Pasko ng Pagkabuhay sa Lahat ng Oras
Gawin ang Pasko ng Pagkabuhay na isang panahon ng pag-asa sa pamamagitan ng paglapit sa Tagapagligtas.
Mga paglalarawan ni Toby Newsome
Sa unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, nang dalawin ni Maria Magdalena at ng iba pang kababaihan ang libingan ni Cristo, sinabi sa kanila ng mga anghel, “Wala siya rito; sapagkat siya’y [nagbangon]” (Mateo 28:6). Ang mensaheng ito ay naghatid ng napakalaking pag-asa sa Kanyang mga disipulo matapos mawalan ng pag-asa na masaksihan ang Pagpapako sa Kanya sa Krus.
Ang pinakamagandang balita? Totoo pa rin ang mensaheng iyan. Buhay pa rin si Cristo. Nagwagi pa rin Siya laban sa kamatayan at kasalanan. At ang pag-asang nagmumula sa Kanyang Pagkabuhay na Muli ay available pa rin sa inyo—hindi lamang sa Pasko ng Pagkabuhay, kundi sa lahat ng oras!
Hindi lamang Pasko ng Pagkabuhay ang araw na maaari ninyong parangalan ang Pagkabuhay na Muli. Subukan ang ilan sa mga mungkahing ito para gawin ang Pasko ng Pagkabuhay—at ang mga pagdiriwang nito sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli—na buong panahon ng pag-asa at kagalakan.
Pag-aralan ang Buhay ng Tagapagligtas
Ang mga banal na kasulatan ay mabisang kasangkapan na tutulong sa inyo na personal na makilala si Jesucristo at mapalakas ang inyong pananampalataya sa Kanya. Sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, maaari ninyong ituon ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa huling linggo ng Kanyang buhay o sa Kanyang pagbisita sa mga lupain ng Amerika bilang nabuhay na muling Tagapagligtas ng mundo. Ang pagbasa sa makapangyarihang mga salaysay na ito ay maaaring makatulong sa inyo na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa inyo at mas maunawaan ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli.
Kung hindi kayo sigurado kung aling mga sipi sa banal na kasulatan ang pagtutuunan na pansin, maaari ninyong subukang sundin ang gabay sa pag-aaral tungkol sa Easter sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin o ang iba pang mga gabay sa pag-aaral na inilathala sa ChurchofJesusChrist.org.
Makilahok sa Gawain sa Templo
Ang tagumpay ni Cristo laban sa kamatayan at ang kaalaman na tayo man ay mabubuhay na muli ang “pinakamaluwalhati sa lahat ng mensahe sa sangkatauhan.” Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli, ang ating pamilya ay maaaring maging walang hanggan, at lahat ng mga ninuno natin ay maaaring magkaroon ng oportunidad na gumawa ng mga sagradong tipan.
Maipagdiriwang ninyo ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo at maipagpapatuloy ang Kanyang gawain ng pagtubos sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa 1 Pedro 3:18–20) sa pamamagitan ng paggawa ng family history at gawain sa templo. Ang inyong paglilingkod sa templo ay nagtutulot sa mga espiritung iyon na piliing matanggap din ang lahat ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
Paglingkuran ang Iba Tulad ng Gagawin ni Cristo
Pinasigla at pinaglingkuran ni Jesucristo ang iba sa Kanyang buong mortal na ministeryo—kahit noong nasa krus Siya. Maaari ninyong parangalan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao sa paligid ninyo sa paraang tulad ng gagawin Niya. Kahit ang mga simpleng pagpapakita ng kabaitan tulad ng madalas na pagngiti, tunay na pakikinig sa iba, at pagtulong sa paligid ng bahay ay maaaring lumikha ng kapaligiran ng pagmamahal na tulad ni Cristo. Kapag naglingkod kayo sa iba, madarama ninyo at nila ang pag-asa at kabutihan ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.
Tanggapin ang Sakramento nang May Layunin
Ang Tagapagligtas mismo ay nagpasimula ng tradisyon para tulungan kayong alalahanin Siya nang mas mabuti kaysa anupaman: ang sakramento. Ang pagtanggap ng sakramento ay nagpapakita na handa kayong “lagi siyang alalahanin at sundin ang kanyang mga kautusan,” at bilang kapalit ay nangangako Siya na “sa tuwina ay mapapasainyo ang kanyang Espiritu upang makasama [ninyo]” (Doktrina at mga Tipan 20:77). Isang makapangyarihang pangako iyan! Kapag tumanggap kayo ng sakramento linggu-linggo, maaari ninyong unti-unting madama ang katotohanan ng pangakong iyon sa Pasko ng Pagkabuhay at sa tuwina.
Sikaping pagnilayan ang ministeryo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo habang tumatanggap kayo ng sakramento. Taimtim na manalangin, at sikaping isipin kung paano kayo personal na napagpala ng Kanyang sakripisyo.