Mga Tinig ng mga Kabataan
Paglalakbay Papuntang Templo
Paglalarawan ni Katelyn Budge
May panahon na hindi ako nakapunta sa templo nang mga anim na taon. Ang mga taon na ito ang pinakamadidilim na sandali sa buhay ko dahil namatay rin ang nanay ko sa panahong ito. Gusto kong pumunta sa templo, pero mga isang oras iyon mula sa bahay, at wala akong pamasahe at walang maghahatid sa akin.
Pagkatapos noong nakaraang taon tinawag ako bilang Young Women class president. Nang hilingin ng aking lider sa Young Women na tulungan ko siyang magplano ng mga aktibidad para sa buong taon, sinabi ko sa kanya ang unang dapat naming gawin ay pumunta sa templo bilang isang klase. Nang ibalita ko ito sa mga kabataang babae, tuwang-tuwa sila! Para sa karamihan sa kanila, iyon ang unang pagkakataon nilang dumalo. Nagdasal ako at nag-ayuno nang husto habang naghahanda kami para sa paglalakbay. Ayaw kong may mangyaring mali.
Sa templo, nakaramdam ako ng ginhawa sa bawat pasanin. Nangako akong bumisita sa templo nang mas madalas. Iyon ay napakagandang karanasan at pagpapala. Tuwang-tuwa ako na makikilahok kami ng mga kapwa ko kabataan sa dakilang gawain ng ating Ama sa Langit.
Alam ko na ang templo ay ang banal na bahay ng Panginoon, kung saan isinasagawa ang mga sagradong ordenansa. Doon, maaari tayong magsumamo sa Ama sa Langit sa panalangin, at itatama Niya ang mga bagay-bagay sa Kanyang takdang panahon, pupuspusin tayo ng pagmamahal, at bibigyan tayo ng walang-hanggang kapayapaan. Alam ko na kapag umasa tayo kay Cristo, makikita natin ang mga himalang kailangan natin. Tayo ay minamahal na mga anak ng ating Ama sa Langit, at may dakilang gawain Siyang ipagagawa sa atin—tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing.
Precious K., edad 17, Abia State, Nigeria
Mahilig makinig sa musika, kumanta, at makipagkaibigan.