Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Genesis 39–45
Kapag ang Paggawa ng Tama ay Tila Mas Nagpapahirap sa Inyong Buhay
Narito ang isang aral mula kay Jose sa Lumang Tipan kung paano patuloy na gawin ang tama kahit tila pinipigilan kang gawin ito.
Mukhang naging malabo ang hinaharap para kay Jose nang ipagbili siya sa pagkaalipin ng kanyang mga kapatid at dinala sa Egipto. Pero kasama niya ang Panginoon, at pagkaraan ng ilang panahon pinagpala siya ng Panginoon na maging lubos na pinagkakatiwalaang lingkod sa bahay ng kanyang amo na si Potiphar. Naging mabuti ang kalagayan ni Jose pagkatapos niyon—hanggang sa mapilit siyang gumawa ng desisyon.
Isang araw, sinabi ng asawa ni Potiphar kay Jose na gusto niyang magkaroon ng seksuwal na relasyon sa kanya (tingnan sa Genesis 39:7). Hindi pumayag si Jose. Ipinaalala niya sa babae ang tiwalang kaakibat ng kaniyang hawak na tungkulin; ayaw niyang masira ang tiwalang iyon. Pero ang mas mahalaga, sinabi niya sa babae ang mahalagang dahilan kung bakit hindi niya ito magagawa: “Paano … [ko magagawa] itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Diyos?” (Genesis 39:9).
Nanatiling tapat si Jose sa kanyang pangakong susundin ang mga utos ng Diyos. Tama ang ginawa niya.
Pero parang ayaw tanggapin ng asawa ni Potiphar ang pagtanggi niya. Patuloy na hiningi ng babae ang bagay na iyon araw-araw. Ayaw itong gawin ni Jose. Sinikap niyang iwasan ang babae. Muli, tama ang ginawa niya.
Pagkatapos isang araw ay hinablot ng babae ang isang bahagi ng kanyang damit at muling hiniling sa kanya ang gayon. Nakahulagpos si Jose sa damit na iyon at tumakas. Muli, tama ang ginawa niya.
Kaya ikinagalit iyon ng babae at ikinasama ng kanyang loob. Nagsinungaling siya tungkol kay Jose at sinabing ipinagpilitan ni Jose ang kanyang sarili sa kanya. Ginamit niya ang piraso ng kasuotan para patunayan ang kanyang maling paratang.
Naniwala si Potiphar sa kanyang asawa, at nabilanggo si Jose. Lahat ng ito ay dahil sa iginiit niyang gawin ang tama.
Ang Tamang Bagay ay Laging Tama
Maaaring maisip mo na makalipas ang ilang sandali nagsimulang magtanong si Jose kung ang paggawa ng tama ay palaging tamang gawin. Tila mas naipahamak siya nito. Pero patuloy siyang nagtiwala sa Diyos at sinunod ang Kanyang mga utos.
Maaaring may mga pagkakataon sa sarili ninyong buhay na ang paggawa ng tama ay tila hindi nakakabuti sa inyo. Halimbawa, maaari mong isipin:
-
“Kung minsan parang nandaraya ang lahat sa paaralan maliban sa akin. Napag-iiwanan ba ako dahil sa katapatan?”
-
“Sa pagtangging uminom ng kape, tsaa, o alak ay napapaisip ang ilang tao na weirdo ako. Sulit ba ang pagsunod sa Word of Wisdom na siyang dahilan ng pagkahiwalay ko iba?”
-
“Dahil nagbabayad ako ng ikapu, kung minsan ay hindi ko kayang bilhin ang mga bagay na gusto ko. Kailangan ko ba talagang magbayad ng ikapu?”
Pero ang paggawa ng tama ay palaging sulit. Ang pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay palagingsulit. Alalahanin lamang si Jose. Oo, naranasan siya ang ilang ibinunga ng paggawa ng tama—at hindi biro ang mga iyon. Pero sa huli, ang pananatiling tapat sa Diyos ay naging malaking pagpapala para sa kanya—at sa iba pa.
Dahil nanatiling tapat si Jose, kalaunan ay nalagay siya sa posisyon at naging pinakamapagkakatiwalaang tao sa korte ni Faraon. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nakita niya ang pitong-taong taggutom, at hinikayat niya si Faraon na mag-imbak ng sapat na pagkain para makaligtas dito. Ibig sabihin nito ay natulungan din ng Egipto ang iba pang mga lupain na naapektuhan ng taggutom.
Nagpunta pa ang mga kapatid ni Jose sa Egipto para kumuha ng pagkain para sa kanilang pamilya, at kalaunan ay nagpakilala si Jose sa kanila. Nagsisi sila sa ginawa nila sa kanya, pero sinabi ni Jose, “Huwag kayong magdalamhati, … sapagkat isinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay” (Genesis 45:5).
Natutunan ni Jose na “sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya” (Roma 8:28). Alam niya na ang paggawa ng tama ay palaging tama—kahit tila mas mapapalala nito ang ilang bagay sa ngayon.
Hindi ninyo palaging makikita kaagad ang mga pakinabang ng paggawa ng tama. Kung minsan maaaring hindi ninyo makita ang mga temporal na pakinabang sa buhay na ito. Pero kapag patuloy ninyong minamahal ang Diyos at nagtitiwala at nananatiling tapat sa Kanya, lagi Niya kayong espirituwal na pagpapalain at susuportahan sa inyong mga pagsubok (tingnan sa Alma 36:3).