Ang Plano ng Ama sa Langit para sa mga Pamilya
Ang mga turo, ordenansa, at tipan ng templo ay nagpapala sa lahat ng pamilya sa mundo.
Mga paglalarawan ni Shawna Tenney
Kamakailan, dumalo kami ni Sister Uchtdorf sa binyag ng isa sa aming mga apo-sa-tuhod. Habang pinanonood namin ang maraming henerasyon na masayang ipinagdiriwang ang pangyayaring ito, nakadama kami ng matinding pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang plano ng kaligtasan para sa Kanyang mga anak. Nadama namin kung gaano kahalaga ang pamilya at mga sagradong tipan sa Kanya mula pa sa simula.
Ang kahalagahang iyan ay makikita sa salaysay sa Lumang Tipan tungkol sa matapat na si Jacob, na naglakbay nang matagal at mahirap para makahanap ng mapapangasawa, makasal sa ilalim ng tipan, at bumuo ng pamilya. Isang gabi, tumigil si Jacob para magpahinga sa magdamag pero mga bato lamang ang nakita para gawin niyang unan. Malamang ay pagod-na-pagod na siya, dahil nakatulog pa rin siya—at nanaginip.
Nanaginip si Jacob na “may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.
“At ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac” (Genesis 28:12–13).
Pagkatapos ay gumawa ng ilang mahahalagang pangako ang Panginoon kay Jacob sa tipan—mga pangako na ginawa rin Niya sa ama at lolo ni Jacob na sina Isaac at Abraham, kabilang na ang:
-
Mga pangako na si Jacob ay magiging ama ng “isang malaking bansa” (Genesis 28:3, 14).
-
Isang lupang pangako para sa mga inapo ni Jacob (tingnan sa Genesis 28:4, 13).
-
Pangako na sa pamamagitan ni Jacob at ng kanyang “binhi lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain” (Genesis 28:14; idinagdag ang diin).
Napakasagrado ng karanasan ni Jacob kaya ipinahayag niya, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito. … Ito’y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit” (Genesis 28:16–17). Kaya nga, pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Bethel, na ibig sabihin ay “bahay ng Diyos” (tingnan sa Genesis 28:19, footnote a).
Ang mga templo ay katulad ng hagdan na nakita ni Jacob sa panaginip. Ang mga turo, ordenansa, at tipan sa bahay ng Panginoon ay nag-uugnay sa langit at lupa. Ang mga tipan ay maaaring ikumpara sa mga baitang ng isang hagdan na naglalapit sa atin sa Panginoon. At sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa mga banal na templo, pinagpapala natin “ang lahat ng angkan sa lupa”—noon, ngayon, at sa hinaharap.
Isang Masayang Tanawin ng Langit
Minsa’y nakatanggap ng tawag sa telepono si Elder Bruce C. Hafen, emeritus member ng Pitumpu, mula sa editor ng isang pambansang news magazine para makipag-usap tungkol sa isang aklat na nagsasaliksik sa kasaysayan ng mga paniniwala ng iba’t ibang relihiyon tungkol sa langit.
“Natuklasan ng mga awtor na ang publiko ay nakararamdam ng laganap na pagkagutom sa langit—mga pamilya sa langit,” sabi ni Elder Hafen. Pero “kakaunti ang sagot ng karamihan sa mga simbahang Kristiyano sa pagkagutom na ito ng kalooban”—maliban sa isang eksepsyon: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas, mayroon tayong mga sagradong templo. Mayroon tayong walang-hanggang kasal, na may awtoridad na magbuklod na nagpapala nang lampas pa sa pisikal na kamatayan. Pinangakuan tayo ng walang-hanggang hinaharap sa piling ng mga mahal natin sa buhay sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak. Dahil sa lahat ng ito, naisip ng mga awtor na ang konsepto ng langit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pinakakumpleto—at, idaragdag ko, ang pinakamasaya.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nilikha [ng Panginoon] ang lupa upang magtamo tayo ng [pisikal na] katawan at makabuo ng mga pamilya. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan para dakilain ang mga pamilya. Naglalaan Siya ng mga templo para magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.”
Pagtatanggol sa Pamilya
Hindi tayo dapat magulat na ang isang bagay na napakahalaga sa plano ng Diyos ay mahaharap sa oposisyon. Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), “Alam ni Satanas na ang pinakatiyak at epektibong paraan para guluhin ang gawain ng Panginoon ay bawasan ang impluwensya ng pamilya at kabanalan ng tahanan.”
Alam ang nalalaman natin, dapat tayong mapabilang sa pinakamasisigasig na tagapagtanggol ng pamilya sa mundo.
Paano natin ito magagawa?
Maaari tayong gumawa ng “maliliit at mga karaniwang bagay” (Alma 37:6) na nagpapatatag sa mga relasyon sa pamilya. Kasama rito ang pagsunod sa mga alituntuning nakabalangkas sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.” Anuman ang kasalukuyang sitwasyon ng inyong pamilya, maipapakita ninyo sa inyong mga kilos na ang mga relasyon sa pamilya ay walang-hanggan ang kahalagahan sa inyo.
Sa pamamagitan ng pamumuhay, pagtatanggol, at pagbabahagi ng mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa mga pamilya, matutulungan natin ang iba na makita na “ang mag-anak ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” at na ang “mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama nang walang hanggan.”
Ang Pinili, ni Dan Wilson
“Ako’y Kasama Mo”
Habang pinanonood namin ni Sister Uchtdorf ang aming mga kapamilya na gumawa ng mga sagradong tipan sa ating mapagmahal na walang-hanggang Ama sa Langit, napupuspos ng kagalakan at pasasalamat ang aming puso. Nagagalak kami hindi lamang sa aming mga anak at sa kanilang mga anak kundi maging sa aming mga magulang at sa kanilang mga magulang. Pinagninilayan namin nang may matinding pagmamahal kung paano tayo pinagkakaisa ng mga tipan ng ebanghelyo sa iba’t ibang henerasyon.
Ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kina Abraham, Isaac, at Jacob sa kanyang panaginip ay may kinalaman lahat sa mga pamilya. At umaabot ang mga iyon sa lahat ng Kanyang mga pinagtipanang anak—pati na sa inyo at sa akin. “Alamin mo,” sabi ng Panginoon, “na ako’y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, … sapagkat hindi kita iiwan” (Genesis 28:15).
Ipinapangako ko na habang sinusunod at ibinabahagi ninyo ang plano ng ating Ama sa Langit para sa mga pamilya, Siya ay makakasama ninyo, lalo na kapag nagkaroon kayo o ang inyong mga mahal sa buhay ng mga pagsubok. Bubuhatin Niya kayo, pasisiglahin, at aakayin tungo sa ganap na kagalakan sa piling Niya, sa piling ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa piling ng inyong pamilya—hanggang sa walang-hanggan.