iyon.
Sama-samang tumatahak sa landas ng tipan, pinagsikapan ng pamilya Santos ang kanilang mithiin: ang maging marapat sa isang temple recommend at mabuklod bilang pamilya. Naging aktibo silang mga miyembro ng Bacon Branch sa Legazpi Stake, at dumalo sa mga sacrament meeting at tumanggap ng mga calling. Tumulong din ang mga lider ng branch na maihanda ang pamilya na maging marapat.
Sa wakas, noong Disyembre 17, 2024, nabuklod ang pamilya Santos para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa Manila Philippines Temple. “Masayang-masaya po akong makapasok sa templo at mabuklod sa aking pamilya,” nakangiting sabi ni Tamara, 9. “Ako po,” dagdag naman ni Rahda, 14, “nadama ko na mas malapit ako kay Jesucristo sa Kanyang Bahay.”
Sa paggunita, alam ni Brother Jerusalem Santos na naaalala ng Panginoon ang kanyang mga pangangailangan, sa pamamagitan ng kanyang mga Banal: “Alam ko na talagang may plano si Jesucristo para sa amin, kapwa sa bawat isa at bilang pamilya.”